Itinuring na Alila ng Binata ang Sariling Ama; Sa Pagtanda Niya’y Sisingilin Siya ng Tadhana
Abala sa paglilinis ng salas si Mang Desto. Pagkatapos magwalis ay nilampaso pa niya ang sahig. Pinunasan din niyang mabuti ang sofa dahil nakakahiya naman sa mga bisita nila ngayon sa bahay kung maalikabok ang upuan.
Biyudo na si Mang Desto, mayroon siyang isang anak na binata, si Lester. Mag-isa niyang itinaguyod ang kaniyang unico hijo. Lahat ng maaaring pagkakitaan ay pinasok na niya gaya ng pagkakarpintero, pagko-construction, pagiging kargador, pagbebenta ng kung anu-ano, naging house boy pa nga siya mapag-aral lang ang anak.
“Ikuha mo nga ng meryenda ang mga bisita ko! Bilis!” sigaw ng binatilyo na nagpagising sa pagkatulala ng matanda.
Kahit iika-ika dahil mahina na ang tuhod ay bitbit ng matanda ang tray sa salas kung saan naroon ang mga bisita. Dahil malabo na rin ang mga mata ay ‘di napansin ni Mang Desto ang nakaharang na upuan sa daraanan niya kaya nabitawan niya ang tray at nahulog sa sahig ang inumin at pagkaing inorder ni Lester.
“T*ngina naman! Hindi ka kasi nag-iingat, eh! Nakakahiya sa mga barkada ko! Pasensya na kayo guys ha, matanda na kasi itong house boy namin, malabo na ang mga mata. Matagal na siya sa amin, dito na ‘yan nagkandakuba sa pagtatrabaho, kaya dapat ay patalsikin na ‘yan dito at palitan ng mas bata,” aniya.
“Okey lang naman, pare. Wala namang kaso sa amin. Pero kung papalitan mo ‘yang matanda, babae na ang ipalit mo, ‘yung bata at seksi ha? Para mas ganahan kaming bumisita dito sa inyo,” sabi ng isa niyang kaibigan.
Hindi napigilan ni Mang Desto na maluha sa narinig. Ang nagsalita kasi ay ang kaniyang anak na si Lester.
“S-sorry ha, anak…”
“A-anong sabi mo? Pwede ba huwag mo akong tawaging anak?! Hindi porke’t matagal ka na rito sa amin kampante ka nang sabihan ako ng ganyan. Ang mabuti pa’y linisin mo ‘yang kalat mo!” sabi ng binata, matalim ang tingin niya dahil nadulas ang matanda at natawag siyang anak.
Isa na ngayong mahusay na arkitekto si Lester. Iginapang ni Mang Desto ang pag-aaral niya hanggang sa mapagtapos siya nito sa kolehiyo. Natatandaan pa nga ng matanda na tuwang-tuwa ito noong araw na gumradweyt ang anak at tinanggap ang diploma. Sa isip niya, sa wakas magkakaroon na ito ng magandang kinabukasan. Nagbunga ang lahat ng pagsisikap niya para sa nag-iisang anak.Ngunit sa kabila ng mga narating ay unti-unting nag-iba ang ugali ng binata. Binago ito ng tagumpay at salapi. Nang magkaroon maginhawang buhay ay nakalimutan ng binata ang ama. Natuto itong ikahiya si Mang Desto, tuwing may bisita ay sinasabi nitong house boy niya lang ang matanda. Ayaw na ayaw nitong humaharap ang ama sa bisita pwera na lang kung uutusan ito.
Lumuluhang bumalik si Mang Desto sa kusina. Maya maya ay narinig niyang nagsialisan na ang mga bisita ni Lester. Naglilinis siya ng banyo nang biglang makaramdam siya ng malakas na batok sa kaniyang ulo. Pagharap niya ay naroon si Lester, masama ang tingin sa kaniya.
“G*go ka rin, ano? Pinahiya mo ako sa mga barkada ko! Maglalagay na nga lang ng pagkain sa mesa, mahuhulog pa? Saka mahiya ka ngang tawagin akong anak sa harap ng mga kaibigan ko, hitsura mo, mukha kang dugyot!” bulyaw nito.
Kahit nasaktan ay tiniis ng matanda ang batok sa kaniya ng binata at nakatungong humingi ng paumanhin,” Pasensya ka na, anak, hindi ko napigilan…”
Nagpanting na naman ang tainga ni Lester kaya…
“Sige, ituloy mo ‘yan, hindi lang batok ang matitikman mo sa akin! Sa susunod na pumalpak ka pa at sabihan akong anak sa harap ng barkada ko’y ingungudngod ko ang mukha mo diyan sa inidoro!” nagbabantang sabi nito bago tumalikod.
Naiwan si Mang Desto na napahawak sa dibdib sa sobrang sama ng loob. Sa isip niya ay saan siya nagkulang sa kaniyang anak?
Makalipas ang maraming taon
Masayang naghahanda ng pagkain si Lester sa kusina. Retirado na siya at may isang anak. Tulad niya ay arkitekto rin ang trabaho ng kaniyang napangasawa. Uugud-ugod na rin siya dahil sa katandaan.
Maya maya ay narinig niyang may sumigaw.
“L*tse naman, ang bagal-bagal kumilos! Bilisan mo naman diyan, nariyan sa labas ang girlfriend ko, ayokong mapahiya!” inis na sabi ng anak niyang si Ejay.
“Malapit na itong maluto, anak, sandali na lang,” sagot niya.
“T*ngina ka! Huwag mo nga akong tawaging anak! Pagkatapos mong iwanan at lokohin noon si mommy, sasabihan mo akong anak? Wala akong amang basura! Hala, ayusin mo na lang ang trabaho mo diyan, para matuwa ako sa iyo!” sabi nito bago lumabas sa kusina.
Hindi napigilan ni Lester ang maluha sa inasal ng anak niya.
Matapos niyang magpakasal noon sa ina ng kaniyang anak ay nagawa niyang magloko, iniwan niya ang kaniyang asawa at ipinagpalit ito sa ibang babae pero ang masaklap ay iniputan din siya nito sa ulo at sumama rin sa ibang lalaki. Sa nangyari ay nagalit sa kaniya ang anak niya at ngayon nga ay kinamumuhian siya nito.
Isang araw ay nabalitaan nila na nagpatiw*kal ang asawa niya sa sobrang sama ng loob. Sa nangyari ay mas lalong tumindi ang galit sa kaniya ng anak. Kahit nakatira siya sa poder nito ay alipin naman ang turing nito sa kaniya. Ikinahihiya rin siya nito sa ibang tao gaya ng ginagawa niya noon sa tatay niya. Mas masahol pa nga ito kaysa sa kaniya dahil nagagawa nitong hindi siya pakainin at ikinukulong siya sa banyo kapag nagkakamali siya sa mga gawaing bahay. Pinagbubuhatan din siya nito ng kamay kapag nalalasing ito at paulit-ulit na ipinamumukha sa kaniya ang lahat ng kasalanan niya sa nanay nito.
Naalala niya ang tatay niyang si Mang Desto. Ginagawa sa kaniya ng anak niya ngayon ang ginagawa niya rito noon. Ngayon lang siya nakaramdam ng pagsisisi, ngayon niya lang naisip ang kaniyang pagkakamali kung kailan wala na ito.
“Patawarin mo po ako sa lahat ng nagawa ko noon, itay ko,” sambit niya habang umiiyak.
Magsisi man siya ay huli na, hindi na siya maririnig pa ng tatay niya.
Tandaan na mahalin at igalang ang ating mga magulang dahil kung masama man ang ipinaranas natin sa kanila ay babalik at babalik din ito sa atin sa takdang panahon.