Inday TrendingInday Trending
Isinuko pa Rin ng Dalaga ang Sarili sa Nobyo Kahit Ipinagpalit Siya sa Ibang Babae; Hanggang Kailan siya Magpapakababa Para sa Lalaki?

Isinuko pa Rin ng Dalaga ang Sarili sa Nobyo Kahit Ipinagpalit Siya sa Ibang Babae; Hanggang Kailan siya Magpapakababa Para sa Lalaki?

“Ang t*nga-t*nga mo talaga!” umiiyak na sabi ni Stephanie sa sarili.

Kahit alam niyang malaking kalokohan na ibigay ang kaniyang pagkababae sa maling lalaki ay ginawa pa rin niya. Bakit kamo? Siyempre mahal niya eh!

Tatlong buwan na ang nakakaraan nang matuklasan niyang may ibang babae ang kasintahan niyang si Daryl. Nakilala niya sa mall ang lalaki, kung saan isa siyang saleslady.

Nang magsimula itong manligaw sa kaniya ay marami na ang nagsasabing iwasan niya ito dahil numero unong babaero raw ang lalaki. Luha lang daw ang idudulot nito sa buhay niya kapag nagpadala siya sa mabulaklak na pananalita nito. Pero tao lang siya, may puso’t damdamin. Hindi niya napigilan ang sarili na mahulog kay Daryl.

Dahil guwapo ang lalaki, masarap kakuwentuhan at matiyaga sa panliligaw sa kaniya ay mabilis niyang naibigay ang matamis na ‘Oo’.

Pero wala pang isang buwan silang magkarelasyon ay nabuking niya na hindi lang pala siya ang babae nito, dalawa sila. Bukod sa kaniya ay may kinakalantari pa itong iba. Durog ang puso niya nang malamang totoo ang babala sa kaniya tungkol kay Daryl, na sasaktan lang siya nito. Handa na siyang makipaghiwalay sa manlolokong nobyo pero isang araw, pinuntahan siya nito sa department store na pinagtatrabahuhan niya. Lumuhod ito sa harap niya at humingi ng tawad. Siya namang si g*ga, kay daling bumigay. Sinabihan lang siya ng ‘sorry’ at namakaawa lang sa harap niya’y kay daling nawala lahat ng galit niya rito. Para bang wala itong ginawang kasalanan sa kaniya kaya ito siya ngayon, isinuko niya ang ‘Bataan’ kay Daryl. Matapos siyang bolahin ay sumama naman siya rito sa motel at pumayag siyang ibigay ang kaniyang pagkababae. ‘Di ba, ang laki niyang t*nga’?

Pinahid niya ang luha sa mga mata at dali-daling bumangon.

“Where are you going?” tanong ng lalaki. Nang sulyapan niya ito’y wala rin itong saplot na nakahiga sa kama.

Matapang niyang sinagot si Daryl.

“Ano pa ba? Edi uuwi na ako! Hindi na ako makakabalik sa trabaho, sasabihin ko na lang na ’emergency’,” sagot niya.

Isa-isang pinulot ng dalaga ang mga damit niyang nakakalat sa sahig, pumasok siya sa banyo at nagbihis. Pagkatapos na ayusin ang sarili ay walang paalam siyang pumunta sa pinto at akmang bubuksan na iyon ngunit narinig niya ulit ang boses ni Daryl, tinawag ang pangalan niya.

“Steph!”

Dahan-dahan niyang nilingon ang lalaki. Nakita niyang seryoso itong nakatitig sa kaniya.

“Ano?” aniya.

“Sa apartment ko na ikaw tumira para makalibre ka. Mahal kamo ang upa sa nirerentahan mong boarding house, ‘di ba?” sabi nito.

“What? Pagkatapos mong mambabae, inaalok mo ako ngayong tumira sa iyo? Ano ito, suhol?” Ito ang gustung-gustong sabihin ni Stephanie sa pagmumukha ng makapal na lalaking ito. Sa isip niya ay sinabi lang iyon ni Daryl dahil nakukunsensiya lang ito sa nangyari sa kanila. Siyempre nga naman, matapos nitong makuha ang gusto sa kaniya’y susuhulan siya nito. Gustuhin man niyang humindi ay hindi niya nagawa dahil kahit winasak nito ang puso niya’y mahal na mahal pa rin niya ito. Ang lalaki kasi ang kaniyang ‘first love’ kaya kahit nalaman niyang pinagtaksilan siya ay madali siyang napapalambot kapag nilalambing at sinusuyo na siya nito gaya kanina kaya nga naka-iskor ito sa kaniya.

“O-okey,” tugon niya.

Pagkatapos ng nangyari sa kanila ay sa apartment na ni Daryl siya tumira. Malaki nga naman ang matitipid niya, kung doon siya nakatira ay wala na siyang babayarang renta. Maliit lang kasi ang sahod niya ‘di tulad ni Daryl na malaki ang kinikita. Maganda ang trabaho ng lalaki, isa itong supervisor sa isang computer company. ‘Di nga niya lubos na maisip kung bakit sa dinami-rami ng babae ay nagustuhan siya nito, samantalang isa lamang siyang hamak na saleslady sa department store.

Nang magsama sila sa iisang bubong, kahit kailan ay hindi na nila napag-usapan ang babae nito. Hindi na niya tinangka pang tanungin ang lalaki tungkol doon dahil alam niyang masasaktan lang siya. Maayos naman ang pakikitungo nito sa kaniya, maalaga pa rin ito at ibinibigay ang lahat ng gusto niya. Ewan ba niya, pero kahit ganoon lang ang set up nila ay masaya na siya basta’t kasama niya si Daryl. Ganoon din ang lalaki, ang sabi nito’y nag-e-enjoy daw ito kapag kasama siya. Hindi malinaw ang estado ng relasyon nila, hindi nga niya alam kung sila pa ba. Minsan nga ay naiisip niya na ang tawag sa ginagawa nila ay ‘friends with benefits’ dahil makailang ulit na niyang ibinigay ang sarili kay Daryl kahit malabo ang intensyon nito sa kaniya.

Kinagabihan ay umuwi ang lalaki na may dalang pasalubong, may bitbit itong chocolate cake na paborito niya.

“Para sa iyo ‘yan. Alam kong iyan ang gusto mo,” nakangiting sabi ni Daryl.

Sa simpleng ginawa nito ay hindi niya napigilan ang sarili na kiligin.

“T-Thank you,” tugon niya. “Kumain ka na ba? Nagluto ako ng sinigang na hipon, paborito mo ‘yon, ‘di ba?” saad niya.

Tumango ang lalaki. “Talaga? Sige, magbibihis muna ako then sabay na tayong kumain,” malambing na wika ni Daryl.

Pagkatapos nilang maghapunan ay niyakap siya ng lalaki.

“Salamat, salamat sa lahat,” anito sabay hinalikan siya sa labi.

“T-teka…D-Daryl…”

Hindi na naituloy ni Stephanie ang sasabihin dahil masuyo na siyang hinahagkan nito. Wala na rin siyang nagawa kundi namnamin ang mga sandali.

Sobra ang saya niya sa mga oras na iyon. Unti-unting nagkakaroon ng pag-asa na muli niyang maangkin ang puso ni Daryl na naging salawahan. Muli ay isinuko niya ang sarili rito.

Nang sumapit ang umaga ay maganda ang gising niya. Pinaligaya na naman siya ni Daryl kagabi. Napansin niya na wala ito sa kama, lumabas siya ng kwarto pero hindi niya ito nakita. Saan kaya ito nagpunta? Binuksan niya ang pinto at napansin niya ang isang sobre sa lapag. Tila sulat iyon.

“Ano kaya ito?”

Hindi niya napigilan ang sarili na buksan ang sobre at tingnan ng nilalaman nito, pero nanlaki ang mga mata niya nang mabasa ang laman ng sulat.

Daryl,

Hindi mo sinasagot ang mga tawag at text ko kaya sinulatan na lang kita. Ano? Nasabi mo na ba sa babaeng iyon na hihiwalayan mo na talaga siya dahil may plano na tayong magpakasal?Huwag mo nang patagalin iyan, darling, inip na inip na ako! Ready na ang mga invitations para sa kasal natin. Baka naman nagdadalawang isip ka pang hiwalayan ang cheap na babaeng iyan? Ano ba kasi ang nakita mo sa kaniya na isa lang namang saleslady? Siguro ay magaling lang ‘yan sa kama kaya hindi mo mabitawan ano? Pwes, huwag mong hintayin na ako pa ang sumugod diyan para kaladkarin ang haliparot na ‘yan. Pag nabasa mo ito’y puntahan mo agad ako dito sa condo ko, okay?

Rebecca.

Napahagulgol si Stephanie. Kung nasaktan siya nang malamang may ibang babae si Daryl, triple ang sakit ngayon dahil niloloko lang pala ulit siya nito. Ginagawa lang siyang parausan ng lalaki na iiwan din siya dahil nakatakda na itong magpakasal sa babae nito. Matapos niyang ilang beses na magpakat*nga ay ito lang ang igaganti nito sa kaniya. Kasalanan niya, hindi na siya nadala.

Agad siyang nag-empake ng mga damit at umalis sa apartment ni Daryl. Pinuntahan niya ang pinsan niya sa probinsya, doon muna siya habang sariwa pa ang sugat na dinulot sa kaniya ng lalaki.

Isang linggo pa lang siyang nakikituloy sa pinsan niya nang bigla siyang makaramdam ng pagkahilo.

“Diyos ko, huwag naman po sana,” sambit niya sa isip. Ilang linggo na rin kasing hindi siya dinaratnan.

Nang magpakonsulta siya sa doktor ay kumpirmado nga ang hinala niya, siya ay nagdadalantao.

Tulala si Stephanie na lumabas ng klinika. Paano na ito ngayon? Nagbunga ang ilang beses nilang kapusukan ni Daryl. Paano pa siya makakapagbagong buhay kung nag-iwan ito sa kaniya ng alaala?

Papasok na siya sa bahay ng pinsan nang lumabas ito.

“Insan, halika sa loob may bisita ka!”

Lumakas ang kabog ng dibdib niya nang makilala ang lalaking dumalaw sa kaniya. Mugto ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya.

“D-Daryl!”

Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya ulit magpapakat*nga. Tama na ang minsang nagpakag*ga siya sa lalaki.

Tinigasan niya ang ekspresyon ng kaniyang mukha at nagsalita.

“Ano pang ginagawa mo rito? ‘Di ba, ikakasal ka na sa babae mo? Tapos na ang panggagamit mo…”

“Hindi kita ginamit, Steph. Kaya ako narito para magpaliwanag. Alam kong umalis ka dahil nabasa mo ang sulat ni Rebecca, pero mali ang iniisip mo,” wika ng lalaki.

Nagulat siya nang bigla itong lumuhod sa harap niya.

“Noong una, aaminin kong g*go ako. Niloko kita, natakot kasi ako noon sa nararamdaman ko sa iyo. Hindi kasi ako sanay na hinahanap-hanap ko ang babae kaya sinubukan kong tumikim ng ibang putahe. Hindi ko maamin na nahuhulog na ako sa iyo. Pero nung natuklasan mo ang tungkol sa amin ni Rebecca, sabi ko sa sarili ko, kaya kong mawala ka sa akin pero mali ako. Dahil nung balak mong makipaghiwalay sa akin ay halos mabaliw ako kaya nang may mangyari sa atin ay hindi ko na pinakawalan ang pagkakataon. Kaya inalok kita na sa apartment ko na lang tumira upang hindi ka na malayo pa sa akin, para palagi na tayong magkasama dahil natutuhan na kitang mahalin, Steph…mahal na mahal na kita,” pag-amin ni Daryl.

Tinaasan ni Stephanie ng kilay ang lalaki. Kailangan niyang tatagan ang sarili dahil nararamdaman niyang bibigay na naman siya.

“Akala mo ba ay naniniwala pa ako sa mga sinasabi mo?” aniya.

“Maniwala ka sa akin, nagsasabi ako ng totoo, Mahal kita. Hindi ko pa ba naiparamdam sa iyo nang paulit-ulit? Habang may nangyayari sa’tin sa kama ay buong puso kong ipinaparamdam sa iyo na mahal na mahal kita, Steph. Araw-araw ko iyang patutunayan sa iyo, habang nabubuhay ako’y ikaw lang ang mamahalin ko. Si Rebecca, wala iyon. Wala na kami nang gabing unang ibinigay mo sa akin ang iyong pagkababae. Nakipaghiwalay na ako sa kaniya dahil hindi siya ang mahal ko. ‘Yung nabasa mong sulat ay pawang kasinungalingan lang niya. Hindi totoong ikakasal kami. Sinadya niyang ipadala ang sulat na iyonpara asarin ka dahil alam niyang masasaktan ka kapag nabasa mo iyon. Nang umagang mabasa mo ang sulat, nataong lumabas ako ng apartment para ipamili ka ng mga gamit. Umamin siya sa akin na inabangan niya akong umalis saka niya iniwan ang sulat sa may pinto. Pinuntahan ko siya agad nang makita ko ang sulat sa sahig kaya nalaman kong pakana niya iyon para siraan ako sa iyo,” paliwanag ng lalaki na hindi na napigilang humagulgol.

Nakaramdam ng awa si Stephanie kay Daryl. Ngayon lang niya nakitang humagulgol ito. Bumigay na naman ang puso niya.

“Maiintindihan ko kung hindi mo na ako matatanggap, pumunta lang ako rito para sabihin ang totoong nararamdaman ko sa iyo. Patawarin mo ako, Steph,” humihikbing sabi ni Daryl. Lulugu-lugo itong tumayo sa pagkakaluhod at bagsak ang balikat na tumalikod at akmang alis na.

“Kay tagal kong nagpakat*nga at nagpakag*ga sa iyo, pero ewan ko ba kung bakit hanggang ngayon ay t*nga at g*ga pa rin ako sa pagmamahal sa iyo,” hayag ni Stephanie.

Napalingon si Daryl, patakbong niyakap nang pagkahigpit-higpit ang dalaga.

“Tama ba ang narinig ko? Mahal mo pa rin ako?” tanong nito.

“Oo, Daryl, kahit sobra na ang sakit na ibinigay mo sa akin ay hangal pa rin ang puso ko. Mahal pa rin kita,” tugon niya.

“Salamat mahal ko, hinding-hindi mo pagsisisihan na minahal mo ako, pangako iyan,” sambit ng lalaki.

Ipinaalam na rin ni Stephanie kay Daryl na magiging ama na ito at laking tuwa naman ng lalaki. Mula noon ay pinanindigan na ni Daryl ang pangako na araw-araw ipaparamdam sa kaniya ang pagmamahal nito. Niligawan siya ulit ng lalaki at makalipas ang ilang buwan ay pinakasalan siya nito. Naging maligaya ang pagsasama nila kasama ang kanilang anak. Walang oras na hindi pinatunayan ni Daryl na mahal siya nito dahil kahit umabot na sila sa ikalimampung taon nilang anibersaryo bilang mag-asawa ay hindi pa rin kumukupas ang pagmamahal nito sa kaniya at ganoon din siya rito. Pag-ibig na pinatibay ng panahon.

Advertisement