Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ganda ko ang Mag-aahon sa Atin - Inday Trending

Ganda ko ang Mag-aahon sa Atin

“Baka naman pwedeng ikaw naman ang maghugas ng pinagkainan? Nakita mong pagod si nanay galing sa trabaho eh!” sigaw ng nakatatandang kapatid na si Tin kay Mae na noon ay nagsusuklay ng buhok.

“Nakita mong bagong manicure ang kuko ko eh! Eh ba’t hindi ikaw ang gumawa?!” sagot naman ng maarteng dalaga sa kaniyang ate.

“Ayos lamang ako Tin, salamat. At saka ‘wag mo nang istorbohin ang kapatid mo, alam mo namang may auditon pa ‘yan bukas eh,” sabi naman ng ina na bahagyang hinihingal.

“Napaka-atribida nito! Akala mo hindi siya makikinabang kapag sumikat ako!” bulyaw pa ni Mae sa ate at saka binalibag ang hawak na suklay. Halos tumirik ang mata sa pag-irap ng walang modong kapatid.

Sa pagdating naman ng ama mula sa trabaho nitong pagtataho ay agad itong sinalubong ni Mae. Hindi man lamang kinamusta ang amang hapong-hapo at agad humingi ng pera para sa damit na kailangan daw nito. Magiliw naman na inabot ng ama ang kaniyang kita sa anak na dalaga.

“Hmp! Samantalang kapag proyekto ko sa eskwela ay kailangan pa kong lumuha ng dugo para lang makahingi,” mahinang dabog ni Tin at saka lumabas ng bahay.

Kahit narinig ng mag-asawa ang hinaing ng panganay na anak ay pinili nilang hindi iyon pansinin. Tulad kasi ni Mae ay tiwalang-tiwala ang mga ito na ang pag-aartista ng anak ang sagot sa kanilang kahirapan. Kahit kapwa bugbog sa trabaho ang dalawa ay pinipilit nilang ibigay ang lahat ng kailangan ng bunsong anak. Mula sa magagarang damit, mga gadget, pang-spa at salon, pati mga pampakinis ng balat ay ibinibigay nila rito.

Hanggang sa dumating na ang araw na pinakahihintay nila. Umalingawngaw sa kabahayan ang tili ni Mae habang hawak ang pinakabagong modelo nitong cellphone. Nataranta ang mga magulang at nagmadaling lumapit sa anak. Ang anak na panganay naman ay napa-irap na lang dahil sanay na siya sa pagiging OA ng kapatid.

“Natanggap ako! Natanggap ako sa audition! Artista na ko! OMG!” sabi pa ng dalaga at saka muling nagtititili. Binati naman ito ng nanay at tatay nito at dahil lang doon ay naghanda pa ang pamilya kinabukasan.

Lumipas ang ilang buwan at nakita na nga sa isang patalastas si Mae ngunit bilang isang extra lamang. Nakatikim ng saway si Tin nang pagtawanan nito ang kapatid na tanging braso lang ang ipinakita.

Nang sumunod na araw ay binisita ng buong pamilya si Mae sa shooting kuno nito. Napipilitan man ay itinaas ni Tin ang dala niyang banner na pina-tarpaulin pa ng mga magulang. Naiinis siya sapagkat nag-oovertime ang mga ito madalas sa trabaho samantalang matatanda na ang mga ito.

“Nak! Nak! Nandito na kami!” kaway ng kaniyang ina nang makita nila ang kapatid na kasama ang direktor at ilang sikat na artista. Dahil sa lakas ng boses ng ina ay pinagtinginan ito ng mga tao. Halata namang napahiya ang kapatid na si Mae kaya’t nagkunwari itong hindi kilala ang pamilya. Patuloy namang sumisigaw ang ina kaya’t nairita ang direktor at tinanong si Mae kung kilala niya ba ang mga iyon.

“No, direk. Hindi ko sila kilala. Baka mga fans ko lang,” sabi naman ng dalaga sa malakas na tinig. Nang marinig ito ni Tin ay talaga namang nagpanting ang kaniyang tainga. Kung hindi pa siya napigilan ng ama ay nasugod na niya ang kapatid. Matapos ang komosyon ay halos makaladkad sila palabas ng bodyguard na nandoon. Hiyang-hiya sa ginawa ng pamilya ngunit itinago niya iyon dahil ayaw niyang malaman ng mga tao na anak siya ng labandera at magtataho.

Ilang mga buwan pa ang lumipas ay hindi man lang dumalaw ni isang beses si Mae sa kanila. Lungkot na lungkot ang mag-asawa ngunit katwiran nila ay abala lang daw ito sa mga proyekto niya.

Hindi pa man sikat ay mapagmalaki na si Mae. Isang araw ay kumalat na lamang ang balita tungkol sa pagmamaltrato nito sa isang assistant. Agad itong pinulaan ng publiko at maraming netizen din ang nanghusga rito. Nabalitaan ito ng pamilya at awang-awa man sa sinapit ng anak ay wala silang magawa sapagkat hindi nila alam saan na hahagilapin ang anak.

May tampo man si Tin sa kapatid ay mahalaga pa rin naman ang kapatid sa kaniya kaya nagpasya siyang puntahan ito sa shooting nito. Para rin mapagaang niya kahit papaano ang loob ng mga magulang. Nahirapan siyang mapuntahan ito ngunit sa tulong ng kaniyang kaibigan na nagtatrabaho bilang make-up artist ay nakapasok siya sa set ng shooting. Nakita niya ang kapatid at ng akmang lalapitan niya ito ay nagulat siya sa nadatnang eksena.

“Wala ka nang magagawa Mae kaya’t huwag ka na lang magsalita. Baka mas lalong walang matira sa katiting mong kasikatan,” maarteng sabi ng isang sikat na artista na si Cyndie Cortez. Nagtawanan naman ang iba pa nitong mga kasamang kapwa artista.

“P-pero Cyndie, ikaw naman ang nag-utos sa akin na gawin iyon diba? Parang awa mo na, ipagtanggol mo naman ako,” pagmamakaawa pa ng kaniyang kapatid sa artistang babae.

“You are so kawawa, ang sakit mo sa mata kaya please, bumalik ka na lang sa iskwater kung saan ka nanggaling,” sabi muli ng artista at saka iniwang umiiyak ang kaniyang kapatid. Dahil sa galit ay hindi na napigilan ni Tin ang sarili at nilapitan ang kapatid.

“Mae?! Mae tumayo ka diyan, halika na, umuwi na tayo,” sabi niya sa kapatid na noon ay nagulat sa pagsulpot niya. Nang makita siya nito ay napaiyak na lang ito sa kaniyang balikat at saka sumama sa kaniya pauwi.

Pagdating sa kanilang bahay ay agad na sinalubong ng yakap si Mae ng mga magulang. Nahihiya pa ito noong una ngunit nang makitang walang panghuhusga sa mata ng mga ito ay lalo lang siyang naiyak.

“Patawad ma, pa, ate.. ikinahiya ko kayo dahil napakayabang ko. Sana ay mapatawad niyo ko,” iyak ng dalaga.

Minsan mang nabulag sa kasikatan si Mae ay taos puso pa rin itong tinanggap ng bawat miyembro ng kaniyang pamilya. Doon niya napagtanto kung gaano kalaki ang mga sakripisyong ginawa ng mga ito para sa kaniya. Nangako siya sa sariling susuklian din ang pagmamahal ng mga ito sa pamamagitan ng pagsisikap ng mabuti upang magtagumpay sa buhay. Sa pagkakataong iyon, isasama na niya ang mga ito sa kaniyang tagumpay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.