Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Hanggang sa Ating Pagtanda, Mahal - Inday Trending

Hanggang sa Ating Pagtanda, Mahal

“For better or for worse. ”Til de*th do us part…” iyon ang sumpaan ni Libeth at Tonio noong ikinasal sila ilang dekada na ang nakakalipas. May apat silang anak at lahat iyon ay may kaniya-kaniyang pamilya na at naninirahan na sa Maynila, habang sila ay nanatili lamang sa bayan kung saan talaga sila naninirahan. Sa probinsya ng Quezon.

“Mareng Libeth, hindi na ba kayo binibisita ng mga anak mo?” tanong ni Betty.

“Ganun siguro talaga mare, kapag malalaki na ang mga anak natin ay mas gusto na nilang maging malaya at minsan na lang maaalalang may mga magulang pa silang namimiss sila at naghihintay sa pagbisita nila,” malungkot na wika ni Libeth, pero nakangiti naman ang mukha niya upang hindi ipahalata ang lungkot na nararamdaman.

“Iyon nga ang sinasabi ng karamihan. Kapag nakapag-aral ng maganda at nagkaroon ng magandang trabaho ang mga anak mo, iiwanan ka nila at maghahanap-buhay sila na hindi aasa sa mga magulang. Pero kapag hindi mo napagtapos ang mga anak mo mananatili sila sa piling mo at sa’yo pa rin nakaasa. Katulad na lang ng kapitbahay mong si Manuel at Sonya, ang tatlo nilang anak na nakapag-asawa na’y nasa kaniya pa rin nakatira. Isang anak lang niya ang sinuwerte. Si Vina lang ang nakapag-abroad, kaya ito lang ang sumusuporta sa kanilang lahat. Tingnan mo iyong malaking bahay nila dati, ngayon ay pinaghati-hati na,” mahabang kwento ni Betty, na halata ang inggit sa kapitbahay na kahit naghihirap ay masaya pa rin ang pamilya at sama-sama.

“Kaya nga Mareng Betty, minsan napapaisip rin tayong sana hindi na lang sila lumaki,” wika ni Libeth.

“Ako nga rin e, naiisip ko rin na sana hindi na lang sila lumaki. Buo pa sana kami ngayon. Tingnan mo, kami na lang din ni pare mo ang magkasama,” nakangiting wika ni Betty.

Halos araw-araw ay paulit-ulit lamang ang ginagawa ni Libeth at Tonio, nagpapakain si Tonio ng mga alaga nilang manok at baboy, samantalang si Libeth naman ay nagluluto at nagdidilig ng halaman. May kasama naman silang katulong ngunit mula noon hanggang ngayon ay mas gusto niyang pinagluluto si Tonio. Ngunit isang araw ay biglang nagkasakit si Tonio ng malubha. Hindi umaalis ang lagnat nito kahit ilang beses na niya iyong pinapainom ng gamot. Hindi na alam ni Libeth kung ano ang gagawin.

“Hindi ba kayo maaaring umuwi man lang dito mga anak? Malubha ang sakit ng papay niyo at sana naman nandito kayo bago man lang kami tuluyang mawala sa mundo,” nakikiusap na wika ni Libeth sa mga anak.

“‘May naman hindi pa kayo mawawala ni papay. Magpapaalam pa po kami sa mga amo namin, ‘may. Pero hayaan niyo po pupuntahan namin kayo, huwag na kayong umiyak ‘may,” nakikiusap na tugon ng kaniyang panganay na anak na si Renz.

“Naguguluhan na ako sa nangyayari kay papay niyo,” humahagulhol na wika ni Libeth. “Huwag niyo ng hintayin na magpantay ang mga paa namin ng papay niyo bago niyo kami puntahan. Ilang taon na kayong hindi nagagawi rito. Sana maisip niyo naman kami ng ama niyo. Hindi namin kailangan ang pinansyal na suporta niyo sa ngayon. Ang kailangan namin ay ang presensya niyo. Ginawa namin lahat sa inyo noon, ito lang ang munting hiling namin ng papay niyo,” umiiyak na wika ni Libeth.

Tatlong araw na ang nakakalipas ay hindi pa rin gumagaling si Tonio, kahit nadala na nito sa ospital. Ayon sa doctor ay may komplikasyon daw si Tonio sa baga at kailangan muna iyong magamot bago ito papayagang umuwi.

“Magpagaling ka na Tonio,” nakikiusap na kausap ni Libeth sa asawa. “Kapag nawala ka, hindi ko kakayanin. Alam mo naman na ikaw na lang ang kasama ko lagi. Kapag nawala ka, paano na ako?” malungkot na wika ni Libeth habang hawak-hawak ang kamay ni Tonio.

“Hindi pa ako mamam*tay Libeth, kaya itigil mo iyang pag-iyak mo. Magsasama pa tayo ng matagal na panahon at ramdam kong hindi pa ito ang oras ko,” nakangiting wika ni Tonio.

Isang araw ay bigla na lang silang sinorpresa ng mga anak nila. Kaya tuwang-tuwa silang mag-asawa.

“Mamay, papay,” masayang wika ng mga anak nila. Nasasabik naman si Libeth na yakapin ang mga ito. Pakiramdam ni Libeth ay kumpleto na naman siya, dahil nandito ang mga anak nila.

“Namiss ko kayo mga anak,” mangiyak-iyak na wika ni Libeth.

Iyon ang pinaka-masayang araw nilang mag-asawa. Pakiramdam nila ay bumalik sila noong panahon na mga bata pa lang ang mga ito. Muling umingay ang malaking bahay nila at muling gumulo. Dalawang linggo raw ang bakasyon ng mga anak nila para makapagsaya sila ng mahaba-habang panahon.

“Ang saya-saya ko ngayon, Tonio,” nakangiting wika ni Libeth, habang nasa labas sila ng bahay at magkatabing nakaupo.

“Ako rin Libeth, pakiramdam ko ay bumata ulit ako. Nakakamiss din ang maingay at magulong bahay ‘no?” nakangiting wika ni Tonio. Bakas sa mukha nito ang sobrang saya.

“Ang bilis lumipas ng panahon, ano? Mukhang malapit nang lumubog ang araw natin Tonio, at saka ang dami na rin nating pinagdaanan. Hindi naging madali lahat pero tingnan mo naman nandito pa rin tayo at magkasama. Naaasar pa rin ako sa’yo at naiinis ka pa rin sa’kin pero ayoko pa ring mawala ka sa buhay ko. Kahit matanda na tayo, mahal na mahal pa rin kita,” nakangiting wika ni Libeth. Niyakap naman siya ni Tonio at hinalikan sa ibabaw ng kaniyang noo.

“Ako rin. Hindi pa rin kumukupas ang pagmamahal ko sa’yo. Masayang-masaya ang buhay ko dahil ikaw ang babaeng nakasama ko. Hindi naging perpekto ang pamumuhay natin pero masaya ako dahil nagawa natin ng maayos ang misyon natin sa buhay. Nakapagtapos natin ang mga anak natin at tingnan mo naman sila ngayon,” masayang wika ni Tonio.

“Natupad din natin ang pangako natin sa isa’t-isa. Hanggang sa ating pagtanda magkasama pa rin tayo mahal,” malambing na wika ni Libeth.

Lumipas ang dalawang linggo at panahon na para umuwi ang mga anak nila. Pero kahit ganun ay nangako ang mga itong tuwing katapusan ng buwan ay dadalaw ang mga anak nila at tatlong araw mananatili sa piling nila. Tinupad naman ng mga ito ang usapan kaya naging kuntento si Libeth at Tonio.

Hindi lang pera ang magpapasaya sa mga magulang natin. Kailangan din nila ang kaunting oras at presenya ng mga anak nila at sapat na iyon para tunay silang maging masaya.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.