Simpleng Buhay ni Aling Peding

Simpleng Buhay ni Aling Peding

InspiringMiracleStories

Nag-iisa na lang si Peding sa buhay dahil pumanaw ang kaniyang asawa na si Pedio tatlong taon na ang nakakalipas. Habang ang nag-iisa naman nilang anak ay pumanaw na rin limang taon na ang nakakalipas dahil sa komplikasyon sa diabetes. Kaya siya na lamang ang nakikipaglaban sa buhay kasama ang kaniyang mga alagang hayop sa kaniyang maliit na bahay-kubo.

“Memeng, kumain ka na kasi aalis na ako maya-maya dahil kailangan kong pumunta ng bayan para magbenta ng tatlong manok para may pagkain tayo. Kayo na lang kasi ang hindi pa nakakakain. Kanina pa tapos sila Bruno,” kausap ni Peding sa mga alagang pusa at tukoy naman niya sa inahing aso na kaniyang alaga.

Napangiti naman siya nang makitang maganang kumain ang pusa sa kaniyang inihandang pagkain. Wala siyang ibang kasama sa bahay kaya ang mga nakakausap lang niya ay ang mga alagang hayop. Meron siyang limang kambing at hindi mabilang na mga manok na madali niyang nabebenta kapag wala na siyang pera. May limang pusa at tatlong aso. Iyon na lang ang mga kasama niya sa buhay. Kung may makakakita man sa kaniyang kinakausap niya ang mga alaga ay malamang iniisip nitong baliw na siya.

Simple lang ang buhay ni Peding sa kaniyang maliit na kubo pero masaya siya. Lalo na kapag nakahiga na siya sa loob ng kaniyang simple at maliit na kwarto. Masayang umalis si Peding sa bahay niya habang bitbit ang tatlong manok na ibebenta sa bayan. Wala na kasi siyang perang pambili ng pagkain nilang lahat ng kaniyang alaga at ng kaniyang maintenance. Kaya ito na naman siya, pupunta sa bayan upang magbenta ng alagang manok.

“Aling Peding nagawi ka na naman dito sa lugar namin. Kumusta ka naman?” masayang wika ni Carmen, ito ang suki niya na laging bumibili sa kaniyang mga manok.

“Kinailangan ko na namang bumili ng pagkain namin ng mga alaga ko at gamot na rin para sa tumatanda ko nang katawan,” birong wika ni Peding. Masaya siyang nakikipag-kwentuhan si Peding nang biglang may tumatawag sa pangalan niya.

“Aling Peding! Aling Peding!” natatarantang wika ni Henna, habang hingal na hingal ito.

“Ano ba iyon, Henna? Bakit para kang hinahabol ng sampung kabayo d’yan?” kinakabahang tanong ni Peding.

“Aling Peding, malaki raw ang baha sa sapa na nasa likod bahay niyo. Ang sabi sa’kin ng anak kong si Joey ay inabot na raw ang bahay niyo. Biglang lumaki ang tubig at hindi niya alam kung nakaligtas ba ang mga alaga mong hayop,” natatarantang wika ni Henna.

“Ano! Paano na ang mga alaga ko?” nag-aalalang wika ni Peding. Nag-aalala siya sa kaniyang bahay-kubo pero mas nag-aalala siya sa mga alaga niyang naiwan doon. Ngali-ngali siyang pumara ng habal-habal para mapabilis ang dating niya sa bahay niya. Sana nakaligtas ang mga alaga niya. Kahit magiba ang bahay-kubo niya basta huwag lang may mangyaring masama sa mga alaga niya.

“Biglaan daw ang baha Aling Peding, maganda naman ang panahon kanina at walang ulan. Siguro umuulan na sa bundok kaya bumabaha ang sapa,” kausap sa kaniya ng drayber ng habal-habal na sinakyan niya.

“Kaya nga e. Kung alam ko lang na babaha e ‘di sana inakyat ko na ang mga alaga kong kambing sa bundok, sana nakaligtas sila,” mangiyakngiyak na wika ni Peding. Mga alagang hayop lang sila pero mahalaga sila sa buhay ni Peding. Napapakinabangan sila ni Peding lalo na kapag wala na siyang pera, at ang mga ito rin ang nagpapasaya sa kaniya. Lalo na ang kaniyang aso at pusa.

Nang makita kung ano ang sinapit ng kaniyang kubo ay napahagulhol siya ng iyak. Mataas ang baha at baka inanod na nga ang mga alaga niya. Hindi na kaya ng habal-habal na lumusong pa paibaba kaya nandito lang siya ngayon sa mataas na bahagi ng kanilang lugar. Puro tubig na lang ang nakikita niya.

“Aling Peding, hindi ko na po nagawang puntahan ang bahay niyo kasi mas inuna ko ang bahay namin,” umiiyak na paliwanag ni Joey ang anak ni Henna. Puro putik ang katawan nito at basang-basa dahil malakas ang ulan sa lugar nila pero sa bayan ay walang ulan.

“Ayos lang iyon, Joey. Wala kang kasalanan,” patuloy pa rin siya sa pag-iyak. Lagi na lang siyang dumadanas ng pagsubok at laging iniiwan. Mapatao man o hayop. Pati bahay-kubo niya’y wala na rin.

Nang biglang may kambing na nag-iingay sa kaniyang likuran, agad siyang napalingon. Ang tatlong kambing niya ay nakaligtas, hindi lang niya alam sa dalawa kung nasaan. Ang kaniyang memeng at si Bruno ay magkakasama na halatang nakipagsapalaran sa putik at baha dahil puno ng putik ang buong katawan ng mga ito. Marami ang nawala pero may natira pa sa mga alaga niya. Agad niyang niyakap ang mga ito, hindi alintanang madumihan ang damit.

“Salamat at nakaligtas kayo,” masayang wika ni Peding na animo’y mga tao ang kausap. Makikita niya rin ang iba niyang alaga pagkatapos ng sakuna.

Hindi man nakakasagot ang mga alagang hayop ay parang tao na ang turing ni Peding sa mga ito. May puso sila at nakakaintindi rin, hindi nga lang sila nakakapagsalita.

Halos isang buwan din bago humupa nang tuluyan ang tubig sa lugar nila. Pagkatapos noon ay muling nagpatayo si Peding ng kaniyang bahay-kubo. Hindi na kumpleto ang mga alaga niya pero gaya ng inisip niya’y bumalik nga ang iba nang humupa na ang baha sa lugar nila. Simpleng buhay pero masaya. Iyon ang mayroon kay Peding kasama ang kaniyang mga alagang hayop.

More Stories