Mahal Mo Lang Ako Kapag Lasing Ka

“Saan ka ba nagpunta, mahal?” pilit pinapahinahon ni Emma ang boses niya sa asawang si Tope. Lasing na naman kasi ito at hindi na halos makatayo sa sobrang kalanguan.

“Ahsawa koh… Hik!” nakangising wika ni Tope sa tonong lasing na lasing. Inakbayan siya nito sabay halik sa kaniyang pisngi. “Mahal na mahal kita asawa ko,” dugtong pa nito.

“Ano ba naman iyan, Tope? Pwede bang sa susunod huwag ka ng iinom? Gabi-gabi mo na lang ginagawa iyan,” kahit naiinis na siya ay pinipili pa rin ni Emma na maging mahinahon. Halos gabi-gabi na lang kasi itong lasing at mahal lang siya nito kapag nalalasing ito. Naririnig lang niya ang salitang “mahal kita” at “asawa ko” kapag nalalasing ito.

“Nawawala kasi ang problema ko asawa ko kapag lasing ako,” nakangising wika nito.

“Ano ba ang problema mo? Pwede mo namang sabihin sa’kin kung ano ‘yon. Malay mo makatulong ako,” pangungumbinsi niya.

“Anong magagawa mong tulong? Nandito ka lang naman lagi sa bahay at laging nakatunganga. Hindi mo nga matulungan ang sarili mo tapos tutulungan mo pa ako,” wika nito na halos pipikit na ang mga mata sa sobrang kalasingan.

Bahagyang nasaktan si Emma sa sinabi ni Tope, pero hindi na lang niya pinansin iyon. “Pero asawa mo pa rin ako, Tope,” wika ni Emma.

“Alam ko. Kaya nga umuuwi pa rin ako rito kasi asawa kita,” wika nito tsaka tuluyang nakatulog.

Advertisement

Nag-iwan ng malaking tanong ang huling sinabi nito. Ano ba ang ibig sabihin ni Tope, ayaw na ba nito sa kaniya kaya lagi itong nakikipag-inuman? Kinabukasan ay masinsinan niyang kinausap si Tope upang klaruhin ang sinabi nito kagabi. Magdamag siyang hindi nakatulog dahil sa sinabi nito.

“Ano ba ang ibig mong sabihin kagabi, Tope?” tanong ni Emma sa asawa.

“Ano ba iyon, Emma? Ang aga-aga, nagbubunganga ka na naman,” naiiritang wika ni Tope.

“Anong na naman? Ngayon nga lang kita kakausapin dahil sa sinabi mo kagabi. Ano ba ang ibig mong sabihin na kaya ka umuuwi rito dahil asawa mo ako? Napipilitan ka na lang bang umuwi sa’kin kaya halos gabi-gabi ka na lang lasing?” naiinis na sambit ni Emma.

“Ewan ko sa’yo! Ano ba naman iyang mga pinagsasabi mo?!” iwas naman ni Tope sa usapan.

“Alam mo noon ko pa ‘to napapansin e ayaw ko lang magsalita kasi ayokong sabihin mo na tamang hinala na naman ako. Nararamdaman ko lang na mahal mo ako kapag nalalasing ka. Nararamdaman ko lang na asawa mo ako kapag halos hindi ka na makatayo sa sobrang kalasingan. Kailangan mo lang ako para maglinis ng suka mo at mag-alaga sa’yo kapag lasing ka!” hindi na napigilang wika ni Emma. Bakas sa kaniyang boses ang labis na sakit.

“Minahal mo ba talaga ako Tope?” hindi sinasadyang bahagyang pumiyok ang boses ni Emma sa tanong. May apat na silang anak pero ngayon lang siya nagkalakas loob na tanungin iyon sa asawa.

“Hindi ko alam?” naguguluhang wika ni Tope.

Advertisement

“Paanong hindi mo alam?” balik tanong ni Emma.

“Akala ko noon mahal talaga kita, Emma. Kaya nga kita pinakasalan dahil akala ko ikaw na talaga ang huling mamahalin ko. Pero nung nakita ko ulit si Kiara, ang first love ko, napapaisip ako kung minahal ba talaga kita o naging panakip butas lang kita?

Hindi ko din alam Emma, patawarin mo sana ako. Pero totoong kahit ako ay naguguluhan na rin. Kaya nga halos gabi-gabi ko na lang nilulunod ang sarili ko sa alak,” pag-amin ni Tope.

“Kawawa naman pala ako,” malungkot na wika ni Emma. Alam niya ang buong kwento ni Tope at ni Kiara dahil wala namang inilihim sa kaniya noon si Tope, pero ang buong akala niya’y nanalo na siya sa puso ni Tope dahil siya ang pinili nito. Ngunit hindi pala, dahil nung bumalik si Kiara ay agad lumihis ang puso ni Tope at muling inibig ang babaeng noon pa man ay karibal na niya sa puso nito.

“Mula noon hanggang ngayon pala ay nakikipag-kumpitensya pa rin ako sa pagmamahal mo. Iniisip ko na siguro may mali sa’kin at may kulang. Sinisisi ko lagi ang sarili ko kasi hindi ko magawang pa-ibigin ka ng buo, pero ngayon na-realize kong wala pala sa’kin ang mali… Kung ‘di na sa’yo pala.

Sana hindi mo na lang ginulo ang buhay ko noon kung hindi mo naman pala ako ganun ka-mahal, sana ipinaglaban mo na lang ang pagmamahal mo kay Kiara, para wala kang pinagsisisihan ngayon,” humihikbing litanya ni Emma.

“Pero kahit ganun Emma, ikaw at ikaw ang pipiliin ko dahil asawa kita,” wika ni Tope.

“Oo. Ako ang inuuwian mo pero hindi ako ang laman ng puso mo!” umiiyak na wika ni Emma habang may matalim na tingin kay Tope.

Advertisement

Kinahapunan ay nakapag-desisyon si Emma na umuwi muna sa probinsya nila. Dala ang apat niyang anak ay umuwi sila sa bahay ng kaniyang mga magulang. Mas maigi na rin sigurong bigyan muna niya ng espasyo ang asawa upang makapag-isip-isip ito. Kinabukasan ay tawag nang tawag si Tope sa kaniya.

“Huwag mo muna kaming isipin Tope, maayos naman ang lagay namin dito. Bigyan na muna natin ng espasyo ang bawat isa hangga’t may respeto pa ako sa’yo. Mag-isip ka munang maigi–” naputol ang sasabihin niya ng sumingit ito.

“Hindi ko kailangang mag-isip at ng espasyo, Emma. Kayo ang pipiliin ko dahil kayo ang pamilya ko,” singit ni Tope sa kabilang linya.

“Please, tama na muna ang pagpapanggap. Kailangan ko muna ng espasyo Tope, napagod na kasi akong mahalin ka. Ito lang ang hinihingi ko sa’yo, sana mapagbigyan mo,” umiiyak ng wika ni Emma.

Walang nagawa si Tope kung ‘di pagbigyan ang hiling ni Emma. Ngunit sa araw-araw na uuwi siya’y pakiramdam niya ay kulang na kulang siya. Napag-isip-isip ni Tope na mas mahal niya ang asawa at kailangan niya ang kaniyang pamilya. Kaya makalipas ang isang buwan ay nagdesisyon siyang puntahan ang kaniyang mag-ina upang kunin ang mga ito.

“Patawarin mo ako kung minsan akong nagduda sa pagmamahal ko sa’yo, Emma. Siguro kasi mas nakakasama kita araw-araw kaya nangyari iyon. Ngunit kulang ako nung panahon na wala kayo sa bahay. Kinaya ko noon nung iwanan ako ni Kiara upang piliin ang pangarap niya. Pero hindi ko kayang mawala kayo sa’kin. Kaya kita pinakasalan dahil mas mahal kita. Sana maniwala ka,” nakaluhod na wika ni Tope kay Emma habang humahagulhol ng iyak. Walang pakialam kung ano ang sasabihin ng mga taong nakakakita sa kaniya.

“Tumayo ka na, Tope, hindi mo naman kailangang gawin ‘yan,” nakikiusap na wika ni Emma habang inalalayan siyang tumayo.

“Emma, hindi mo kailangang makipag-kumpitensya kay Kiara, kasi nung araw na pinakasalan kita. Iyon na rin ang araw na nanalo ka sa puso ko. Dahil ikaw ang pinili ko, ikaw ang mahal ko at ikaw ang mamahalin ko hanggang sa dulo,” muling wika ni Tope.

Advertisement

Hindi na kayang magsalita ni Emma dahil sa pinaghalong emosyon. Galak, saya at pasasalamat. Akala niya ay tuluyan nang masisira ang pamilya nila ni Tope. Tama lang ang ginawa ni Emma, nang mag-desisyon siyang lumayo muna para makapag-isip-isip ang asawa. Hinayaan niya si Tope na timbangin kung sino ang mas mabigat? Ang naudlot nitong pag-ibig noon o sila na pamilya nito ngayon. Ayon nga sa kasabihan ng karamihan: Kapag napagod ka, magpahinga ka. Pero huwag kang susuko.