Inday TrendingInday Trending
Sundin ang Payo

Sundin ang Payo

Bata pa lang si Renzo ay marami na siyang tanong sa kaniyang isipan at isa na roon ay kung bakit napakarami namang ipinagbabawal ang kaniyang mga magulang sa kaniya. Madalas kasi niyang marinig sa mga ito ang “Huwag mong gawin ito, huwag mong gawin iyan.” Hindi tuloy maiwasan na sumama ang loob niya kapag naririnig niya ang mga katagang iyon.

“Anak, huwag na huwag ka nang lalabas ng bahay kapag gabi na. Ang mga bata ay kailangan na nasa loob na ng bahay kapag sumapit na ang dilim,” paalala sa kanya ng inang si Aling Myrna.

“Anak, diretso agad ang uwi dito sa bahay sa tuwing natatapos ang iyong klase sa eskwelahan ha? Ayoko na naglalakwatsa ka pa at kung saan-saan nagpupunta,” bilin naman ng kanyang ama na si Mang Lino.

“Opo inay, itay,” tangi niyang sagot sa mga ito.

Lahat naman ng mga paalala sa kaniya ng mga magulang ay sinusunod niya. Ngunit may isang bagay na talagang lagi niyang gustong gawin kahit ipinagbabawal ng mga ito, ang maligo sa ilog.

“Napakabilis ng agos ng tubig sa ilog. Maliit ka pa at kaya kang ianod nito,” laging paalala sa kaniya ng ina.

“Kaya huwag na huwag kang maliligo sa ilog ng ikaw lang mag-isa,” sabad pa ng ama.

Minsan tuloy ay napapaisip siya sa pagkontra ng mga magulang sa bagay na iyon na gustong-gusto niyang gawin. Noon pa ay paborito na niya ang lumangoy sa ilog at maligo. Pakiramdam niya ay hindi kumpleto ang buong linggo niya kapag hindi siya nakakaligo roon.

“Lahat naman ng paalala nila ay sinusunod ko pero ang paliligo sa ilog ay gustong-gusto kong gawin. Hindi ko kaya na hindi maglangoy roon,” sabi ni Renzo sa isip.

Naniniwala kasi siya na kaya niya ang kaniyang sarili na maligo sa ilog kahit pa wala siyang kasama. Marunong naman siyang lumangoy dahil tinuruan siya ng kanyang tiyuhin noon ng bumisita ito sa kanilang lugar. Sa Maynila naninirahan ang tiyuhin niyang si Ishmael na nakababatang kapatid ng kaniyang ama. Mahusay itong lumangoy at nang nagbakasyon ito sa kanila ay tinuruan siya nitong lumangoy sa ilog.

Isang araw, pagkalabas ng eskwelahan ay nagpunta si Renzo kasama ang tatlo niyang kaklase sa ilog para lumangoy. Masaya silang naghubad ng uniporme at sapatos at sabay-sabay na tumalon sa tubig. Tuwang-tuwa ang magkakaibigan habang naliligo sa ilog.

“Matatakutin lang talaga sina inay at itay. Ang sarap-sarap kayang lumangoy sa ilog. Napakalamig ng tubig,” bulong niya sa sarili.

“Ang galing mo na lumangoy, Renzo. Mas gumaling ka pa ngayon kumpara noong nakaraang taon,” sabi ng isa niyang kaibigan at kaklase na si Ferdie.

“Tinuruan kasi ako ni Tiyo Ishmael noong nagbakasyon siya rito. Marami siyang itinurong teknik na sa akin pagdating sa paglangoy,” sagot niya sa mga kasama.

Maya-maya ay naisip ni Renzo na lumangoy sa patungo sa may bandang gitna ng ilog. Unti-unti siyang umusad ngunit bigla na lamang bumilis ang agos ng tubig at siya ay tinatangay na palayo, patungo sa malalim na parte ng ilog. Pinipilit niyang pigilan ang katawan ngunit hindi niya makaya ang malakas na agos ng tubig.

“Ferdie, Christian!” sigaw niya. “Saklolo! Saklolo, tulungan niyo ako!”

Ngunit hindi niya kasing galing lumangoy ang mga kasama niya. Napamulagat na lang ang mga ito sa ‘di masaklolohang kaibigan.

“Tulong, tulong! paulit-ulit niyang sigaw. “Diyos ko, huwag Mo po ako pababayaan!”

Tila natulala na ang mga kasama ni Renzo habang siya ay tinatangay ng malakas na agos ng tubig sa ilog.

Mabuti na lang at may biglang tumalong lalaki mula sa mga kakahuyan. Naroon pala ang isa sa mga kapitbahay nila na napadaan sa ilog para mamingwit ng isda.

“Huwag kang mag-alala bata, tutulungan kita! Halika kumapit sa akin at dadalhin kita sa pampang,” wika ng lalaki.

Nasagip si Renzo ng lalaking sumaklolo sa kaniya ngunit may ilang sandali bago siya nahulasan.

“Salamat po, Mang Ben. Akala ko’y katapusan ko na. Nagdasal po ako at kayo ay dumating,” sabi niya sa lalaki.

“Walang anuman. Sa susunod ay huwag kayong lalangoy sa malalim na parte ng ilog at delikado kapag inabutan kayo ng malakas na agos ng tubig,” payo pa nito.

Dali-daling umuwi sa kanilang bahay si Renzo at ikinuwento sa mga magulang ang nangyari. Sa una ay kinagalitan siya ng mga ito nag-alala rin ito sa kanya at muli siyang pinaalalahanan.

“Sa susunod ay susundin mo na ang mga payo namin sa iyo. Mabuti na lamang at naroon si Mang Ben kundi ay nalunod ka na sa ilog. Salamat sa kanya at Diyos dahil ligtas ka, anak,” wika ng kanyang ina.

“Mahalaga, anak, ang pagsunod sa payo ng mga magulang. Para rin iyon sa ikabubuti at kaligtasan mo,” saad pa ng ama.

“Patawarin niyo po ako. Ngayon po ay alam ko ng dapat nga pala akong sumunod sa sinasabi niyo ni inay. Simula ngayon ay susundin ko na po ang mga payo niyo sa akin,” sagot niya sa mga magulang.

Napagtanto ni Renzo na batid ng mga magulang ang nararapat sa mga anak kaya dapat na sundin ang mga ito. Ang isa pang natutunan niya ay kapag nasa oras ng panganib ay huwag mag-atubiling manalangin at ang tulong ay kusang darating.

Advertisement