Mapera Ako, Sasagutin Ako ng Dalagang ‘Yon!

“Pre, balita ko gusto mo raw pormahan yung kaibigan ko, ha? Naku, ngayon pa lang magdasal ka na! Pihikan ‘yon, at ayaw no’n sa isang babaerong tulad mo,” sabi ni Gio sa katrabaho niyang tila nagkagusto sa matalik niyang kaibigan nang minsan niya itong isama sa isang pagdiriwang.

“Hoy, maghinay-hinay ka! Kapag naman may nobya na ako, hindi na ako nambababae. Saka, magtiwala ka sa akin! Marami na akong babaeng napaamo!” sagot ni Troy saka bahagyang tinapik sa braso ang katrabaho.

“Tignan na lang natin kung hanggang saan aabot ‘yang yabang mo! Sinasabi ko sa’yo, ibang-iba ‘yon sa lahat ng naging nobya mo!” wika pa nito, tila labis niyang binibigyang babala ang katrabaho.

“Naku, Gio, baka nga magulat ka isang araw ganap na kaming magkarelasyon,” tugon pa niya dahil upang mapailing-iling ang kaniyang katrabaho, “Sige na, balik na ako sa trabaho, sama mo ulit yung kaibigan mo kapag may pagdiriwang tayo ha!” dagdag niya pa saka tuluyan nang bumalik sa trabaho.

Solong anak ng mayamang pamilya ang binatang si Troy. Simula pagkabata hanggang ngayong nasa ganap na edad na siya upang magkapamilya na, binibigay ng kaniyang mga magulang lahat ng luho niya. Mapa-pinakabagong selpon man ‘yan, sasakyan, o laptop, basta’t sinabi niyang gusto niya ‘yon, kinabukasan, mapapasakamay na niya ‘yon agad.

Sa katunayan nga, sa kaniyang mga magulang ang kumpanyang pinagtatrabahuhan niya. Noong una’y tuwang-tuwa ang mga ito dahil sa wakas nagkaisip na ang binatang kumilos para sa sarili ngunit hindi kalaunan, halos lahat na ng babaeng nagtatrabaho rito, pinormahan na niya dahilan upang magkandagulo-gulo ang kanilang pagtatrabaho.

Dito na siyang nagsimulang pagbawalan ng mga magulang niya na huwag manligaw ng katrabaho, sakto namang may natipuhan siyang babaeng kaibigan ng kaniyang katrabaho na nakita niya sa pagdiriwang ng kaarawan nito.

Kaya naman, ganoon na lamang ang pagkasabik ng binata sa susunod na pagdiriwang dahil tiyak nandoon ulit ang babaeng ‘yon.

Advertisement

Dumating na nga ang araw ng kaarawan ng isa niya pang katrabaho na kaibigan rin ang naturang dalaga. Maaga siyang nagpunta doon upang makita kaagad ang dalaga, balita niya kasi, tutulong daw ito sa pagluluto ng mga pagkain.

Ngunit pagdating niya doon, wala pa ang dalaga. Sabi ni Gio, nasa trabaho pa raw ito at susunod na lamang, dahilan upang bahagya siyang madismaya. Papaalis na sana siya nang biglang sumagi sa paningin niya ang isang paparating na dilag na labis ang kagandahang taglay. Tila tumigil ang kaniyang mundo at ang tanging nakikita niya lamang ay ang imahe nito na papalapit sa kaniya. Halos mapaihi siya sa kilig nang ngitian siya nito at kinamusta.

Doon na siya nagkaroon ng tiyansang magpabida. Tinulungan niya ito sa pagluluto at kada may bibilhing sangkap o pagkain, agad siyang naglalabas ng pera.

“O, ito, isang libo, bumili ka ng lechon manok!”

“Limang daan, o, dagdag niyo na sa pambili ng ice cream!”

“Ito, o, limang libo, pambili ng alaki niyo!”

Ilan lamang ito sa mga katagang sinasabi ng binata sa tuwing naririnig niyang nagkukulang ang pera ng may kaarawan. Binibigyang diin niya ang presyo ng kaniyang binibigay at nilalaksan upang marinig ng dalaga.

“Siguro naman ngayong alam na niyang mapera ako, malaki na ang tiyansa ko sa kaniya,” bulong niya sa sarili, balak niya na itong tanungin kung maaari ba siyang manligaw mamayang gabi.

Advertisement

Nagsimula na nga ang pagdiriwang sa ganap na alas otso ng gabi. Nagsidatingan na ang iba pang mga bisita ng may kaarawan.

Naggagandahan ang mga babaeng nandoon, habol tingin naman itong binatang tila hayok na hayok sa babae ngunit noong mapansin niyang mag-isang kumakain sa gilid ang dalaga, agad niya itong nilapitan at kinumusta. Nang mapahaba na niya ang kanilang pag-uusap doon na niya binida ang kaniyang sarili.

“Alam mo ba, yung kumpanyang pinagtatrabahuhan namin ng mga kaibigan mo, mga magulang ko ang may-ari! Kaya nga tingnan mo, may kotse ako, pinakabago ang selpon ko, at higit sa lahat kaya kong bilhin lahat ng gusto ko. Siyempre, lahat rin ng gusto mo,” pagmamayabang niya na ikinagulat ng dalaga, “Pwede ba kitang ligawan?” tanong niya rito.

“Troy, hindi lahat ng babae, pera ang habol sa isang lalaki. Aanhin ko ang pera mo kung ang mga mata mo, sa katawan ng ibang babae nakasunod? Nasa tamang edad na tayo, hindi ko na kailangan ng hindi seryosong relasyon. Mapapangasawa na ang hinihintay ko, hindi pipitsuging nobyong mahangin porket mayaman,” sambit nito saka ngumiti, uminom lamang ito ng tubig saka siya iniwan sa lamesang ‘yon.

Naiwan naman ang binata, tila ang laking sampal para sa kaniya lahat ng sinabi ng dalaga. “Napasobra ata ang pagmamalaki ko sa sarili ko!” wika niya saka ginulo-gulo ang buhok. Napansin niya namang nakatingin sa kaniya ang katrabaho niya, patawa-tawa ito sa hindi kalayuan.

Doon na napagtanto ng binata na tila tama nga ang kaniyang katrabaho. Iba nga ang dalagang iyon, dahilan upang mas lalo niya itong gustuhin. Binago niya ang sarili. Mula sa pagiging mahangin, naging mapagkumbaba na siya. Hindi na rin siya tumitingin sa ibang babae, tanging sa dalagang iyon na lamang. Sa katunayan nga, pinupuntahan na niya ito sa kanilang bahay at kahit pa pagtabuyan siya, ipipilit niyang papasukin siya dahilan upang unti-unting mahulog sa kaniya ang dalaga.

Hindi kalaunan, sinagot na siya nito at isang taon lamang ang lumipas, niyaya na niya itong magpakasal, ‘ika niya, “Pinaghirapan kita, hindi ako papayag na hindi kita mapapakasalan!” na labis namang ikinatuwa ng dalaga.

Agad nga silang ikinasal at bumuo ng sarili nilang pamilya. Ganoon na lamang ang tuwa niya na kahit kailan, hindi naibigay ng pera’t mga materyal na bagay na mayroon siya.

Advertisement

Iba-iba talaga ang klase ng babae. Hindi lahat yaman lang habol sa isang lalaki, karamihan, sa ugali nakabase.