Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ayaw Mo Akong Papasukin? Papasikatin Kita! - Inday Trending

Ayaw Mo Akong Papasukin? Papasikatin Kita!

“Hoy, Nicolo, sikat na sikat na sa social media yung pinost mo tungkol sa security guard sa school ah? Sikat ka na!” sambit ni Wilbert sa kaniyang kaklaseng maingay ngayon sa social media.

“Oo nga, eh. Nakakainis naman kasi talaga ‘yung guard na ‘yon kaya marami ang nakakapansin. Mantakin mo, mag-iba lang ang kulay ng medyas mo, hindi ka papapasukin? Akala mo nama’y kaniya iyong buong school!” daing pa ni Nicolo, bakas sa mukha niya ang pagkainis.

“Nakanasan ko rin ‘yan, eh! Umuwi pa talaga ako mapalitan lang ang kulay pula kong medyas. Hindi ko kasi namalayan na pula pala ang nadampot kong medyas dahil sa pagmamadali ko, ayon sa huli, hindi pa rin ako nakapasok sa una kong klase,” dagdag pa ng kaniyang kaklase dahilan upang mas lalo siyang mainis sa security guard na ‘yon.

“O, diba, nakakainis! Baka bumagsak pa tayo dahil sa mga ‘yon! Isang beses pang hindi ako makapasok, papasikatin ko ulit ‘yon!” ‘ika niya na puno ng galit.

Kasalukuyang nasa ikaapat na taon na ang binatang si Nicolo sa kolehiyo at sa loob ng ilang taong ‘yon, nabuo ang galit niya sa isang security guard sa kanilang paaralan. Mahigpit kasi ito at talagang nanghaharang ng estudyante kapag nakita niyang hindi nasunod sa mga patakaran sa kanilang paaralan lalo na kapag uniporme ang pinag-uusapan.

Laging siyang biktima nito, madalas kasi siyang hindi naka-uniporme pagpasok, katwiran niya palagi, “Napakainit sa mga silid! Gusto niyo ba kaming magpunta sa langit kaagad?” ngunit tila hindi ito epektibo sa guard dahilan upang umuwi siya at magpalit ng uniporme para lamang makapasok.

Ang pagkakataong ‘yon ay naulit kinabukasan. Ngayon naman, dahil sa kaniyang pagmamadali, nakalimutan niya ang kaniyang ID dahilan upang harangin siya muli ng naturang guard.

“Manong naman, paborito mo talaga akong harangin, ano? Gusto mo na namang sumikat?” banta niya dito.

“Sir, wala po kasi kayong ID. Ako po ang mapapagalitan kapag nakita kayo ng dean sa loob na walang ID,” sagot naman nito, bakas sa mukha niya ang sinseridad ngunit ikinagalit pa ito ng binata.

“Wala akong pake! Huli na ako sa klase ko!” sambit niya saka nagpumilit pumasok ngunit agad siyang hinarangan ng iba pang guard dahilan upang hindi siya makapasok at umuwi na lamang.

Pagkauwing-pagkauwi niya, agad niyang binuksan ang kaniyang selpon saka muling nagpost sa social media tungkol sa guard na ‘yon at sa mga humarang pa sa kaniya. Saktong nakuhanan niya pala ito ng bidyo dahilan upang maraming makisimpatya sa kaniya.

Marami ang nag-comment na sumasang-ayon sa kaniya, ngunit may isang estudyanteng nagtanggol sa mga sekyu na ‘yon.

“Hindi niyo ba alam na may mga pamilya rin sila? Ano na lang ang mararamdaman nila? Ginagawa lang naman nila ang trabaho nila, eh. Wala silang kasalanan!” at dahil doon tila dumami ang bumatikos sa kaniya.

“Oo nga! Iresponsable ka lang talaga kaya hindi ka pinapapasok!

“Pinapanagutan niya lang ang trabaho niya! Wala kang katapatang magalit! Estudyante ka lang!

“Wala ka palang pakialam sa dean, ha? Sisiguraduhin kong malalagot ka!

Ilan lamang ito sa mga komento ng ibang mga nakita sa kaniyang post na labis niyang ikinatakot dahilan upang burahin niya ang naturang post tungkol sa mga security guard na ‘yon.

Nang makita ito ng kaniyang kaklaseng si Wilbert agad siya nitong tinawagan.

“Nicolo, siguro nga tama sila, trabaho lang nila ‘yon, humingi ka na lang ng tawad kaysa mas lalo ka pang mapasama,” payo nito dahilan upang mapaisip ang binata.

Napagtanto niyang kinakailangan niya ngang humingi ng tawad sa mga naturang security guard at sundin ang lahat ng kanilang mga inuutos upang makapasok sa paaralan.

Kaya naman kinabukasan, maaga siyang gumising upang dumaan sa isang kainan. Binili niya ng almusal ang mga security guard na ‘yon upang pangbawi sa kaniyang kasalanan.

Pagdating niya sa paaralan, abot tenga ang ngiti ng mga ito nang makitang may almusal sila. Sinabayan niyang kumain ang mga ito at doon tila nilapirot ang kaniyang puso. Nalaman niya ang masasakit na pinagdaan ng mga ito sa mga kapwa niya estudyante at bukod pa roon, nalaman rin niyang ang pinakakinaiinisan niya palang security guard ay dumanaranas ngayon ng pighati dahil sa pagpanaw ng kaniyang mag-ina. Ganon na lamang nakonsensya ang binata sa kaniyang ginawa, tunay ngang nagtatrabaho lamang sila at wala sa kanilang intensyon ang pigilan sila sa pagpasok sa paaralan.

Kaya naman, gumawa siya ng paraan upang tuluyang malinis ang pangalan ng mga security guard na ito. Gamit rin ang social media, ibinida niya ang mga security guard na dating kinaiinisan niya na talaga nga namang sumikat at dahil doon, nakilala ang mga ito bilang mga huwarang manggagawa ng kanilang paaralan.

Simula noon, nabawasan ang bilang ng mga estudyanteng nagagalit sa kanila. Nagkaroon pa sila ng mga donasyon mula sa mga estudyanteng humaganga sa kanila.

Labis naman ang saya ni Nicolo, dahil sa wakas, natututo siyang tanggapin ang kaniyang pagkakamali’t makatulong pa sa iba.

Talaga nga namang makapangyarihan ang gamit ng social media sa ngayon. Nawa’y gamitin natin ito sa tama at hindi upang ibaba ang ating kapwa.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.