Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Mayor ang Tatay Ko! - Inday Trending

Mayor ang Tatay Ko!

“Traffic enforcer ka lang dito! Anong karapatan mong harangin ako? Hindi mo ba kilala kung sino ako? Ako lang naman ang anak ng mayor dito! Gusto mo bang ipatanggal kita?” panakot ni Roel sa isang traffic enforcer na nagpatigil sa kaniya.

“Pasensya na po, sir. Pero hindi po kasi tama yung ginawa niyo. May stop light po na dapat sundin, hindi ba’t alam niyo naman po ‘yon bilang drayber? Eh bigla po kayong umandar, muntikan niyo na pong mabangga yung mga tumatawid. Kahit na po anak kayo ng kung sinong nasa mataas na posisyon, mali pa rin po talaga yung ginawa niyo,” sagot ng naturang traffic enforcer kahit pa bakas sa mukha niya ang kaba dahil sa panakot ng binata.

“Wala akong pakialam! Kung ayaw mong umalis d’yan, babanggain kita! Huli na ako sa trabaho!” sambit niya ngunit ayaw pa ring umalis ng traffic enforcer sa haranapan ng kaniyang sasakyan, kaya naman agad niyang pinaandar ang kaniyang sasakyan, buong akala niya’y makakaiwas ito.

“Ay!” sigaw ng mga taong nakasaksi ng pangyayari, agad siyang naalarma dahilan upang bumaba siya ng sasakyan. Doon na siya nagsimulang kabahan.

Anak ng isang mayor ang binatang si Roel. Dahil nga sa estado ng kaniyang buhay, lahat ay nakukuha niya. Madalas ginagamit niya ang pangalan ng kaniyang ama upang mapabilis ang kaniyang transaksyon sa mga dokumento o kung hindi naman, upang maabsuwelto siya sa kaniyang mga kasalanan. Kilala kasi ang kaniyang ama bilang isa sa mga natatanging alkalde na maraming naitulong sa bansa, lalo na sa kanilang lalawigan.

Kaya ganoon na lamang ang tapang at yabang ng binata sa tuwinang may magtatangkang mangharang sa kaniya sa kahit saang lugar. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi siya nag-atubiling banggain ang isang traffic enforcer na nakasaksi ng kaniyang maling ginawa.

Noong araw na ‘yon, tila biglang natulala ang binata sa kaniyang ginawa. Kitang-kita niya kung paano mamilipit sa sakit ang lalaking kaniyang nabangga. Tila napuruhan ito sa tuhod at hita. Nagsimula nang mang-usisa ang mga tao, bulungan dito, bulungan doon. Hanggang sa may isang usisero na ang sumigaw, doon lamang siya natauhan.

“Hoy! Ano pang hinihintay mo? Dalhin mo na ‘yan sa ospital!” sigaw nito ngunit imbes na sundin ng binata, umalma pa siya.

“Bakit ko siya dadalhin sa ospital? Kasalanan niya naman, eh. Saka anak ako ni mayor, tiyak magagalit ‘yon kapag nalaman niyang inuutusan niyo ako!” sagot niya na ikinagalit naman ng mga nakakita, maraming paratang ang ibinabato sa kaniya ngunit ang tila tumatak sa kaniya ay ang sinabi ng isang matandang nakaupo sa wheel chair.

“Hijo, hindi habambuhay ay maaari mong gamitin ang pangalan ng ama mo, saka hindi ka ba naaawa sa tatay mo? Ginagamit mo ang pangalan niya maabsuwelto ka lang sa kasalanan mo. Mahiya ka naman!” at dahil doon, tila napaisip ang lalaki.

Tila biglang tumigil ang kaniyang mundo at naalala niya lamang ang lahat ng pagkakataong ginamit niya ang pangalan ng ama. Naabsuwelto nga siya ngunit tila hindi siya pinapatulog madalas ng kaniyang konsensya. Mas umingay pa ang mga tao, patuloy siyang binabato ng mga paratang, ngunit hindi niya ito iniintindi at nakatingin lamang siya sa lalaking nakahiga sa semento.

Nang magsalita ito, doon na siya muling natauhan, “Ku-kuya, dalhin mo na ako sa ospital, hindi ko na kaya,” dahilan upang agad niya itong buhatin at dahil nga sa ospital.

Sa kabutihang palad naman, mabuti ang lagay ng kaniyang nabiktima ngunit tila masama ang damdamin ng kaniyang ama sa kaniya.

“Hindi ko na mabilang, Roel, kung ilang beses mo nang ginamit ang pangalan ko para lamang makaligtas ka sa gusot na pinapasok mo! Hindi ko alam kung pinagmamalaki mo ba talaga ako o pinagmamalaki mo lang ang estado natin sa buhay! Simula ngayon, labas na ako sa lahat ng kasalanan mo!” galit na wika nito, wala namang ibang magawa ang binata kundi humingi na lamang ng tawad at magsimulang magbago.

Simula noon, hindi man kaagad naayos ang relasyon nilang mag-ama, unti-unting inayos ni Roel ang sarili. Mas naging maingat siya at sa tuwing makakagawa ng mga bagay na tila makakasama sa kaniya, buong tapang niya itong hinaharap nang hindi na ginagamit ang pangalan ng kaniyang ama.

Hindi kalaunan, naayos muli ang kanilang relasyon lalo na noong malaman ng kaniyang ama na hanggang ngayon, tinutulungan niya ang traffic enforcer na kaniyang nabangga sa pamamagitan ng kaniyang sariling sweldo. Binibigyan niya ito ng pera pandagdag sa kaniyang kita.

Ganoon na lamang ang kaniyang saya nang sa wakas, matuto na siyang tumayo sa sariling mga paa.

Dapat talaga maging responsable tayo sa lahat ng ating gagawin. Hindi nararapat na mandamay tayo ng iba o gamitin ang estado natin sa buhay para lamang maabsuwelto sa ating mga kasalanan.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.