Inday TrendingInday Trending
Ang Matalinong Matandang Basurero

Ang Matalinong Matandang Basurero

Freshman sa isang unibersidad sa Maynila ang tubong probinsyang si Mylene. Sa paniniwala kasi ng kaniyang mga magulang na mas may magandang oportunidad na naghihintay sa kaniya kung makakatapos siya sa isang tanyag na unibersidad dito sa Maynila ay napilitang siyang lumuwas upang dito ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.

Medyo hirap si Mylene na makibagay. Likas din kasi siyang mahiyain. Madalas ay makikita mo siyang nag-iisa lamang na kumakain sa kantina o kaya sa ilalim ng puno sa malawak na damuhan sa paaralan. Gusto man niyang makipagkaibigan ay nauunahan siya ng hiya.

Isang hapon, habang naka-break ang klase ni Mylene ay muli siyang naupo sa ilalim ng puno kung saan siya madalas matagpuan upang mag-aral. Nahihirapan kasi siyang sagutan ang isang numero sa kaniyang asignatura sa matematika.

“Napakahirap naman nito! Bakit kahit saan ko hanapin dito sa libro e hindi ko makita paano ito gawin?” nayayamot na wika ni Mylene habang naiinis na binubuklat ang pahina ng kaniyang libro. “Hay, ang hirap! Tanggapin ko na lang nga na hindi ako papasa rito. Kaso baka magalit sina nanay at tatay!”

Lingid sa kanyang kaalaman ay kanina pa siya pinagmamasdan ng isang matandang lalaking namumulot ng basura sa damuhan. May hawak itong malaking plastik para sa mga basura. Unti-unti siyang lumapit sa dalaga.

“Sa tingin ko ay madadalian ka sa asignatura mong iyan kung babalikan mo muli ang pormula. Pagbabaligtarin mo lamang ito at saka itong isa. Papalitan mo nitong numero na ito saka ka na magpatuloy sa pagkokompyut,” paliwanag ng matandang lalaki habang itinuturo ang mga numero sa kanyang kuwaderno.

May naramdamang kaunting inis si Mylene sa matandang lalaki sa pangingialam nito. Ngunit laking gulat niya ng sundin niya ang sinasabi ng matandang lalaking basurero ay nasagutan niya ng mabilis ang kaniyang asignatura na kanina pa niya pinoproblema.

“Manong, paano n’yo po nalaman na ganoon ang kailangan kong gawin?” pagtataka ni Mylene.

Natawa ang matandang lalaki. “Halata naman na ganoon ang kailangan mong gawin. Siguro ay naunahan ka lang ng inis. Sige at maglilinis na ako rito. Galingan mo sa pag-aaral,” tugon nito.

“Manong, pwede ko po bang malaman ang pangalan n’yo?” pasigaw na tanong ni Mylene sa matandang lalaki sapagkat nakalayo na ito.

“Andoy. Ako si Mang Andoy!” nakangiti nitong tugon.

Ilang sandali pa ay bumalik na sa klase si Mylene. Laking gulat niya na siya lamang ang nakakuha ng tamang sagot sa asignaturang itinuro sa kanya ni Mang Andoy.

Kaya lalo siyang naging interesado sa matandang lalaking basurero na ito.

Kinabukasan ay nagtungo muli siya sa may damuhan. Naupo siya muli sa ilalim ng puno at doon ay nakita muli niya ang matanda. Palihim niya itong pinagmamasdan. Madalas itong iwasan ng ibang estudyante doon. Sa kaniyang awa ay nilapitan niya ang matanda at inalok niya ng kaniyang dalang tinapay.

“Kunin n’yo na po ang tinapay na ‘to, Mang Andoy. Pasasalamat ko po ito sa inyo dahil ako lang po ang nakakuha ng tamang sagot. Nagtataka po ako kasi kung nahirapan din po ang mga kaklase ko sa pagsagot ng asignatura namin, hindi po ganoong kadali ang sinagutan ninyo kahapon. Paano po kayo gumaling sa matematika?” taong ni Mylene.

Muling natawa ang lalaki. “Hindi ako magaling sa matematika. Siguro ay umpisa mo pa lang kasi itong pinag-aralan kaya nahihirapan ka. Sa susunod na may problema ka at hindi mo maintindihan ay pwede mo akong lapitan,” saad ng ginoo.

Simula noon ay nakatagpo ng kaibigan si Mylene sa matandang basurero na ito. At sa tuwing nahihirapan siya sa kaniyang aralin ay nilalapitan niya ang ginoo. Hindi talaga siya makapaniwala sa talinong taglay nito. Nanghihinayang siya sapagkat hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang kinahantungan ng matanda.

Isang araw ay muling nagpaturo si Mylene kay Mang Andoy. Dahil sa init ay pawis na pawis ang matanda kaya kumuha ito ng bimpo sa kaniyang maliit na bag. Pagkakuha niya ng bimpo ay may nalaglag na I.D. ang ginoo.

Pinulot ito ni Mylene. Hindi siya makapaniwala ng makita niya na isa itong I.D. ng isang lisensiyadong guro.

“Guro po kayo, Mang Andoy?” biglang tanong ni Mylene sa matanda. “Sabi ko na nga ba may kakaiba sa talino na taglay niyo,” muling sambit ng dalaga.

“Paano pong naging ganito ang kinahantungan n’yo, Mang Andoy. Pwede ko po bang malaman?”

Napayuko si Mang Andoy at halata sa kaniyang mga mata at boses ang lungkot. “Oo, isa akong lisensyadong guro. Dati akong janitor. Ang laki ng hirap na pinagdaanan ko para makatapos ng pag-aaral. Mag-aaral ako sa gabi at nagtatrabaho naman sa umaga. Wala akong ibang gustong gawin sa buhay ko kung hindi magturo,” kwento ni Mang Andoy.

“Kaya nga ganoon na lamang ang saya na naramdaman ko nung malaman kong nakapasa ako at isa na akong ganap na guro. Kaso hindi na ako nakapagturo. Napagbintangan ako na ginawan ko raw ng masama ang isang batang estudyante. Dahil makapangyarihan ang pamilya nong bata ay napatalsik ako sa paaralan na iyon.”

“Sabi nila maswerte raw ako dahil hindi ako nakulong. Pero sa isip ko, bakit ko kailangan pagdusahan ang kasalanan na hindi ko naman ginawa? Sinubukan kong mag-apply sa ibang paaralan ngunit wala nang gustong tumanggap sa akin. Hanggang sa nagkaroon ako ng depresyon at nawalan na ako ng gana sa buhay. Tapos nakita ko na lang ang aking sarili isang araw na nag-iisa, mahirap at ngayon ay namamasura,” saad ni Mang Andoy.

Lubusang nalungkot si Mylene sa kaniyang narinig na istorya ng matanda. Maging siya ay nanghihinayang sa mga taon na nasayang sapagkat hindi natupad ni Mang Andoy ang kaniyang pangarap.

“Alam mo, iha, natutuwa ako at nakilala kita. Hindi ko akalain kasi na magagamit ko pa pala ang lahat ng kaalaman ko,” wika ni Mang Andoy.

Lubusang humanga sa kaniya si Mylene. Naisip niyang kailangan ay may gawin siya para sa matandang ito.

Isang araw na tinanong siya sa klase kung anong sikreto niya kung bakit mabilis niyang nasasagutan at naiintindihan ang mga aralin ay ikunwento niya ang kaniyang kaibigang si Mang Andoy. Hindi makapaniwala ang lahat na isang basurero pala ang nagsisilbing tutor ng dalaga.

Isang araw habang nagmumulot ng basura si Mang Andoy ay napansin niya ang ilang mga kabataang lumalapit na sa kanya. Laking pagtataka niya sapagkat malimit itong magsilayo sa kanya.

Isa-isang nagpaturo ang mga ito sa kanilang aralin. Laking tuwa ni Mang Andoy na tulungan ang mga ito. Sa isang estudyante niya nalaman na si Mylene pala ang dahilan ng lahat ng ito.

Nang makita niya si Mylene sa ilalim ng puno na madalas nitong tambayan ay agad niya itong nilapitan.

“Maraming salamat sa iyo, iha,” wika ni Mang Andoy.

“Wala pong anuman, Mang Andoy. Ito po ang kabayaran ko sa lahat ng kabutihan ninyo sa akin. Nais ko pong sa simpleng paraan na ito ay matupad ko ang inyong pangarap na maging isang guro at makapagturo,” sambit ng dalaga.

Simula noon ay marami nang nagpapaturo kay Mang Andoy. Ang iba ay binabayaran siya sa oras na iginugugol nito sa pagtuturo. Laking tuwa ni Mang Andoy na sa wakas ay natupad na niya ang kanyang pangarap. Hindi man siya nakapagturo sa isang silid-aralan ay naibahagi pa rin niya ang kaniyang kaalaman sa maraming kabataan. Ito ay dahil kay Mylene ang isang dalagang kanyang natulungan.

Advertisement