Inday TrendingInday Trending
Kung Maniniwala Ka Lang sa Maykapal

Kung Maniniwala Ka Lang sa Maykapal

Tila nawawalan na ng pag-asa si Karmi, isang ginang na anim na taong nang kasal sa kaniyang asawang si Samuel. Sa tagal kasi ng pagsasama nila ng kaniyang asawa ay hindi pa rin sila mabiyayaan ng anak. Nakahanda na sa kanilang tahanan ang magiging silid ng kanilang anak ngunit naging bodega na ito dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagbubuntis. Kaya ganito na lamang ang nararamadamang pagkasdismaya niya.

Lumapit na kasi sila sa iba’t-ibang espesiyalista. Nagpaalaga na rin si Karmi sa mga doktor upang masigurado ang kaniyang pagbubuntis. Maraming pera na rin ang kanilang nailabas magkaroon lamang sila ng anak ng asawa. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin mabuo ang pangarap nila ni Samuel na isang pamilya.

“Huwag kang mawalan ng pag-asa, mahal,” sambit ni Samuel sa kanyang misis. “Kung hindi talaga ipagkakaloob sa atin ay maluwag kong tatanggapin. Masaya naman ako na ikaw ang kasama kong tatanda,” saad ng mister.

“Alam ko naman ‘yun, mahal. At ganoon din ako. Masaya ako sa piling mo. Ngunit, mayroong kulang dito sa puso ko at alam ko ang tanging magpupuno nito ay isang anak,” tugon ni Karmi.

“Hindi ko maintindihan, mahal, bakit ganito ang nangyayari sa atin. Sigurado naman ako na magiging maayos at mapagmahal na magulang tayo. Bakit kaya hindi pa pinagkakaloob sa atin ng Maykapal ang tangi nating kahilingan?” malungkot na wika ng ginang.

“Hindi ko rin alam, mahal. Pero ang alam ko ay laging may plano ang Panginoon. Mga bata pa naman tayo. Alam kong hindi pa tapos ang istorya natin. Kailangan lamang ay manalig tayo sa kanya,” sambit ni Samuel.

Ngunit tila kahit pinipilit ni Karmi na tibayan ang kaniyang loob ay hindi niya maiwasan na panghinaan ng loob. Marahil ito ay isang normal na reaksyon ng isang taong matagal nang umaasa.

Isang araw ay nahuli ng ilang araw ang buwanang dalaw ni Karmi. Hindi na mapakali si Karmi at kinakabahan ito. Nang nagpatingin siya kung siya ay buntis ay muli siyang nadismaya sapagkat wala pa ring laman ang kaniyang sinapupunan.

Nakita ni Samuel ang kalungkutan sa kaniyang asawa habang nasa bodega ito. “Huwag kang mag-alala, mahal. Hindi naman tayo hihinto na sumubok. Isang araw ay makikita mo. Matutupad din ang pangarap mong maging isang ina,” wika ng kaniyang mister habang pinupunasan ang kaniyang luha.

Kinabukasan ay nagising si Karmi sa ingay na nanggagaling sa kabilang silid. Bumangon siya at agad niya itong pinuntahan. Natagpuan niyang naglilinis doon ang kanyang mister.

“A-anong ginagawa mo, mahal?” pagtataka ni Karmi.

“Inaayos ko lang itong silid ng magiging anak natin. Dapat ay pagdating niya ay nakahanda na ang lahat. Kaya kailangan ko itong linisin,” tugon ni Samuel.

“Pero alam mo namang hindi ako buntis, mahal, huwag mo naman gawin sa atin ang ganito. Naaawa ako lalo sa sarili natin,” saad ng ginang sa asawa.

“Pero malay mo, bukas o makalawa ay dumating na siya. Kaya kailangan ay maging handa tayo. Gusto ko ay malinis ang lahat,” sambit muli ng ginoo.

Kinabukasan muli ay pininturahan naman ni Samuel ang silid pagkatapos niya itong linisin. At nang sumunod na Linggo ay bumili siya ng gamit para sa kanilang anak. Nariyang bumili siya ng kuna, mga unan, kumot, magandang kurtina at mga laruan. Ang lahat ng ito ay iniayos niya sa silid ng magiging anak nila.

Lubusan ang pagtataka ni Karmi sa naging disposisyon ng asawa. Kaya hindi na niya napigilan na kausapin ito ng masinsinan.

“Samuel, ayokong masaktan ka. Isauli mo na ang mga gamit na ‘yan sa pinagbilhan mo. Baka isang araw ay maging bagay na nakatambak lamang ang mga ‘yan dito sa bahay,” sambit ni Karmi. Ngunit hindi nagpapatinag ang ginoo. Patuloy ito sa pagsasaayos ng mga kagamitan ng bata.

Lalong nalungkot si Karmi sapagkat ang buong akala niya ay maaaring dumadaan sa matinding depresyon ang kaniyang asawa kaya ito nagkakaganoon.

“Parang awa mo na, mahal. Tumigil ka na d’yan. Tanggapin mo na lang na hindi na tayo magkakaanak,” napaluhang sambit ng ginang.

“Hindi ko isasauli ang mga gamit na ito sapagkat alam kong malapit na tayong magkaanak,” sambit ni Samuel.

Lumapit si Samuel sa kanyang asawa. “Alam mo ba, mahal, noong mga nakaraang Linggo ay parang nawawalan na rin ako ng pag-asawa ngunit ayaw ko lang itong sabihin sa iyo? Bilang asawa mo ay tungkulin kong maging katatagan mo sa mga panahon na ikaw ay nalulugmok,” sambit ng ginoo.

“Nagpunta ako sa simbahan upang manalangin. Ipinagdasal ko ang lakas at tibay ng loob sa pagsuong sa pagsubok na ito; na sa mga oras na katulad ng ganito ay makita pa rin natin ang ganda ng buhay na ibinigay sa atin ng Diyos. Tapos narinig ko na lamang ang sermon ng pari,” wika ni Samuel.

“Mayroon daw isang nayon na nananalangin ng ulan dahil sa matinding tagtuyot. Isang araw ay nagtipon ang lahat ng tao upang magdasal sa Diyos na sana ay umulan. Ngunit isang bata lamang ang nagtungo ng may dalang payong. At ito ang tunay na pananampalataya,” kwento niya.

Sa tingin ni Samuel ay sinagot siya ng Panginoon sa kaniyang mga dalangin. Kaya pag-uwi niya sa kanilang tahanan ay agad niyang nilinis ang bodega upang ibalik ang dating ganda nito. At upang paghandaan na rin ang pagdating ng kanilang anak.

Dahil sa narinig ni Karmi sa asawa at tila naliwanagan na rin ang kaniyang isipan. Naisip niyang wala namang mawawala kung patuloy siyang maniniwala. Kaya tinulungan niya ang kaniyang asawa na ayusin ang silid. Nagpatingin muli siya sa espesiyalista upang pangalaan niya ang kanyang katawan at ihanda ito sa pagdating ng isang sanggol.

At kahit na tila buwan-buwan ay nagpapasuri sila ngunit wala, negatibo ang nagiging resulta ay hindi siya nawalan ng pag-asa at hindi sila nawalan ng tiwala sa Maykapal. Hanggang sa isang araw ay hindi muling dinatnan ang ginang.

Muli ay nagpasuri ang ginang at sa pagkakataong ito ay hindi sila makapaniwala sa kanilang nakita. Buntis na si Karmi sa kanilang unang anak! Halos hind magkamayaw sa tuwa ang mag-asawa sapagkat sa wakas ay natupad na rin ang matagal nilang hinihiling.

Lubusang inalagaan ni Karmi ang kaniyang sarili upang maging maayos ang kaniyang naging pagbubuntis. Hanggang sa tuluyan na nga itong nanganak. Isang malusog na babae ang kaniyang sanggol na isinilang.

Hindi pa rin makapaniwala ang dalawa na sa wakas ay buo na ang kanilang pamilya. Hinagkan ng mag-asawa ang kanilang anak ng kanila itong unang masilayan.

“Wala talagang imposible sa Panginoon, mahal. Lahat ay matutupad kung ikaw ay maniniwala. Salamat, mahal at hindi ka nawalan ng pag-asa!” sambit ni Karmi ng buong kagalakan.

Hindi naglaon ay lumaking malusog ang kanilang anak. Ang silid na kanilang isinaayos ay ang ginagamit nang silid nito. Muling nagbuntis si Karmi sa pangalawa nilang anak ni Samuel.

Namuhay ang mag-anak na buong pagmamahal at ang naging sentro ng kanilang buhay ay ang Panginoon.

Advertisement