Pag-ibig sa Kabilang Sulok ng Mundo

Matagal pinagplanuhan ng magkasintahang sina Reign at Richard ang kanilang pangarap na byahe papuntang Inglatera. Lubusan ang pagkasabik ni Reign na makasama sa isang bakasyon ang kanyang nobyo na isang doktor. Lagi kasi itong abala sa kaniyang trabaho kaya ang nais sana ni Reign para sa kanilang ika-pitong anibersaryo ay maglakbay silang dalawa ng nobyo sa bansang matagal na nilang pinapangarap mapuntahan.

Kaya ganoon na lamang ang pagkalungkot na naramdaman ni Reign ng hindi sumipot sa airport ang kasintahan. Ilang oras na siyang naghihintay ngunit walang Richard na dumarating. Ilang beses niyang sinubukang tawagan ito ngunit walang sumasagot. Ilang sandali pa ay kailangan nang pumasok sa eroplano ng mga pasahero. Muling nagbakasali si Reign na kausapin ang binata. Sa pagkakataong ito ay nakausap niya si Richard.

“Anong ayaw mo na? Anong hindi ka pupunta, Richard? Pangarap nating dalawa ‘to, hindi ba?” umiiyak na sambit ni Reign.

“Hindi ko makakaya na mawala ka sa buhay ko. Kung nabo-boring-an ka sa akin, magbabago ako. Gagawing kong exciting ang sarili ko. Kung ayaw mo ng buhok ko ay ipapaayos ko. Aayusin ko rin ang panananamit ko kung gusto mo. Magbabago ako para sa’yo. Parang awa mo na huwag mo akong iwan ng ganito,” pagmamakaawa ni Reign sa kaniyang nobyo.

“Hindi na kita mahal, Reign. Pasensiya ka na pero masaya na ako kay Rebecca. Siya na ang mahal ko. Matagal ko nang gustong sabihin sa’yo ito ngunit hindi ko alam kung paano. Patawad ngunit hindi ako makakasama,” saad ni Richard sabay baba ng telepono.

Halos gumuho ang mundo ni Reign sa sinabi ng kaniyang kasintahan. Hindi siya makapaniwala na sa tagal ng kanilang relasyon ay magagawa pa ni Richard na ipagpalit siya sa iba. Kahit mabigat na ang kaniyang paa na umalis ay wala na siyang nagawa sapagkat ayaw niyang umuwi sa ganitong kalagayan. Ayaw niyang malaman ng kaniyang magulang ang kahihiyang ginawa sa kaniya ni Richard.

Labag man sa kalooban ay tumuloy ang dalaga na bumiyahe papuntang Inglatera. Halos puro pag-iyak lamang ang kanyang ginawa mula sa eroplano hanggang makarating siya sa hotel na dapat sana ay tutuluyan nilang magkasintahan.

“Parang magiging mahirap para sa akin lalo ang biyaheng ito. Lahat ng bagay rito ay tigdadalawa. Aanhin ko ngayon itong mga tig-iisang ticket na ito kung mag-isa lang akong pupunta,” sambit ni Reign sa sarili habang tinitingnan ang kanyang mga nakatakdang gawin at puntahan.

Advertisement

Unang pinuntahan ni Reign ang isang museo. Habang lumilipad ang kaniyang isip na nakatitig sa isang larawan doon ay hindi niya mapigilan ang umiyak. Patuloy ang pagbagsak ng kaniyang luha sapagkat naaalala niya ang hapdi ng paghihiwalay nila ng kaniyang kasintahan.

Ilang sandali ay may narinig siyang isang tinig. “Are you okay, miss? I think you need this,” sambit ng isang lalaki sabay abot ng panyo. Lubusang nagtataka ang binata sapagkat isang masayang larawan ang tinititigan ni Reign ngunit patuloy ito sa pag-iyak. Tumingin si Reign sa binata at inabot niya ang panyo. “I already saw you crying on the plane. And yet here you are right now, still crying? What’s wrong, lady?” pagtataka ng binata.

“You’re not from around here, are you?” tanong ng lalaki. “By the way, I am Ben. And you are–”

“I’m Reign from the Philippines,” matipid na tugon ng dalaga. Lalong naging interesante ang binatang si Ben sa dalaga.

“Pinoy rin ako,” sambit ni Ben. “My mom is a Filipina while my dad is British. I went to the Philippines to visit my mom,” kwento ni Ben. Ngunit tikom pa rin ang bibig ni Reign.

“Well, seems like you don’t want to be disturbed. I will go now. See you around, Reign,” paalam ni Ben.

“Sorry, Ben. I don’t want to be rude. I just don’t know what to say. I am not crying because of the painting. I’m crying because I was supposed to be with someone special but unfortunately he had a change of heart,” paliwanag ni Reign.

“That’s awful. If you want somebody to talk to and listen, I have all day!” sambit naman ni Ben.

Advertisement

Hindi na naiwasan ni Reign ang magkuwento. Ang lahat ng mabigat na itinatago niya sa kanyang dibdib ay nailabas niya sa binata. Talagang mas madali nga na magkwento sa taong hindi ka lubusang kilala sapagkat hindi ka nito huhusgahan.

Ang pakilala naman ni Ben sa dalaga ay mula siya sa isang mahirap na pamilya sa Inglatera at nagpunta lamang siya sa Pilipinas upang dalawin ang kanyang ina. Hindi naging madali raw sa kanya ang mag-ipon ng pamasahe para makapunta ng Pilipinas.

Sa sarap ng kanilang kwentuhan ay hindi namalayan ng dalawa na pagabi na at magsasara ang museo. Nakakagulat ang mabilis na koneksyon ng dalawa sa isa’t-isa. Dahil may dalawang ticket si Reign sa teatro ay inaya niya si Ben. Pinaunlakan naman siya ng binata.

Tinanong ni Reign ang binata kung gusto niyang sumama sa iba pang atraksyon sa Inglatera sapagkat mayroon pa siyang tig-iisang ekstrang ticket. Dahil naging masaya si Ben sa pagsama niya kay Reign ay pumayag ito.

Samantala ay nalaman ng mga magulang ni Reign ang nangyari sa pagitan nila ng dating nobyo.

“Anak, mahirap talaga ang umibig. Ngunit sabi nga ng iba, baka hindi talaga siya ang nakalaan para sa’yo. Baka mayroong iba na nakatadhana na mahalin ka higit sa alam mo. ‘Yung kayang tanggapin kung sino ka at kung ano ka. ‘Yung hindi mo na kailangang magbago para sa kaniya. Hindi mo kailangang kalimutan ang totoong ikaw, Reign kung nasa tamang tao ka. Tandaan mo ‘yan,” payo ng ina.

Hindi niya maiwasan na ibaling ang tingin kay Ben. Na kahit kakakilala lamang nila ay hind siya nito nagawang husgahan. Malaki ang respetong pinapakita nito sa kanya at higit sa lahat ay nagugustuhan niya ang pagkatao ni Reign.

Sa loob ng dalawang Linggo ay nakahanap ng isang kaibigan si Reign kay Ben. Sa palagiang pagiging magkasama ng dalawa ay unti-unti nilang nakilala ang isa’t-isa. Hindi rin nila maiwasan na mahulog ang kanilang loob.

Advertisement

Dahil alam ni Ben na babalik na ng Pilipinas si Reign ay nagtapat na siya rito.

“Reign, I want to tell you something before you go back to the Philippines,” panimula ng binata. “Some of the things I told you about me are not true. It’s true that my mother is a Filipina and my dad is British. But I am a son of one of the wealthiest men here in England,” pag-amin nito.

“I went to the Philippines because I want to experience living a simple life. A life that has freedom. Then I came to know you and everything seems to be perfect. I have never felt anything so special like this before. And I want you to know that I adore you. I fell in love with you the moment that I saw you in the museum,” dagdag pa niya.

Hindi makapaniwala si Reign sa inamin ng binata. Hindi niya lubos maisip na parehas pala sila ng nararamdaman nito. Ngunit laking gulat niyang malaman na anak mayaman pala itong si Ben at nagpapanggap lamang na mahirap.

Inamin na rin ni Reign ang kanyang espesyal na nararamdaman sa binata. Laking saya ni Ben nang malamang mahal din siya ng dalaga.

Dahil ayaw nang pakawalan pa ni Ben si Reign ay nagdesisyon itong ihatid ang dalaga pauwi ng Pilipinas.

Hindi akalain ni Reign na luhaan siyang umalis ng Pilipinas at buong saya siyang babalik. Dito niya napagtanto na kaya pala nagwakas ang kaniyang relasyon kay Richard sapagkat mayroon palang totoong nakalaan sa kaniya. Walang iba kung hindi ang natagpuan niyang pag-ibig sa Inglatera na si Ben. Makalipas ang dalawang taon ay nagpakasal na rin sina Ben at Reign at namuhay sila ng masagana at puno ng pagmamahalan sa Inglatera.