Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Bagong Laya - Inday Trending

Bagong Laya

Tagaktak na ang pawis ni Aldrin habang patuloy pa rin ang paglalakad niya at palipat-lipat ng gusaling pinupuntahan. Naghahanap kasi siya ng trabaho matapos makalaya sa kulungan. Masakit ang natatanggap niyang mga pangungutya sa bawat ina-applayan niyang trabaho.

“Nagpapatawa ka ba? Kakalaya mo lang dahil sa kasong estafa tapos magtatrabaho ka rito sa kumpanya na ‘to?!”

“Umalis ka na lang, toy, hindi kami tumatanggap ng mga ex-convict dito.”

“Ay naku. Hindi ka pwede dito, Sir, buti pa sa mga karinderya o kaya sa palengke ka na lang magtrabaho, panigurado tatanggapin ka dun.”

Ilan lamang ang mga ito sa mga tinatapon na mga salita sa kaniya sa tuwing babasahin ang mga dokumento na dala niya. Nagta-trabaho kasi siya bilang isang real estate specialist o isang ahente na taga-benta ng mga lupain o bahay ngunit nasangkot siya sa kalokohan na ginawa ng kaniyang boss kaya naman, nakulong siya at wala siyang magawa ukol doon.

Sa paglaya mula sa pagkakabilanggo ay nais niyang magsimula ulit. Malaki ang pag-asa niyang mamuhay ulit ng normal at bumalik sa dati ang kaniyang araw-araw. Tatlompu’t pitong gulang pa lamang siya, kaya naman para sa kaniya hindi pa huli ang lahat upang ayusin ang buhay niya pati na ng pamilya.

Mababatid ang kalungkutan sa mukha niya nang siya’y umuwi ng bahay. Sinalubong siya ng asawa na hawak-hawak ang mga bills ng kuryente at tubig na hindi pa nababayaran. Nang makalapit siya, hinagkan niya ang asawa na namomroblema.

“Sorry, Lhen, wala ulit akong nahanap na trabaho,” malungkot niyang balita sa asawa.

“Aldrin, ubos na ang ipon natin. Wala na tayong pambayad ng mga bayarin dito sa bahay. Pati pang-gatas at pang-diaper ng anak natin, wala na rin. Sagad na sagad na talaga. Hindi ko na alam ang gagawin ko,” tugon naman ni Lhen.

“Hayaan mo, Lhen, bukas na bukas sisiguruhin kong makakahanap na ako ng trabaho. O kaya naman baka makautang pa ulit ako kay Jhun,” sagot muli ni Aldrin sa asawa.

“Yan ka na naman, Aldrin! Gabi-gabi ‘yan ang sinasabi mo sa akin ‘yan! Kahit nga iyang si Jhun na kumpare mo halos tinataguan ka na. Hindi dapat ganito, Aldrin! Ayoko ng ganito!” galit na tugon muli ng asawa.

Pagkatapos nito ay tuluyan na itong pumasok sa silid. Naiwangmag-isa si Aldrin. Hindi na niya alam ang kaniyang gagawin at halos wala na rin siyang malapitan. Gusto na niyang sumuko ngunit hindi, hindi maaari.

Kinabukasan, maagang-maaga umalis si Aldrin. Hindi pa man sumisikat ang araw, nag-umpisa na siyang mag-apply muli. Mas maaga, mas marami siyang mapupuntahang kumpanya upang mag-apply. Wala man lang ni-piso sa kaniyang bulsa, hindi ito pansin ni Aldrin. Kahit na dumating ang alas dose ng tanghali, gutom na gutom na siya ngunit hindi na niya iyon pinansin pa.

Patuloy lamang sa paglalakad at paghahanap ng trabaho si Aldrin. Tulad ng mga nakaraan, bawat kumpanya ay patuloy ang pagtataboy sa kaniya dahil sa kaniyang records. Inabot na siya ng maghahapon, magsasarado na naman ang mga kumpanya ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang mahanap na trabaho.

Isang pangyayari ang nagpatigil sa kaniya sa paglalakad. Isang ale ang hinablutan ng bag ng isang lalaki. Walang ano pa man, hinabol niya ang lalaki kahit hindi na niya napansing naitapon na niya ang envelope na naglalaman ng kaniyang mga dokumento. Dahil si Aldrin ay may malusog na pangangatawan, nahabol niya ang lalaki at dinala sa police station. Doon ay nakita niya ang ale na umiiyak habang hinihintay na maisauli ang bag nito na nahablot. Hindi niya maintindihan ang sinasabi nito dahil ito’y isang hapon. Nang asikasuhin na ito ng mga pulis, muling naalala ni Aldrin ang kaniyang mga dokumento. Napahawak na lamang siya sa kaniyang ulo nang maalalang naihagis niya ito kung saan man habang hinahabol ang lalaking nanghablot ng bag ng ale.

Naglalakad nang mabagal si Aldrin. Isa na namang araw na wala siyang nakuhang trabaho. Ang mas nakakalungkot pa ay nawala ang mga dokumento niya na halos aabot din ng ilang libo kung siya’y muling kukuha.

“Siguro nga magkargador na lamang ako sa palengke. O kaya naman, maging isang janitor sa gusali. Kung may tatanggap man sa akin,” malungkot na bulong niya sa sarili.

Nangingilid na ang luha sa kaniyang mga mata habang napaupo na lamang sa isang upuan malapit sa istasyon ng mga pulis.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko. Kawawa naman ang asawa’t anak ko. Ang akala ko’y kaya kong baguhin ang buhay ko pati na ng pamilya ko. Kaso hindi. Lalo lamang kaming nabaon sa utang. Siguro ga dapat na lang ako’y magkargador,” dagdag pa niya.

Tatayo na sana siya nang biglang may nag-abot sa kaniya ng isang envelope. Pamilyar sa kaniya ito kaya naman agad niya itong kinuha at binuksan. Laking saya naman niya nang makita na ito nga ang kaniyang mga dokumento.

“Nabasa ng kaunti, pero ayos pa ito. Plantsahin ko na lang mamaya sa bahay,” mapapansin ang pagtaas ng kaniyang tono dahil sa tuwa.

Ngunit naalala niya ang taong nag-abot nito na nasa bandang gilid niya. Nang lingunin ito, nakita niya ang ale na tinulungan niya. May kasama itong isang lalaki na nagpakilalang abogado ng babae. Dahil hindi makapagsalita nang Filipino ang ale, inihatid ng abogado ang isang magandang balita kay Aldrin.

Kinagabihan, malungkot ang mukha ni Aldrin. Nang makita ito ng asawa, hindi na ito nagsalita pa. Nagdadabog-dabog na lamang ito upang ipakita kay Aldrin na masama ang kaniyang loob. Ngunit bigla siyang mahigpit na niyakap ng asawa.

“May trabaho na ako! May trabaho na ako, mahal!” tuwang-tuwang balita niya kay Lhen.

Nanlaki ang mga mata ni Lhen sa narinig. Kinuwento ni Aldrin ang lahat ng nangyari. Ang ale pala na iyon ay nagsusuri lamang ng mga lupa sa ‘di kalayuan para sa itatayo nilang real estate company sa bansa. Nang malaman na naghahanap ng trabaho si Aldrin, kinuha niya ito bilang isa sa magiging manager ng kanilang kumpanya sa kabila ng kaniyang record bilang ex-convict. Tuwang-tuwa kasi ang ale sa ginawa ni Aldrin na pagtulong at para sa kaniya, ang mahalaga pa rin ay ang mabuting pagkatao. At ang bigyan sila ng pag-asa na magbago at mamuhay muli ng normal.

Hindi dapat na husgahan ang sinuman nang dahil lamang sa kanilang nakaraan o mga nagawang pagkakamali. Dahil lahat ng tao ay may pag-asa pang magbago at mamuhay ng normal. Iyon lamang ay kung bibigyan natin sila ng isa pang pagkakataon upang patunayan ang kanilang mga sarili na kaya pa nilang magbago.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.