Halos hindi na mapauwi ng bahay ang ama ni Bitoy na si Ruben, isang jeepney drayber. Matapos kasi nitong mamasada ay uuwi lamang ito sandali sa bahay upang kumain at pagkatapos ay kukuhanin na ang paboritong alagang tandang. Diretso na itong tutungo sa sabungan na siyang tambayan at kinawiwilihan ng ama.
Hindi naman nagugustuhan ito ng anak na si Bitoy. Lagi kasi siyang naiiwan mag-isa sa bahay dahil ang kaniyang ina ay isang OFW sa Qatar. Lagi lamang niyang kapiling ay cellphone, laptop, o TV upang malibang ang sarili. Dose anyos na ito, at sampung taon siya mula nang magsimulang mag-alaga ng tandang ang kaniyang ama. Noong una ay palagi pa siya nitong sinasama sa sabungan ngunit hindi iyon pinayagan ng kaniyang ina kaya naman naiiwan na lamang siya sa bahay.
Alas nuebe na ng gabi at wala pa ang ama. Makikita si Bitoy na nakasambakol na ang mukha. Para bang sinakluban ng langit at lupa ito dahil sa ama niyang nang-iwan sa kaniya para lang makasali ng pustahan sa sabungan. Maya-maya’y umuwi na rin ang ama na mapapansin namang nakasimangot din.
“P-pa…” masaya sanang babatiin ni Bitoy ang ama ngunit nakita-kita ang nakasimangot na mukha nito.
“Oh bakit? Matulog ka na, maaga pa ang pasok mo bukas,” malamig na tugon ng ama. Natalo kasi ito sa pustahan kaya masama ang timpla nito.
Nalungkot ang bata dahil nais lang naman niyang ikuwento sa ama na nakakuha siya ng mataas na score kanina sa kanilang pagsusulit. Ganoon din ay napili siya upang irepresenta ang kanilang paaralan sa isang paligsahan sa pagguhit. Ngunit dahil ayaw ng kausap ng ama, hindi na niya ito ipinakita pa. Sa tuwing matatalo na lamang ang ama ay ganito na ito palagi, talaga namang nakakapagtampo.
Dumating ang kinabukasan, nang hingin ang papel na naglalaman dapat ng pirma ng ama ni Bitoy, wala siyang maibigay dahil hindi niya ito napapirmahan sa ama. Ngunit dahil gusto rin niyang makasali sa paligsahan, ginaya na lamang niya ang pirma ng ama at pinasa iyon sa kaniyang guro. Aniya, hindi din naman iyon mahahalata ng guro at walang oras para sa kaniya ang ama para mapapirmahan niya iyon.
Isang gabi na naman, hindi na hinintay ni Bitoy ang kaniyang ama. Nauna na siyang natulog dahil kinabukasan na ang araw ng kaniyang paligsahan at araw rin ng kaniyang kaarawan. Dahil nanghihina na ang kaniyang loob, hindi na rin niya nabanggit ang tungkol doon sa ina na tumawag sa kaniya kanina.
Masaya siyang gumising kinabukasan dahil alam niyang hindi naman nakakalimot ang ama lalo na tuwing kaarawan niya. Kahit papaano ay bumibili iyon ng cake para sa kaniya at sabay silang nag-aalmusal. Ngunit nang tingnan niya ang silid ng ama, wala ito doon. Nalungkot siya at naisip na marahil ay hindi umuwi ang ama kagabi. Nadismaya siya ng sobra sa nakita dahil wala man lang mensahe ang ama. Ganoon din, walang cake at almusal na nakahanda para sa kaniya. Ngunit naisip niya rin na ano pa man ang mangyari, may patimpalak siyang dapat puntahan. Agad naman siyang nagtungo sa banyo upang maligo. Pumasok siya sa paaralan ng masama ang loob sa ama.
Dumating ang kinahapunan at wala pa ring mensahe si Ruben sa anak.
“Kinalimutan na nga ako ni papa…” malungkot na tinig ni Bitoy sa sarili habang hawak-hawak ang sertipiko niya dahil nanalo siya sa nangyaring patimpalak. Hinihintay niya ang ama na dapat ay susundo sa kaniya sa eskwelahan.
Hanggang sa makatanggap siya ng mensahe na rush hour daw, maraming pasahero kaya hindi na siya nito madadaanan at sa halip ay pinasundo na lang sa kanilang kapitbahay. Tuluyang nagtampo ang bata dahil siguradong nakalimutan na nga ng ama ang kaarawan niya dahil namamasada pa ito hanggang ngayon.
Nang dumating si Bitoy sa kanilang bahay, sirang-sira ang araw nito. Halos hindi na maipinta ang makikitang galit at inis sa kaniyang mukha. Sa kaniyang patuloy na pagdadabog, nakita niya sa kaniyang harapan ang paboritong tandang ng ama.
“Dahil sa’yo ito lahat! Dahil sa’yo! Sana hindi ka na binili at inalagaan ni papa kahit na kailan!” sigaw ni Bitoy sa tandang na nakatali.
Kumuha si Bitoy ng matalim na kutsilyo upang tanggalin ang tali sa paa ng tandang. Balak niyang iligaw ang tandang nang sa gayon ay hindi na ito makita pa ng kaniyang ama. Gagawin na sana ni Bitoy ang balak nang biglang…
“Happy birthday to you… happy birthday to you…” mga kaibigan at pamilya ni Bitoy ay isa-isang pumasok sa kanilang bakuran na kumakanta ng pagbati kay Bitoy.
Nabigla siya sa nasaksihan niya. Matapos makita ang mga kaibigan at kaanak, nakita niya ang ama na nasa likuran, may dalang cake pati na mga lobo.
“Happy birthday, anak. Mahal na mahal kita, namin ng mama mo,” masayang bati ni Ruben sa anak.
Nabitawan ni Bitoy ang pagkakahawak sa tandang. Imbes na matuwa si Bitoy, lalo lamang ito nagmaktol na pumasok sa loob ng bahay. Sinundan naman siya ni Ruben upang kausapin siya ng personal.
“Nak, sandali. Bakit? Hindi mo ba nagustuhan ang mga ito?” mahinang tanong ng ama.
“Kasi ikaw, papa. Kasi ikaw…” maya-maya pa ay umatungal na ang bata sa pag-iyak.
“O, bakit? Anong atraso ni papa?” tugon naman ng ama habang pinupunasan ang pawis at luha ng anak na umiiyak.
“Kasi ikaw, papa, puro ka manok at sabong. Hindi mo na ako inaalagaan. Hindi mo na ako kinakantahan tuwing gabi. Hindi mo na rin ako nakakakuwentuhan kapag kumakain tayo sa gabi. Palagi ka na lamang manok, manok, sabong!” dagdag ni Bitoy habang patuloy na umaatungal.
Napaisip si Ruben sa mga ginawa niya nitong mga nakaraan. Ito ang unang beses na nagsalita si Bitoy tungkol sa nararamdaman nito.
“Toy, patawarin mo si papa. Pangako, maglalaan na ako ng oras sa iyo,” marahang tugon ulit ni Ruben sa anak nang mapagtanto ang kaniyang mga pagkukulang.
Tumingin sa kaniya ang anak na basa ng luha ang mukha at iniabot ang isang sertipiko saka inakap ang ama. Napaluha dito si Ruben dahil napagtanto niya kung gaano na nakukuha ang oras niya ng sabong at mga manok. Hindi man lang niya nasamahan ang anak at hindi nalaman ang tungkol sa pagsali at pagkapanalo nito sa paligsahan. Palagi siyang napangungunahan ng galit sa tuwing matatalo siya at hindi na binibigyan ng pansin ang anak na umaamot sa atensyon niya.
Nangako sa sarili si Ruben na hindi na magiging sagabal ang kaniyang hilig sa sabong at manok sa kaniyang pagiging isang tatay kay Bitoy. Natapos ang espesyal na araw na ito nang may labis na ngiti sa mga labi ang mag-ama.