Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Puto Para Sa’yo - Inday Trending

Puto Para Sa’yo

Maagang nawalan ng asawa si Aling Doray kaya naman siya na ang tumatayong ama at ina sa kanilang tahanan. Nagtatrabaho siya sa isang factory malapit sa kanila.

Likas na masipag at madiskarte si Aling Doray pagdating sa pagkakakitaan kaya naman kung ano-anong raket ang ginagawa niya para makaipon lang ng pandagdag sa perang panggastos. Nagluluto siya ng mga kakanin at nilalako ito sa palengke, nagpapautang din siya ng pera sa mga kamag-anak at mga kaibigan, at pa minsan-minsan ay nagtitinda din ng mga tsinelas at damit.

Mabait at matiyaga si Aling Doray kaya naman nakakuha siya ng maraming customers sa labas at loob ng factory. Sa dami ng customer na nakukuha ni Aling Doray ay nakatawag siya ng pansin sa ibang empleyado ng factory.

Si Linda ay kasamahan ni Aling Doray sa factory. Nagsimula na rin itong magbenta ng mga binebenta ni Aling Doray, nahati man ang customers ay hinayaan na lang ito ni Aling Doray, “Pabayaan mo na anak, marami namang raket si nanay kaya kahit may kakumpetensiya ay okay lang, hindi lang naman si nanay ang pwede mag negosyo eh,” pag-aamo ni aling Doray sa kanyang bunso na nakasimangot.

Maaga pa lang ay naghanda na si Aling Doray ng mga iluluto niyang kakanin at mga ipapaorder. Nang matapos ay nag-ayos na din siya at nagsimula na siyang lumakad patungo sa factory dala-dala ang mga order sa kanya. Nang makarating na siya sa factory ay agad-agad naman bumati sa kanya ang ibang empleyado doon, hindi talaga maikakaila na paborito siya dito dahil sa taglay na kabaitan ng babae.

Katulad ng ibang normal na araw sa factory ay matiyagang nagtrabaho na si Aling Doray, abalang-abala ang babae sa pag-aayos ng plastic nang tumunog na ang bell hudyat na breaktime na ng mga empleyado.

Nagsipuntahan na ang mga empleyado sa canteen nila. Agad din namang nagsilapitan ang mga customer kay Aling Doray upang kuhain ang mga pagkain na order o ibang order nila sa babae, habang abala sa pagbibigay ng mga pagkain at gamit ay lumapit si Linda, napatingin naman agad si Aling Doray sa lumapit na katrabaho at agad naman niya itong binati, “Uy Linda! Tara kain!” Alok ni Linda kay Aling Doray.

“Nako hindi ako tatanggi diyan, tara at sabay na tayo kumain oh,” sagot niya sa katrabahong si Linda sabay abot ng puto nito sa kanya.

Agad namang tinanggap ni Aling Doray ang bigay ng babae. Natutuwa naman siya sa katrabaho at nag-abala pa talaga ito para sa kanya.

“Nako nag-abala ka pa, maraming salamat ha, teka… hindi ka ba nagdala ng pagkain ngayon? Sayang ang benta,” tanong niya kay Linda.

“Eh tanghali na kasi ako nagising kaya hindi na ako nakapaggawa, kaya bumili na lang rin muna ako sa labas kaya eto ang baon ko,” sagot sa kanya ng katrabaho habang ngiting-ngiti pa.

Tumunog na ang bell at hudyat na tapos na ang break ng mga empleyado kaya naman agad na bumalik na sila Aling Doray sa loob upang tapusin ang natitirang trabaho sa factory.

Lumipas ang ilang araw ay nagkakameron na ng absent si Aling Doray kaya lubos itong ipinagtaka ng mga katrabaho nila. Hindi na naman nakapasok si Aling Doray dahil sa sobrang sakit ng tiyan niya. Kung hindi naman masakit ang tiyan ay masakit ang ulo at likod, para daw gumagapang ang sakit sa kaniyang likod. Nang hindi na makayanan ni Aling Doray ang sakit ay nagpadala na siya sa ospital.

Ilang ospital na ang pinuntahan ni Aling Doray kasama ang kanyang panganay na anak. Lahat ng resulta sa test ay normal naman, kahit ang mga doktor ay nagtataka rin sa kalagayan ni Aling Doray. Halos mawalan na ng pag-asa si Aling Doray ng nagbigay suhestiyon ang pamangkin niya na papapuntahin daw nito ang kakilala niyang manggagamot.

Dumating ang manggagamot sa bahay ni Aling Doray habag si Aling Doray naman ay nakahiga lamang sa papag at nanghihina na. Lumapit si Aling Gina upang tingnan kung ano nga ba ang nangyayari kay Aling Doray. Noong unang araw ay pinainom niya na ito ng tubig na dinasalan at lugaw, nang ikalawang araw naman ay isang basong langis, tubig, at lugaw pa rin.

Sa ikatlong araw ay nagulantang ang mga anak ni Aling Doray nang bigla na lang nagsuka ang kanilang ina at lumabas ang puto na matagal nang kinain ni Aling Doray. Agad-agad namang tinawagan ng anak ni Aling Doray ang manggagamot na si Aling Gina at sinabi ang nangyari sa kanilang ina.

Pagkapasok sa pinto ni Aling Gina ay agad itong tumabi kay Aling Doray at nagpakuha ito ng isang malaking bote. Nang makuha na ang bote ay itinaas ni Aling Gina ang t-shirt ng babae at itinapat ang butas ng bote sa pusod ni Aling Doray, bumulong ito ng orasyon sa tenga ni Aling Doray.

Nagulat naman silang lahat nang makitang may lumalabas na alupihan, langaw, kuhol at kung ano-ano pang insekto sa pusod nito. Umiling-iling si Aling Gina.

“Tsk tsk, tama nga ang hinala ko, nabarang ang nanay niyo,” saad ng manggagamot sa mga anak ni Aling Doray habang ipinapakita ang mga lumabas sa tiyan nito.

“Ibabalik ko sa nambarang sa nanay niyo ang sakit na binigay niya sa kaniya, dapat siyang maturuuan ng leksyon,” pahayag ni Aling Gina habang nakatingin pa sa boteng hawak niya.

Ilang araw ang lumipas at tuluyan nang gumaling si Aling Doray. Nakabalik na rin siya sa pagtatrabaho at mga raket niya. Hindi na naabutan ni Aling Gina si Linda sa trabaho dahil agad-agad daw itong nagpaalam na magpapagamot sa kanilang probinsiya at umalis.

Matapos ang malubhang pangyayari kay Aling Doray ay naging maingat na siya sa pagkaing ibinibigay sa kanya ng ibang tao, lalo na sa hindi lubos na kilala. Naging maingat na rin si Aling Doray sa mga taong nakangiti sa iyong harapan ngunit may tinatago palang galit sa kalooban.

Ginawan man ng masama si Aling Doray ay hindi pa rin nawala ang angking kabaitan nito at natutong magpatawad at umusad sa buhay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.