Tulad ng ibang pag-ibig ay nagsimulang masaya ang pagsasama ng magkasintahang Gabo at Rian. Tumigil na sa pagtatrabaho si Rian upang maasikaso niya ang kanyang kasintahan. Kahit na tutol ang mga magulang ng dalaga sa ganitong set-up nila ng kaniyang nobyo. Matalino kasi si Rian at nagtapos ng may karangalan. Ngunit dahil nagdesisyon na mas gusto ng binata na mamalagi na lamang ang dalaga sa kanilang bahay ay wala na silang magawa pa dahil mahal na mahal ni Rian si Gabo.
Ngunit sa pagdaan ng panahon ay tumatabang na rin ang pakikitungo ni Gabo kay Rian. At nararamdaman na ito ng dalaga.
“Hindi na siya tulad ng dati, kaya gusto ko sana malaman kung mayroon na ba siyang ibang minamahal,” malungkot na tanong ni Rian sa matalik na kaibigan at kasamahan sa trabaho ni Gabo na si Wilson.
Kahit na matapang siyang nagtanong sa binata ay halata pa rin ang kaba sa pagkangatog ng kaniyang boses. Natatakot siyang marinig na mayroon na ngang iba ang kasintahan.
“W-wala, Rian. Siguro ay pagod lang sa trabaho si Gabo kaya ganoon. Lutuan mo na lang siguro ng paborito niyang ulam mamaya saka lambingin mo na lang. Madami kasi kaming project ngayon sa site. Ikaw na ang umunawa,” tugon ni Wilson.
Dahil nga madalas na tanungin ni Rian si Wilson ay hindi na rin nakapagpigil pa ang binata na kumprontahin ang kaibigan,
“Kumusta na ba kayo ni Rian?” tanong ni Wilson.
“Bakit ka naman biglang naging interesado sa kasintahan ko?” pagtataka ni Gabo.
“Madalas kasi siyang magtanong sa akin kung may problema ka raw ba o may iba ka na. Nanlalamig ka na raw. Aminin mo nga sa akin, Gabo, may iba ka na nga ba?” deretsahang tanong ng kaibigan.
“W-wala. Sa ngayon ay wala pa,” tugon ni Gabo.
“Anong ibig mong sa ngayon ay wala pa, may pinopormahan ka ba? May balak kang ipagpalit ang kasintahan mo? Ano bang nangyayari sa’yo?” sunud-sunod na tanong ni Wilson.
“H-hindi ko rin alam, pare. Noong una, akala ko siya ang para sa akin. Mahal ko naman siya. At gusto ko na nakikita siya palagi. Pero habang tumatagal parang nagiging malabo na ‘yung nararamdaman ko sa kaniya. Parang hindi na siya ‘yung gusto ko. Parang wala ng akong nararamdamang excitement,” paglalahad ni Gabo.
“Sa tuwing umuuwi ako ng bahay nakikita ko siya, sobrang simple lang niya sa bahay, pare. Kapag katabi ko siya sa kama kung hindi ko siya lambingin ay hindi niya ako lalambingin,” dagdag pa nito.
“Ang ibig mo bang sabihin ay hindi ka rin niya napagsisilbihan sa bahay?” tanong muli ni Wilson.
“Siya ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Kapag dumadating nga ako ay laging nakahanda na ang masarap na pagkain. Sa gabi ay minamasahe naman niya ako. Nariyan ang pagsisilbi niya pero parang may kulang. Hindi ko matukoy pero wala na ‘yung pagkasabik ko sa kaniya. Biglang nawala,” pahayag ni Gabo.
“Pero, pare, kilala mo ba ‘yung bagong babae sa kabilang departamento? Grabe ang sexy at ang daming alam sa mga lugar! Parang masarap siyang kasamang magbakasyon,” halos magkandabuhol-buhol ang dila ni Gabo sa pagkukwento. “Kapag nakasama ko ng isang beses ‘yon, pare, sinasabi ko sa’yo mapapasakin ‘yun!” pagtatapos ng binata.
Napailing na lamang si Wilson. Hindi niya lubusang akalaing ganito na agad ang tumatakbo sa isipan ng kaibigan. Hindi naman niya alam kung sasabihin niya ang mga ito kay Rian. Ayaw niyang masaktan ang damdamin ng dalaga ngunit ayaw din niyang makialam sa relasyon nila.
Patuloy ang pagtatanong ni Rian kay Wilson dahil nakukutuban na niya masyado sa mga kinikilos ng kasintahan. Madalas na itong hindi umuuwi at madalas ay inaaway na siya nito. Mainit ang ulo palagi ni Gabo kay Rian na halatang gumagawa na lamang ng away.
“Manong sabihin mo na lang, Gabo, kung ayaw mo na. Huwag mo na akong pahirapan pa. Sabihin mo na lang kung may iba ka na! Nang sa gayon ay maluwag na sa damdamin ko na palayain ka. Ngunit isa lang ang gusto kong malaman — bakit? Bakit mo ‘to nagawa sa akin?” tanong ni Rian habang walang tigil ang pagpatak ng kaniyang mga luha.
“Boring ka kasing tao! Hindi ikaw ang gusto kong makasama habambuhay. Oo, may iba na ako at ‘di hamak na higit siya kaysa sa’yo. Ngayon, makakaalis ka na,” hindi makatitig si Gabo sa mga mata ni Rian.
Halos gumuho naman ang mundo ng dalaga habang nag-eempake at tuluyan nang umuwi sa kanilang bahay. Maluwag siyang tinanggap ng kaniyang mga magulang. Mahirap man ay pinilit ni Rian na iangat muli ang sarili at bumangon mula sa kaniyang pagkakadapa. Dahil na rin sa suporta ng kaniyang mga magulang at sa pagtanggap at pagmamahal na iparamdam sa kaniya ng mga ito ay hindi siya nahirapan. Mula nang umalis ang dalaga sa tinitirahan nilang bahay ng kasintahan ay hindi na ito nakipag-usap pang muli o nakipagkita sa binata.
Habang patuloy sa pakikipagrelasyon si Gabo sa babaeng tinutukoy niya sa ibang departmento.
“Pare, nag-away na naman kami ng nobya ko. Grabe, napakatamad sa bahay at maluho! Hindi ko na masakyan lahat ng trip niya,” reklamo ni Gabo kay Wilson. Dahil pagod na si Wilson sa pakikinig ng reklamo ng kaibigan ay hindi na niya nagawang tumugon.
“Pero narinig mo na ba ang bali-balita? Dadating daw sa meeting ang kliyente natin. Malaking proyekto daw ito. At ang sabi ay maganda daw ‘yung bagong kliyente at bata pa. Sabi ko sa’yo, pare, bigyan mo lang ako ng ilang panahon, mahuhulog din ‘yan sa akin,” pagyayabang ni Gabo.
“Tumigil ka na. Puro ka kahambugan. Tara na at baka mahuli pa tayo sa meeting. Mapagalitan pa tayo ni boss. Ang sabi rin kasi, malapit sa puso ni boss ang bagong kliyente. Baka kamag-anak niya kaya tara na bago pa tayo mawalan ng trabaho,” pagmamadali ni Wilson.
Nang makapasok sila sa conference room ay laking gulat nila nang makita ang isang pamilyar na mukha. Hindi nila lubusang akalain na ang babaeng tinutukoy ng mga kasamahan nila ay walang iba kundi ang dating nobya ni Gabo na si Rian.
“Guys, ipinapakilala ko nga pala sa inyo ang nobya ko, si Rian,” pagpapakilala ng kanilang boss sa dalaga. “Matiyaga at mahusay ang nobya kong ito kaya pinagmamalaki ko siya sa inyo. Siya ang magiging bago niyong kliyente. Gusto ko na ipagdisenyo niyo siya ng isang magandang building para sa kaniyang itatayong grocery store,” dagdag pa ng boss.
Laking gulat ni Gabo. Wala kasi sa hilahil ng kaniyang dating nobya ang babaeng nakatayo ngayon sa kanyang harapan. Hindi niya lubusang akalaing ganito na pala ang kinahinatnan ng buhay ng dalaga.
“Katulad din ‘yan, pare, ng ibinenta mong sasakyan. Noong una ay akala mo’y wala na siyang pakinabang sa iyo hanggang sa makita mo muli at pinaganda ng lubusan ng bagong nakabili. Nagsisisi ka na sana ay hindi mo na lamang pala binenta,” sambit ni Wilson.
“Madali mo lang pinalitan si Rian at nakahanap siya ng lalaking mag-aalaga sa kaniya at maglalabas ng kanyang tunay na potensyal. ‘Yung lalaking hindi siya ikukulong bagkus ay pahahalagahan siya hindi dahil sa may pakinabang siya o exciting siyang babae kundi nakita ng lalaking iyon ang tunay na pag-ibig sa kaniya, kaya mas naging mainam siyang babae,” dagdag pa ng kaibigan.
Lubusan ang panghihinayang at pagsisisi ni Gabo. Naiisip niya ang mga panahong si Rian ang kaniyang kasama laban sa mga panahong kasama niya ang kanyang bagong karelasyon. Kung natutuo sana siyang pahalagaan, ingatan at mahalin si Rian noon ng buong puso, hindi sana siya ang lalaking kasa-kasama ngayon ng dalaga sa tagumpay.