Inday TrendingInday Trending
Ang Presyo ni Dennis

Ang Presyo ni Dennis

“Ang laki na siguro ng kinikita mo ngayon, Dennis! Baka pwede mo naman akong bigyan ng bawas diyan,” saad ni Aling Susan, suki ng lalaki sa kaniyang tindahan.

“Naku, Aling Susan, ang laki rin talaga ng gastusin ngayon dahil ako lang ang kumikita. Walang trabaho si misis kaya mabigat-bigat,” sagot naman ni Dennis sa matanda.

“Hala, e, ang laki na nga ng itinaas ng mga presyo ng tinda mo simula noong naglockdown tayo. ‘Yung tali ng mga gulay dati ay limang piso lang, ngayon sampu na at kakaunti pa,” reklamo naman muli ng ale.

“Hindi lang naman ho ako ang nagtaas dito, lahat kami. Kasi mataas din talaga ang bigay sa amin ng gulay,” baling ni Dennis at mas tinaasan pa nito ang kaniyang boses sabay simangot sa matandang suki. Hindi naman na nagsalita si Aling Susan at umalis na lang ito pagkatapos magbayad.

“Kuya, ang laki naman na talaga ng itinaas natin. Kawawa rin naman sila, wala na ngang trabaho ang marami nagtataas pa tayo,” bulong ni Balong, ang trabahador ni Dennis.

“Naawa ka sa kanila? Gusto mo ibigay ko na lang ‘yung sahod mo sa kanila tapos ‘wag ka nang magtrabaho sa akin? Ang dami mong sinasabi, ha! Kailangan kumita kaya ako nagtataas. Isa pa, may pera naman ‘yang mga ‘yan! May mga ipon ‘yan kaya bibili at bibili sa atin ‘yan. Kung may problema ka sa patakaran ko, alis,” baling ni Dennis sa kaniyang tao.

“Pasensya na, kuya,” paumanhin naman ni Balong sabay tuloy sa pagtatali niya ng mga kangkong.

Nagbebenta ng mga gulay si Dennis at siya rin ang may pinakamalaking puwesto sa kanilang talipapa. Simula noong nagkaroon ng enhanced community quarantine ay nagtaas na siya ng presyo. Naisip kasi niyang ito ang pinakatamang pagkakataon upang kumita dahil lahat ng tao ay nagkakagulo sa pagbili ng mga pagkain.

“Dennis, baka naman pwedeng hindi muna ako magbayad ng utang sa’yo ngayon? Kahit hanggang matapos lang itong COVID-19 at ECQ. Hirap na hirap kasi ako sa pagbebenta ng balot at penoy ngayon, sobrang hina,” pakiusap naman ni Mang Rodolfo.

“Problema niyo na ho iyan, pero sige. Baka sabihin niyo naman na wala akong puso, ganito na lang. Hindi ko kayo sisingilin pero tuloy ang pagpatong ng interes sa utang ninyo at do-doblehin ko,” sagot ni Dennis sa matanda.

“Baka malubog naman ako sa utang niyan,” malungkot na sagot naman ni Mang Rodolfo sa kaniya.

“Hindi lang ho kayo ang naapektohan ng sakit na ito kaya bahala kayo riyan sa buhay niyo. Magbayad kayo kung hindi ipapahuli ko kayo sa pulis!” panakot namang muli ni Dennis sa matanda.

“Wala kang awa, Dennis! Matakot ka sa Diyos at sa karma, kilalang-kilala ka nila!” naiyak na pahayag ni Mang Rodolfo tsaka siya tumayo sa upuan at kinuha ang balot na tinda. Ngunit bago pa man niya ito mahawakan ay sinipa na ito ni Dennis at natapon sa gitna ng daan ang kaniyang paninda.

“Ganyan ang mga nangyayari sa hindi marunong tumanaw ng utang na loob! Ako na nga itong nagpautang at tumulong sa inyo ay ako pa ang kakarmahin? Karmahin mukha niyo!” sigaw ni Dennis sa matanda saka ito umalis.

Mabilis siyang nagsara at kinuha ang lahat ng pera sa kaniyang kaha. Kahit na sumakit ang kaniyang ulo ay nagbago naman kaagad ito nang makapa ang kita niya ngayon araw. Alam na kaagad niyang triple na naman ang idinagdag sa kaniyang kita.

Ngunit bago pa man siya makapasok sa kanilang bahay ay nagtatakang itong bukas ang mga pinto. Pagkapasok niya sa loob ay wala nang buhay ang kaniyang mag-ina at magulong-magulo ang kanilang bahay. Bago pa man din siya nakasigaw ay may tumutok na ng baril sa kaniyang ulo at ipinutok ito. Isang malakas na putok na lamang ang huli niyang narinig sa kaniyang huling hininga at saka niya tuluyang iniwan ang mundong ibabaw.

“Kuya!” sigaw ni Balong sa kaniya sabay hampas ng kangkong sa mukha. Namumutla namang nagising si Dennis at hindi nakapagsalita.

“Kuya, pasensya ka na. Para kasing binabangungot ka e, kaya hinampas kita kaagad,” paliwanag naman kaagad ni Balong.

“Ang laki na siguro ng kinikita mo ngayon, Dennis! Baka pwede mo naman akong bigyan ng bawas diyan,” saad naman ni Aling Susan, suki ng lalaki sa kaniyang tindahan.

Tila nangilabot si Dennis at naalala niya ang masamang panaginip. “Buhay pa ako,” bulong niya sa sarili at mabilis na ngumiti saka siya tumayo at nagpasalamat sa Diyos.

“Libre na ho lahat ngayon ang tinda ko, kuha na ho kayo ng kailangan niyo!” sigaw ni Dennis at mabilis na umuwi sa kaniyang pamilya. Nagpapasalamat siyang panaginip lang ang nangyari. Tila binigyan siya ng babala ng Panginoon sa ginawa niyang panglalamang sa kapwa kaya naman simula noon ay hindi siya nagtaas pa ng presyo na hindi naman tama. Mas naging mapagbigay na rin siya sa kaniyang kapwa.

Advertisement