Inday TrendingInday Trending
Basag na Baso

Basag na Baso

Lumuluhang nakapikit lamang si Tessa habang nagbabalik-tanaw siya sa nakaraan. Walang ibang maramdam kundi matinding kirot sa puso. Tila ba isang basag na baso ang puso niya’y hindi na maayos pa kailan man. Hanggang sa isang araw, malaking pagbabago ang dumating sa kaniyang buhay.

Bata pa lamang is Tessa, malupit na ang tadhana sa kaniya. Paano ba naman ay sa dinami-rami ng pwedeng maging magulang sa mundo’y isinilang siya sa isang lasinggero’t babaerong ama at sugarol na ina. May kaya naman ang pamilya nila, dahil sa minana ng ina niya sa ama nito. Noong musmos pa lamang siya, naging natural na para sa kaniya ang makitang may ibang kalaguyo ang tatay niya, at dahil sa takot na bugbugin siya nito, hindi siya nagsusumbong sa ina.

“Subukan mong magsumbong sa nanay mo at sisiguraduhin kong wala ka nang uuwian na bahay,” laging sambit ng ama kay Tessa.

Bukod pa rito, madalas ding wala sa bahay ang kaniyang nanay dahil laging laman ito ng pasugalan. Kung umuwi naman ito ay puro away at bugbugan ang ginagawa ng kaniyang mga magulang. Maraming beses na din nadamay si Tessa kaya’t walang linggo ang lumipas na wala siyang pasa o galos sa katawan.

Nang mag-17 na taon na si Tessa, halos sabay pumanaw ang kaniyang mga magulang. Ang nanay niya’y naaksidenteng nasagasaan ng bus habang ang tatay naman ay pumanaw dahil sa sakit sa atay. Ngunit hindi ito masyadong nakaapekto sa buhay ni Tessa, dahil kailanman ay hindi niya rin naramdaman ang kalinga ng isang magulang.

“Tessa! Lutang ka na naman! Asikasuhin mo yung customer d’yan sa pwesto mo!” pasinghal na sabi ni Ma’am Joan, ang supervisor ni Tessa sa pinagtatrabahuhang retail store, isang taon matapos pumanaw ang kaniyang magulang.

“Opo ma’am pasensiya na po. Eto naman si madame, kalma ka lang smile-smile lang tayo,” sagot ni Tessa sa kaibigang boss.

“Hoy Tes, ano ba yung nababalitaan ko na nanliligaw daw sa’yo si Michael? Paalala ko lang ha, bawal ang magkarelasyon dito na empleyado,” singhal ng kaniyang Ma’am Joan.

“Ma’am Jo naman, alam mo naman ang istorya ko ‘di ba? Wala akong paniniwala diyan sa love, love na ‘yan! Ni hindi ko nga alam kung nararamdaman ko ba ‘yan,” sagot naman ng dalaga.

Napaisip naman si Ma’am Joan sa sinabi ni Tessa. Napaawa ito sa at sinabing, “Grabe ka naman, anong tawag mo sa akin? Sa aming mga kaibigan mo? Alam mo, hindi naman imposible na mayroong magmahal sa’yo, na higit pa sa pagmamahal namin bilang kaibigan. Malay mo si Mike na yon, ‘di ba?”

Hindi na lamang umimik si Tessa, sa halip ay nag-ayos na lamang ng mga paninda.

Lumipas ang panahon at unti-unti na rin nahulog ang loob ni Tessa kay Michael. Nang dahil sa tuksuhan ay nauwi ito sa tunay na pagmamahalan. Sa unang pagkakataon ay natuto siyang magtiwala muli. Hindi naglaon ay nagdalangtao si Tessa. Masayang-masaya siya nang malaman ito pero hindi niya inaasahan na panandalian lamang pala ito.

“Mike, buntis ako! Hindi ko akalain o inisip na balang araw magiging ina ako!” masayang sabi ni Tessa sa kinakasama.

“Ano?! Buntis ka? Teka lang, sigurado ka ba?” gulat na gulat na reaksyon ng kinakasama.

“Teka, bakit parang hindi ka masaya?” tanong ni Tessa.

“Hindi ko alam, Tes! Wala pa sa plano kong magka-anak. Hindi pa ako handa!” pagalit na sagot ng lalaki.

Nagulat si Tessa sa sinabi ng kinakasama. Ang buong akala niya kasi ay matutuwa pa ito sa balita, ngunit kabaliktaran pala ang mangyayari.

“P-Papaano na? A-anong -gagawin natin? Michael h-hindi ko alam kung anong gagawin,” utal-utal na sabi ni Tessa.

“Hindi ko alam!” sigaw ng lalaki at saka umalis sa kanilang inuupahang bahay.

Iyon na pala ang huling pagkikita ni Tessa at Michael. Matapos umalis ni Michael ay hinanap siya ni Tessa kung saan-saan, ngunit nalaman niyang umuwi na pala ito sa probinsya.

Naiwanang mag-isa si Tessa. Ilang ulit niyang pinag-isipang ipalaglag ang bata, ngunit hindi ito kinaya ng kaniyang konsensya. Sa halip, nagsilang siya ng isang babae at pinagalanan itong Rita.

Lumipas ang anim na taon at napalaki naman ni Tessa ang bata ng maayos. Sobrang malambing na bata si Rita at masunurin sa ina, ngunit si Tessa naman ay naging striktong ina na may malamig na pakikitungo sa bata. Mahal niya ang kaniyang anak, ngunit palagi siyang napapangunahan ng galit at madalas mapalo ang anak.

“Mama, tubig po, please?” hiling ng batang si Rita isang araw matapos kumain ng tanghalian.

“Malaki ka na ‘di ba?! Kumuha ka mag-isa!” pagalit na utos ni Tessa sa anak.

Tahimik naman na sumunod si Rita sa kaniyang nanay. Kumuha ito ng baso at nilagyan ng tubig. Matapos uminom ay pinatong niya ito sa lamesa. Habang umaakyat sa may upuan ay nasanggi ito ng bata kaya nahulog ito at nabasag.

“Rita naman! Napakalikot mo kasing bata ka!” singhal ni Tessa sa anak.

“Mama, sorry po hindi ko sinasadya,” iyak ng bata.

Dahil sa inis ni Tessa, hinayaan niyang si Rita ang mag-ayos ng bubog. “Linisin mo iyan! Nakakapagod ka na. Napakalikot mo kasi,” naisip na ni Tessa na baka masugatan ang anak sa pagpupulot ng baso, ngunit dahil sa kaniyang inis sa bata ay hinayaan niya ito.

“Lintik na buhay ‘to! Wala nang magandang nangyari sa akin. Lahat na lang puro kamalasan,” sambit ni Tessa sa sarili habang inaayos ang hapag-kainan.

Habang pinupunasan ang basang lamesa, hindi sinasadyang nadanggil ni Tessa ang anak kaya sumubsob ang mukha ni Rita sa sahig.

Biglang umiyak ng malakas ang bata at laking gulat ni Tessa ng makitang may d*ugo sa mukha ni Rita. Agad niya itong dinala sa ospital.

“Misis, I’m really sorry to tell you, pero nalagyan ng bubog ang kaliwang mata ng bata na naging sanhi ng pagkabulag nito. Tinanggal na po namin ang bubog ngunit malabo nang gumaling ang mga mata niya,” sabi ng doktor.

“Pero dok, baka may paraan pa? Ayoko namang maging tampulan ng tukso ang anak ko. Baka may magagawa kayo? Masyado pa siyang bata,” umiiyak na tanong ng babae.

“Unless we find a donor na magma-match, then maybe magagawaan natin ng paraan pa ito. Pero we need it as soon as possible,” tugon naman ng doktor.

Nanlumo si Tessa nang marinig ang sinabi ng doktor. Magkahalong galit, pagsisisi at lungkot ang naramdaman niya. Niyakap niya ang anak niya at paulit-ulit na humingi ng tawad dito.

“Anak. Sorry. Sorry kasi hindi ka naalagaan masyado ni Mama. Hindi ko kasi alam kung paano maging isang ina. Sorry anak, kasi ako pa ang naging nanay mo. Anak alam ko galit ka kay mama. At naiintindihan kita. Sorry anak. Sorry…” sambit ni Tessa.

“Mama, huwag ka na pong umiyak. Hindi po ako galit. Mama, sorry po kasi nabasag ko yung baso. ‘Wag na po kayong magalit,” malambing na sabi ni Rita sa ina. “Mama, i love you po!”

Nang marinig ito ni Tessa ay mas tumindi ang sakit na nararamdaman niya. Hindi niya akalaing ganun katindi ang pagmamahal pa rin sa kaniya ng anak. Sa pagkakataong iyon, isang malaking sakripisyo ang kaniyang kailangang gawin.

Ibinigay ni Tessa ang kaniyang mata sa kaniyang anak. Ito na lamang ang natatanging paraan upang maparamdam niya kung gaano ka-importante sa kaniya ang bata.

“Mama… salamat po, dahil sa’kin nawala po yung isang niyong paningin…” malungkot na sabi ng bata.

“Wag kang mag-alala anak. Mahal ka ni mama, kaya ginawa ko iyon. Nakita ko kung gaano kapait ang mundong ito, pero ngayon ipapakita sa’yo ng mga mata na yan ang ganda naman ng mundo. Pangako, mas magiging mabuting ina ako para sa’yo,” malumanay na sabi ni Tessa habang nakayakap sa anak.

Magmula noon, ginawa ni Tessa ang lahat upang maging isang mabuting ina. Nang sa ganoon ay hindi danasin ng anak ang hirap na dinanas niya noon. Isang magandang mundo at puno ng pagmamahal ang masisilayan ni Rita. Nawala man ang isang mata ni Tessa, nagkaroon naman ng linaw ang umaapaw na pagmamahal na mayroon siya sa anak na matagal nang natatago.

Advertisement