Inday TrendingInday Trending
Pare, Nobya Ko ‘Yan!

Pare, Nobya Ko ‘Yan!

“Pare, alam mo ba, pakiramdam ko yung nobya ko may kinakalantaring iba,” balita ni Jome sa kaniyang katrabaho.

“Paano mo naman nasabi? Eh, hindi ba’t abala ‘yon ngayon sa trabaho niya dahil nadestino siya sa ibang airport, katulad ng sabi mo?” sagot naman ng kaniyang katrabahong si Manoy habang abala sa paghihiwa ng kaniyang ulam na baboy.

“Oo nga, doon nga nagsimula ang paghihinala ko, eh, simula noong madestino siya ibang lugar. Mantakin mo, isang beses sa isang linggo na lang kami magkita. Minsan ni hindi pa nagagawang tumawag man lang!” inis niyang tugon dito.

“Baka naman pagod lang talaga? Hindi rin biro ang maging isang flight attendant, eh,” ‘ika pa ng kaniyang katrabaho. “Pagod? Eh, sinundan ko ‘yon noong nakaraang araw. Nakita kong pumasok sa isang restawran at may kasama pang lalaki! Katindig mo nga yung lalaki, eh!” sagot niya pa saka binitawan ang kutsara sa pagkadismaya.

“Pare, baka namamalik-mata ka lang, baka kamukha lang ng nobya mo ‘yon,” pagpapakalma ng kaniyang katrabaho sa kaniya.

“Naku, basta! Kapag nakita ko ulit ‘yon, malilintikan na talaga silang dalawa sa akin!” sambit niya saka muling bumalik sa pagkain.

Tatlong taon nang nasa loob ng isang relasyon ang binatang si Jome. Labis ang kaniyang kasiyahan noong magsimulang lumalim ang pagmamahalan nila ng kaniyang nobya. Ngunit nang madestino ito sa Maynila upang doon magtrabaho, tila lahat ng kagalakang nararamdaman niya noon ay napalitan lahat ng paghihinala.

Minsan na lang kasi sila magkita nito at kung magkikita man, palaging pagod at walang gana ang kaniyang nobya dahilan upang maramdaman niyang nawawalan na ito ng pagmamahal sa kaniya. Ngunit laking pagtataka niya nang makita niya itong magsigla habang kasama ang isang lalaki. Sinundan niya kasi ito habang papunta ito sa trabaho at doon na tila mas lalong lumalim ang kaniyang paghihinala. Malayo man at hindi malinaw ang kaniyang mga nakita, ganoon na tila unti-unting lumalayo ang loob niya sa naturang dalaga.

Kinabukasan, nakatakdang magkita ang dalawa. Maagang kumilos si Jome upang masundo ang kaniyang nobya, balak na niya itong tanungin tungkol sa kaniyang mga paghihinala ngunit hindi pa man din siya nakakaligo, nagtext na ito sa kaniya.

“Sorry, Love, hindi ko kayang tumayo ngayon, eh, sobrang sakit ng katawan ko,” dahilan upang mapabuntong hininga siya matapos niya itong mabasa. Ngunit maya-maya, naisipan niyang puntahan na lamang ito sa bahay. Sa isip-isip niya, hindi na niya kayang maghintay pa ng isang linggo upang maklaro lahat ng kaniyang mga paghihinala.

Nagmadali siyang naligo at nagmaneho papunta sa bahay ng kaniyang nobya. ngunit hindi pa man nakakalayo sa kaniyang bahay, nakita na niya ito sa isang kainan.

“Masakit pala ang katawan at hindi makatayo, ha?” sambit niya saka siya bumaba ng sasakyan at hinablot ang kamay ng naturang dalaga. Laking gulat niya ng bigla na lamang siya sinapok ng isang lalaki.

“Aray ko!” sigaw niya saka umakma nang babawi ng susuntok sa lalaki ngunit nabigla siya nang makita kung sino ito, “Ma-makoy? Bakit mo ako sinuntok?” bulyaw niya dito.

“Eh, siraulo ka pala, pare, eh! Bigla mo hinila ang nobya ko, eh! Hindi naman kita nakilala agad,” sambit nito saka hinila ang naturang dalaga na takot na takot.

Dito na siya natauhan. Tinignan niyang maigi ang naturang dalaga at tila doon niya napagtantong magkamukha lang pala ang dalagang ito at ang kaniyang nobya.

“Naku, pare, pasensya ka na, ang buong akala ko, siya ang nobya ko. Magkamukha-magkamukha sila, eh.

“Pambihira ka naman, o. Sa akin ka pa nagkukuwento tapos ang nobya ko pala ang sinusundan mo. Ako pala yung lalaking sinasabi mong kalantaryo ng nobya mo,” pailing-iling na ika nito, napakamot na lamang siya ng ulo’t lubos na humingi ng tawad.

Maya-maya pa’y nagdesisyon na siyang magtungo sa bahay ng kaniyang nobya. Naabutan niya itong tulog at tila bakas sa mukha ang labis na pagkapagod.

Agad niya itong niyakap na naging dahilan ng pagkagising nito. Agad itong ngumiti sa kaniya’t inikang, “Na-miss kita,” saka siya mahigpit na niyakap.

Doon na tila tumulo ang kaniyang luha. Napagtanto niyang ang dalagang pinaghihinalaan niya, labis pala siyang mahal. Doon niya naisip na siguro, gusto naman talaga ng kaniyang nobya na makipagkita sa kaniya, ang kaso lang, hindi na kaya ng katawan nito.

Kinuwento niya sa dalaga ang nangyari kanina at ganoon na lamang ang pagtawa nito.

“Inakala mo talagang may-iba ako? Diyos ko, Jome, hindi ko magagawang magloko!” ika nito habang patuloy sa pagtawa.

Simula noon, mas pinalawak niya ang kaniyang pag-unawa’t tiwala sa dalaga. Kinumbinsi niya ang sarili na wala naman itong masamang ginagawa, nagtatrabaho lamang ito para sa kaniyang kinabukasan.

Malimit kapag nasa isa tayong relasyon at hindi na madalas magkita katulad noong mga unang taon, napaghihinalaan natin ang ating kapareha. Nawa’y lawakan natin ang ating pag-iisip upang mapangalagaan ang nabuong relasyon, pagkat may sarili silang mundong nais pagtagumpayan. Huwag natin silang ikulong sa sarili nating mundo.

Advertisement