
Lihim ng Maningning na Bituin
Kung may iniidolo man at ginagaya si Chloe, ito ay walang iba kundi ang ate niyang si Cassie na kinikilalang malaking artista sa industriya ng showbiz. Dalawa lamang silang magkapatid.
Close sa isa’t isa ang dalawa. Magmula sa fashion statement, paraan ng pananalita, at pakikisalamuha sa ibang mga tao, labis itong tinitingala ni Chloe sa kaniyang ate. Lahat ng hilingin niya rito ay ibinibigay nito, dahil ito ang mas kumikita sa kanilang pamilya. Naipagawa na nito ang kanilang bahay, at tumigil na rin sa pagtatrabaho ang kanilang maysakit na ama. Si Cassie ang naging bread winner ng kanilang pamilya.
“Ate, masarap bang maging artista?” minsan ay natanong ni Chloe kay Cassie.
“Oo naman. Malaki ang kita, at marami kang fans. Pero ang hindi maganda sa pagiging artista, lahat ng mga mata ay nakatingin sa iyo. Bawal magkamali. Konting pagkakamali mo lang, marami na agad masasabi ang tao,” sagot ni Cassie.
“Mukhang masaya ka naman ate sa pagiging artista mo eh. Gusto ko ring maging artista gaya mo!” nagniningning ang mga mata ni Chloe. Nasa Grade 7 na siya sa Junior High School.
Biglang lumamlam ang mukha ni Cassie.
“Bakit? Bakit mo gustong maging artista? Magtapos ka na lang ng pag-aaral,” seryosong sabi ni Cassie sa kaniyang nakababatang kapatid.
“Gusto kitang gayahin ate, saka gusto kong makapasok sa showbiz para makaeksena ko naman si Tommy Adrales,” kinikilig na sabi ni Chloe. Si Tommy Adrales ang kinababaliwang katambal ng kaniyang Ate Cassie. Kilala sa tambalang “Cammy”. Crush kasi ni Chloe si Tommy at ilang beses na niya itong nakita nang personal.
Kitang-kita ni Chloe ang pag-iiba ng mukha ng kaniyang ate.
“At bakit naman gusto mong makatambal si Tommy?” tanong ni Cassie.
Walang kagatol-gatol na sumagot si Chloe. “Crush ko kasi siya eh! Ang hot niya…”
“Chloe, tigilan mo iyan. Masyado ka pang bata, ikaw talaga. Gumawa ka na ba ng assignments mo?” sansala ng kanilang mommy na si Thelma. Nagkatinginan sila ni Cassie.
Lumabi lamang si Chloe at nagpaalam na ring aakyat na sa kaniyang kuwarto upang gumawa ng mga takdang-aralin para sa kanilang paaralan.
Kapag napaguusapan ang pag-aartista, nararamdaman ni Chloe na tutol dito ang kaniyang ate. Seryoso siya sa sinabi niya rito na gusto niyang makatambal si Tommy. Naisip niya, kung maaga pa lamang siyang papasok sa showbiz, tiyak na may posibilidad na makatambal din niya ang kaniyang crush.
Subalit malalim na napapaisip si Chloe. Bakit kaya ayaw nitong pumasok siya sa showbiz? Natatakot ba itong maungusan niya ito sa kasikatan? O ayaw nitong makatambal niya si Tommy kung sakali dahil may lihim itong pagtangi sa katambal, ayaw man nitong aminin?
Subalit tunay na nananalaytay sa dugo nila ang karisma ng pagiging sikat. Habang naglalakad siya sa mall, isang talent scout ang nakapansin sa kaniya. Inalok siyang gumanap sa isang commercial. Sa pagpupumilit ni Chloe, napapayag na rin nito si Thelma. Lingid ito sa kaalaman ni Cassie.
Kaya laging gulat ni Cassie nang mapanood ang commercial ng kapatid. Kinapanayam din ito sa isang talk show, at tahasan nitong sinagot ang tanong na, “Sino sa mga male celebrity ang crush mo at gusto mong makatambal?” Walang iba kundi si Tommy.
Kaya galit na galit si Cassie at kinompronta nito ang ina. Hindi alam ng dalawa na nakikinig pala si Chloe.
“Bakit ka pumayag, Ma? Alam mo namang ayokong pumasok si Chloe sa showbiz. Ayokong maranasan niya ang naranasan ko. Natatakot ako, Ma…”
“Eh sa iyan ang gusto niya eh. Bakit mo ba pinipigilan?” sagot ni Thelma.
“Kayo ang matanda, kayo ang kasama niya. Sana pinigilan ninyo…”
“Wala akong magagawa, eh nagmana sa iyo ng katigasan ng ulo ang anak mo…”
“Maaaaa!”
Umingit ang pinto. Tumambad si Chloe. Narinig niya ang lahat.
“Ma… anong ibig mong sabihin? Sino ang tinutukoy ninyo na anak ni Ate Cassie?” takang tanong ni Chloe.
Napatda sina Thelma at Cassie. Hindi nila inaasahan ang pagsulpot ni Chloe.
“Anak…”
“Ma, narinig ko po ang lahat. Huwag po kayong magsinungaling,” umiiyak na sabi ni Chloe. “Ano po ang totoo?”
Lumapit si Cassie kay Chloe. Lumuhod ito upang magpantay sila. Hinawakan ni Cassie ang magkabilang kamay ng kapatid, at tinitigan ito nang diretso sa kaniyang mga mata.
“C-Chloe… makinig ka sa akin. Ako ang tunay mong mommy…” umiiyak na pagtatapat ni Cassie. Napailing si Chloe.
“P-Paano nangyari iyon, ate kita, hindi puwedeng mommy kita… Ma…” pumapalahaw sa pag-iyak si Chloe.
Dahil hindi kayang magkuwento ni Cassie, si Thelma ang nagsiwalat ng lahat kay Chloe.
“Bata pa lamang ang ate mo noon nang ipagbuntis ka niya. Nag-uumpisa pa lang sa showbiz, kaya wala pang sumusunod sa buhay niya. Hindi puwedeng malaman ng publiko na may anak na siya dahil masisira ang career niya. Sandali siyang nagpahinga sa showbiz. Walang naghinala. Nang ipanganak ka niya, napagdesisyunan naming ako ang kikilalanin mong Mama,” humahagulhol na pagtatapat ni Thelma.
“Mga sinungaling kayo! Sino ang tatay ko? Sino?” humahagulhol na tanong ni Chloe.
“Si Tommy Adrales. Siya ang tunay mong ama,” sagot ni Cassie.
Nagtatakbong palabas ng kanilang bahay si Chloe. Hinabol siya ni Cassie subalit matulin itong nakaalis. Tumagal ng ilang linggo at buwan subalit hindi nila malaman kung saan nagpunta si Chloe. Halos masiraan ng bait si Cassie. Hanggang isang araw, nabalitaan nilang nasa isang ospital si Chloe. May isang concerned citizen ang nakakita rito na natutulog sa kalsada at nanginginig sa taas ng lagnat. Agad itong pinuntahan nina Cassie, Thelma, at kasama na rin si Tommy. Humingi sila ng tawad sa kasalanang kanilang nagawa, sa paglilihim sa tunay na pagkatao ni Chloe. Agad naman silang pinatawad ni Chloe.
Kinabukasan, laman ng mga balita sa pahayagan, telebisyon at internet ang pagtatapat nina Cassie at Tommy na may anak na sila. Buo na ang pasya ni Cassie. Wala na siyang pakialam kung masira man ang karera niya, ang mahalaga, makabawi siya sa kaniyang anak at maipagmalaki ito sa lahat.
Lumamlam ang pangalan nina Cassie at Tommy sa larangan ng showbiz subalit hindi na nila ito inisip pa. Mas mahalaga sa kanila si Chloe, ang kanilang anak. Ipinasya nilang magsama na lamang tatlo bilang isang masayang pamilya.