
Minsanang Naniwala Sa Himala
Katirikan ng araw at halos lahat ay tumatagaktak na ang pawis ng mga oras na iyon dahil sa paghahanda ng kakainin ng bawat pamilya. Ang iba naman ay abala sa kanilang opisina at mga lugar na pinagta-trabahuan. Samantalang, ang binatilyong si Andoy, ay kakabukas pa lamang ng mga mata mula sa mahaba at mahimbing na pagtulog. Katulad ng mga tipikal na ina na nagbubunganga sa kanilang batugang anak, hindi nalalayo roon si Aling Maring.
“Araw-araw na lang ginawa ng Diyos! Ano ka ba naman, Andoy?! Ala-una na ng tanghali, ang lahat ay marami nang nagawa sa buhay nila. Tapos ikaw, ano? Aba! Balita ko ay kasama ka na naman sa gulo diyan sa labasan kagabi! Kung ano-ano na naman panigurado ang maririnig ko diyan sa labas. Kung buhay lamang ang ama mo sigurado akong lulumpuhin ka noon para hindi ka na makalabas pa ng pamamahay na ito!” malakas na alingawngaw ng ina kay Andoy na pangisi-ngisi pa.
Lumapit ang binata sa ina at niyakap ito. “Ma naman, ikaw na nga lang meron ako eh… I love you, ma,” paglalambing nito. Agad namang bumaba ang tono ng pananalita ng kaniyang ina matapos siyang yakapin ng kaniyang nag-iisang anak. Pinaghanda niya ito ng makakain at doon muli na naman nagoyo ni Andoy ang kaniyang ina.
Ganito madalas ang tagpo sa pamamahay ng mag-inang Maring at Andoy. Ang binatang anak na suwail ay tumigil sa kaniyang pag-aaral matapos itong gumawa ng gulo sa kaniyang paaralan. Ngunit pilit naman siyang iniintindi ng ina na si Maring dahil alam niyang hindi madali para kay Andoy ang mabuhay ng walang ama. Isang taon pa lamang kasi magmula ng yumao ang ama dahil sa sakit na ka*nser. Hindi naging madali iyon para sa mag-ina ngunit umaasa si Maring na hihilom ang mga sugat at makakapamuhay muli sila nang maayos.
Araw-araw, ginagapang ni Maring nang mag-isa ang kaniyang anak na si Andoy. Halos naubos kasi ang kanilang pera sa pagpapagamot at pagpapalibing sa kaniyang yumaong asawa. Nagtitinda na lamang siya ng baboy sa palengke upang mairaos ang kanilang pang-araw-araw na gastusin sa bahay.
Sa kabilang dako naman, ang binatang si Andoy ay salot sa lipunan kung tawagin. Kabilaan kasi ang mga gulong kinasangkutan niya simula noong mawala ang ama. Ngunit lahat ng masasakit na salitang iyon ay sinasa-walang bahala na lamang ni Maring. Kahit na maging tampukan sila tsismis sa lugar, basta’t nakikita niyang ligtas ang anak ay masaya na siya roon.
Isang dapit hapon, habang nakahilata si Andoy sa kanilang sofa sa may sala at hawak-hawak ang remote control ng kanilang telebisyon. Sa kabilang kamay naman ay kaniyang cellphone kung saan niya kausap ang mga barkada. Napatingin ang binate sa kamay ng orasan na tila ba may hinihintay.
“Kringgg! Kringgg!” patuloy na pag-ring ng cellphone ng tinatawagan ni Andoy.
“Halos mag-a-ala sais na ah. Bakit kaya wala pa si mama?” pagwawari ni Andoy sa kaniyang sarili. Karaniwan kasi na alas tres o alas kwatro pa lamang ng hapon ay nandoon na ang ina.
“Baka pinapaubos pa ang kaniyang tinda,” pagpapatuloy niya.
Nang tumunog ang kaniyang cellphone, agad tumayo ang binata mula sa pagkakahilata. Kumuha ng mga damit, tuwalya at dumiretso sa banyo upang maligo. Mabilis na nag-ayos ng sarili ang binata. Suot nito ang karaniwang niyang kasuotan na malaking t-shirt na abot hanggang tuhod at kaniyang maong na short na halos aabot na sa kaniyang paa. Handa na rin ang kaniyang naglalakihang mga silver na singsing at kuwintas pang-porma. Ang huli ay ang kaniyang pabangong nananapok sa sobrang tapang. Patuloy ang pagpapa-pogi ni Andoy sa harapan ng salamin habang iniisip niya kung paano nila gagantihan ang tropang nakaaway nila kagabi.
“Aha! Yari kayo sa akin! Kahit magsama-sama pa kayong lahat wala akong pake!” pagyayabang ni Andoy habang nakatingin sa kaniyang sarili at tila ba’y nahahalina sa kaniyang sariling itsura.
Huling sinuot ng binata ay ang kaniyang tsinelas na makapal at branded. Ngunit biglang napaisip ang binate kung dapat pa ba niyang dalhin ang kaniyang cellphone.
“Gaganti nga pala kami baka mawala lang ito,” aniya sa kaniyang sarili. Tuluyan na ngang dumiretso ang binata upang muli ay gumawa ng kalokohan sa labasan. Iniwan niya ang kaniyang cellphone at sinarado ang kanilang bahay. Kahit na walang laman ang tiyan ay ayos lamang iyon basta’t hindi siya mhuhuli sa usapan ng kaniyang mga barkada.
Sumapit ang gabing iyon ngunit ang kanilang plano ay pumalpak dahil may mga dumating na pulis kung saan pinulot ang mga kabataan na naroon. Busangot ang binatang si Andoy dahil ayaw na ayaw niyang maabala ang kaniyang ina. Kahit na ganoon siya, malaki ang pagmamahal nito para sa ina.
Habang naka-upo sa presinto kasama ng ibang mga kabataan, nasulyapan ni Andoy ang kaniyang tiyahin na umiiyak at kabadong-kabado habang papalapit sa presinto. Ang tanging nakita na lamang niya ay ang nag-uusap na pulis at tiyahin na patuloy pa rin sa pagluha.
“Ano ba ‘yan, ang korni naman nito ni Tiya Tess!” sa isip-isip ng binata. Maya-maya pa ay lumapit sa kaniya ang pulis at tiyahin. Ngumiti siya dahil hudyat na iyon na uuwi na siya, ani nga niya, laya na siya.
Habang naglalakad pauwi, naghihintay si Andoy ng sermon mula sa kaniyang tiyahin. Ngunit patuloy pa rin iyon sa pagluha at pagpunas ng ng mga ito. Wala siyang lakas ng loob upang tanungin ito. Nang marating na nila ang tapat ng kanilang bahay, napansin niyang nakasara pa rin iyon at walang ilaw ang buong bahay. Napatingin siya sa lumuluhang tiyahin na bigla na namang humagulgol. Sa pagkakataong ito, sa unang pagkakataon, nabalutan ng takot ang binata.
“Ang mama mo, Doy…” marahang wika ng kaniyang tiyahin. Hindi pa man natatapos ito, nangilid na ang luha sa mga mata ni Andoy.
“Ang mama mo, Doy, nasa ospital at malubha ang kaniyang lagay. Bigla na lamang pumutok ang ugat sa kaniyang utak. Hanggang ngayon ay wala siyang malay at makina na lamang ang bumubuhay sa kaniya…” pagpapaliwanag ng tiyahin sa lumuluhang si Andoy.
Dumaan ang araw, ilang linggo, at isang buwan, ang dati na tigasing si Andoy, ay naging seryoso sa buhay. Araw-araw, sinasamahan niya ang tiyahin sa pagtitinda sa palengke, naglilinis ng bahay, nagluluto, naglalaba at binibisita ang ina sa ospital. Kasama nito, ay ang kaniyang pagkapit sa Diyos na magkaroon ng himala para sa kaniyang ina.
“Lord, hindi po ako naging mabuting anak kay mama. Hindi ko pa po siya nalilibre ng pagkain o kaya ng sine. Bigyan niyo po ako ng pagkakataon na magbagong buhay kasama ni mama. Pagalingin niyo po si mama at tanggalin niyo na po lahat ng sakit na nararamdaman niya…” gabi-gabing dasal ng binatang si Andoy habang puno ng luha ang mukha.
Kinaumagahan, narinig ni Andoy ang nurse na nag-uusap tungkol sa pagpapatanggal ng mga makinang nakakabit sa kaniyang ina.
“Lalo lang tumatagal yung sakit nung ale. Naku, dapat talagang kausapin na yung guardian nun,’di ba?” pagbubulong-bulungan ng mga ito.
Pilit na sinasara ni Andoy ang kaniyang tainga sa tuwing iyon ay nababanggit. Habang papalapit pa siya sa silid ng ina, narinig niyang nag-uusap ang kaniyang tiyo at tiya na namomroblema sa mga gastusin. Lumalaki na ang mga bills ngunit walang pagbabago sa lagay ng kaniyang ina. Tumakbo papasok ng silid ng kaniyang ina si Andoy.
“Ma, alam mo ba, nakarami ako ng tinda ngayon. Yung mga suki mo? Aba! Doble na ngayon ang bilang nila! Sabi ko na nga ba mas magaling talaga ako sa iyo eh!” pagbibiro ni Andoy habang hinihimas ang paa ng kaniyang ina na nakaratay sa kama.
“Alam kong proud ka, ma. Kahit ‘di mo sabihin, kahit wala ka doon sa palengke saka sa bahay, alam kong natutuwa ka. At sana naipakita ko ito noon pa man… Sorry, ma. Sorry kung pinatagal ko pa yung paghihirap mo… Ma, ikamusta mo ako kay papa ha? Mahal na mahal ko kayo. Paalam, ma, pahinga ka na po…” huling sambit nang mahina ni Andoy sa kaniyang ina.
Pumayag na siyang tanggalin ang mga makina na bumubuhay sa kaniyang ina. Sa dulo, alam ni Andoy na ang himalang nangyari sa kaniyang buhay ay hindi ang pagbabalik ng kaniyang ina, kundi ang pagbabagong buhay na matagal nang ninanais nito para sa kaniya.