Inday TrendingInday Trending
Ang Simpleng Regalo ni Romar

Ang Simpleng Regalo ni Romar

“Romar, huling batch na lamang ito ng mga hugasing plato at pwede ka nang pumasok sa paaralan. Ala-una na rin at baka ma-late ka pa,” nakangiting wika ni Aleng Cynthia ang may-ari ng karinderyang pinaghuhugasan ni Romar.

“Maraming salamat po, Aleng Cynthia,” masayang tugon ni Romar.

Agad namang binilisan ni Romar ang pagtapos sa mga hugasan. Kailangan niyang magmadali upang makahabol sa first subject ng kaniyang klase. Mahirap nang ma-late at baka sabunin na naman siya ng kaniyang maestra.

Nang matapos ay agad inabot ni Aleng Cynthia ang kaniyang sahod sa araw na iyon. Dalawang daang piso ang inabot ni Aleng Cynthia na labis niyang kinagalak.

“Pina-sobrahan ko ng singkwenta Romar, para makakain ka ng gusto mong pagkain sa school niyo.”

“Maraming salamat po talaga, Aleng Cynthia,” wika ni Romar at agad na ring nagpaalam rito.

“Mag-aral kang mabuti Romar ah,” bilin ni Cynthia.

Hindi mayaman ang pamilyang kinalakihan ni Romar. Isang kahig, isang tuka lamang sila at kung walang kakahirin ay wala rin silang tutukain. Kaya nagpasya siyang mamasukan bilang taga-hugas ng pinggan kay Aleng Cynthia, upang kahit ipagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral at may maibibigay rin siya sa kaniyang pamilya.

Ngunit bukod sa pagiging taga-hugas ay namumulot din ng bote, karton na hindi na nagagamit at kung ano-anong plastik si Romar upang ibenta sa junkshop. Maliit lamang minsan ang kaniyang napagbebentahan ngunit masaya pa rin siya. Dahil ibig sabihin lamang ni’yon ay may kakainin na silang magpapamilya.

“Romar, gusto ko lang sabihin sa’yo na kailangan mong maghanda ng sarili mong speech sa darating na graduation dahil ikaw ang suma cum laude,” masayang kausap sa kaniya ng kaniyang professor na si Bianca.

“Talaga po ma’am?” Hindi makapaniwalang wika ni Romar. Sobrang saya ang kaniyang nararamdaman. Sa wakas ang lahat ng kaniyang paghihirap ay masusuklian na ng tagumpay.

Pagkauwi sa bahay ay agad niyang ipinaalam sa kaniyang ina ang parangal na kaniyang tatanggapin.

“Talaga ba Romar? Proud na proud ako sa’yo anak,” masayang wika ng kaniyang ina. “T’yak akong gano’n din ang nararamdaman ng iyong ama na ngayon ay nasa langit na.”

“Maraming salamat po ‘nay,” nakangiting wika ni Romar. “‘Nay nais ko sanang ikaw ang magsabit sa’kin ng aking medalya.”

Bigla namang gumihit ang lungkot sa mukha ni Aleng Rona dahil sa sinabi ng anak. “Ngunit nakakahiya naman anak.”

“Bakit naman kayo mahihiya, ‘nay?” takang tanong ni Romar.

Niyuko ng ina ang sarili. “Tingnan mo naman ang iyong ina. Makakapal ang kalyo sa kamay at paa. Halos lahat ng ng kuko ko ay pa*tay na. At saka wala pa akong maayos na damit na maisusuot. Si Tiya Sonya mo na lang ang aakyat para sa’yo, anak. Ayokong mapahiya ka ng dahil sa’kin,” malungkot na wika ni Aleng Rona.

“Ayoko po, inay,” agad namang tanggi ni Romar. “Lahat ng kapintasan na meron ka ay dahil sa’yong pagiging mabuting ina sa’min ng mga kapatid ko. Kaya nangungulubot ang iyong balat at halatang sunog na ito sa araw ay nais ko pa rin kayong ipagmalaki.

Kahit puro pa*tay na ang kuko mo sa daliri at sa paa ay hindi mo dapat ikahiya iyon, inay. Dahil hindi ako ganito ngayon kung wala akong nanay na katulad mo.

Kahit hindi magarbo ang iyong suot sa aking graduation nay ay wala akong pakialam. Hindi mahalaga sa’kin ang anyo mo sa araw na iyon. Ang mahalaga sa’kin ay ang presensya mo,” mahabang wika ni Romar dahilan upang tumangis si Aleng Rona sa sobrang galak na mayroon siyang anak na kagaya ni Romar.

Sa araw ng graduation ay na-sorpresa si Aleng Rona sa ibinigay na damit at sandalyas ni Romar.

“Anak, saan mo nakuha ang ipinambili mo rito?” Hindi makapaniwalang wika ni Aleng Rona.

“Pinag-ipunan ko po iyan, ‘nay. Dinodoble ko ang paghahanap ng kalakal upang malaki ang kikitain ko at gano’n din ang ginawa ko sa paghuhugas ng pinggan kay Aleng Cynthia. Bukod sa umaga ay naghuhugas din ako pagkauwi ko galing eskwelahan upang doble ang sahod na matatanggap ko.

Dahil nais ko kayong bilhan ng magandang damit at sandalyas sa pinaka-importanteng araw nang aking buhay. Ngayon po ay wala nang dahilan upang ikahiya ninyo ang sarili niyo ‘nay.” Nagniningning ang mga mata ni Romar habang nakatitig sa ina.

“Napakaganda ng mga ito anak,” mangiyak-iyak na wika ni Rona. “Maraming-maraming salamat.”

“Handa na ba kayong isabit sa’kin ang mga parangal na aking natanggap nay?” nakangiting tanong ni Romar.

“Oo naman anak,” agad namang sang-ayon ni Rona.

Simpleng pamumuhay ay kay ganda lalo na’t nagkakasundo ang buong pamilya. Hindi mo kailangang maging mayaman at maganda upang maipagmalaki ka ng iyong anak. Sapat na ang dahilang naging mabuting ina ka sa kanila.

Advertisement