Inday TrendingInday Trending
Binago Mo Ako

Binago Mo Ako

Wala pang kamuwang-muwang sa kamunduhan si Leslie nang siya ay makilala ni Jonathan. Birhen na birhen pa ang dalaga na pinapangarap ng mga kalalakihan na maiharap sa altar. Bukod doon ay napakaganda ni Leslie, matalino at napakabait nito, na siyang nagustuhan ng binata. Noong una ay hindi makapaniwala si Jonathan na may mga kagaya pa pala ni Leslie sa mundo. Kaya napakasaya niya dahil ito ang kaniyang nobya. Sa lahat ng mga manliligaw ng dalaga ay siya ang pinakamasuwerte dahil siya ang sinagot nito.

“Wala na akong mahihiling pa, mahal ko. Ikaw na ang ibinigay sa akin ng Diyos na makakasama ko habang ako ay nabubuhay,” malambing na sabi ni Jonathan sa nobya.

“Napakasuwerte ko rin sa iyo mahal ko dahil nakilala kita. Ako na rin yata ang pinakamasayang babae ngayong kapiling ko ang isang tulad mo,” sagot ni Leslie.

Kahit minsan ay hindi pa nagkaroon ng nobyo ang dalaga. Sa dami ng kaniyang mga manliligaw, ni isa ay wala siyang natipuhan o sinagot. Sa isip noon ng binata ay parang napakahirap nitong mapa-ibig. Parang napakahirap sungkitin ang puso ni Leslie kaya akala niya noon ay wala na siyang pag-asa. Ang gaya ng dalaga ay hindi na dapat pinapakawalan pa.

“Hindi ko pa rin lubos na maisip na sa dami ng lalaki na nanligaw sa iyo ay ako ang pipiliin mo. Ako na dating babaero at pasaway na lalaki, na hindi marunong sumeryoso sa mga babae?” tanong niya sa nobya.

“Dahil napatunayan mo sa akin na kaya mong magbago. Iyon lang ay sapat na para ikaw ang piliin ko,” wika ni Leslie.

Biglang bumalik sa isip ni Jonathan ang mga nangyari bago niya nakilala ang nobya.

Isang basagulero, babaero at walang ginawa kundi mag-bisyo noon si Jonathan. Mahilig makipag-basag ulo kung saan-saan lalo na kapag nalalasing. Marami rin siyang pina-iyak na mga babae. Pinagsawaan lang niya ang katawan ng mga ito at saka iniwan. Para sa kanya ay laro lang ang pag-ibig at ang mga babae ay kanyang mga magagandang laruan.

Natuto rin siyang gumamit ng mga ipinagbabawal na gamot. Akala niya ay wala ng patutunguhan pa ang buhay niya dahil sa dami ng pagkakamali niyang ginawa ngunit nang makilala niya si Leslie ay nag-iba ang ikot ng kaniyang mundo. Isang araw ay nagkita sila sa bar na paborito niyang puntahan. Isinama ito ng isa sa kanyang mga kaibigan.

“Hi, miss I’m Jonathan. Ikaw, anong pangalan mo?” malambing niyang tanong.

“A-ako si Leslie,” sagot niya sabay abot ng kamay nito sa kaniyang kamay.

Nakaramdam ng kilig si Jonathan nang madampian ng balat nito ang kanyang kamay.

“Tara, inom tayo!” yaya niya.

“H-hindi ako umiinom, e. Sinamahan ko lang ang kaibigan ko dito,” sagot ng dalaga.

“Teka, ngayon lang may babaeng tumangging makipag-inuman sa akin? Kadalasan iyong iba ay nagkakandarapa pa, pansinin ko lang,” wika ni Jonathan sa isip.

Mula nang nakilala niya si Leslie ay hindi na ito nawala sa isip niya kaya gumawa siya ng paraan para mapalapit dito. Dahil palakaibigan siya ay kinaibigan niya ang iba pang kaibigan ng babae. Marami siyang nalaman tungkol dito.

“Si Leslie? Naku, napakabait niyan. Marunong makisama sa lahat!” wika ng isa nitong kaibigang lalaki.

“Oo tahimik lang iyan. Walang kabisyo-bisyo at walang hilig sa lakwatsa,” sabat naman ng kaibigan nitong babae.

Puro positibo ang narinig niya tungkol kay Leslie kaya bigla siyang nawalan ng gana. Liberated siya, siyempre gusto niya sana ay kagaya niya. Pero sadyang gumagawa ng paraan ang tadhana na paglapitin sila. Nalaman niya na anak pala ito ng matalik na kaibigan ng tatay niya. Nalaman ng mga ito na nagkakilala na sila ng dalaga kaya botong-boto ang mga ito kung sila ang magkakatuluyan.

“Si Leslie ang nababagay sa iyo, anak. Napakagandang babae, napakabait at matalino. Siya ang gusto namin ng nanay mo para sa iyo,” sabi ng kayang tatay.

“P-pero itay… masyado siyang perpekto para sa akin!” sagot niya rito.

Wala na rin siyang nagawa dahil ang mga magulang niya at mga magulang nito ang nagbigay daan para makilala nila ang isa’t isa. Di nagtagal ay nahulog din ang loob ng dalaga sa kanya dahil palagi silang lumalabas at nagkukuwentuhan. Panay rin ang pag-uusap nila sa text at chat. Naramdaman niya na magaan at masaya palang kausap si Leslie. Malambing ito at masarap na kakuwentuhan.

Mula noon ay binago siya ng dalaga. Hindi na siya umiinom at naninigarilyo. Hindi na rin siya nambababae. Itinigil rin niya ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot at nagpa-rehab para tuluyang maiwasan ang b*syo. Palagi na siyang nasa bahay at lumalabas lang kapag kasama ang kanyang pamilya at ang dalaga. Hanggang sa naramdaman niya na unti-unti na siyang nahulog rito. Napamahal na siya kay Leslie at para sa kaniya ay ito na ang babaeng gusto niyang makasama habang buhay kaya kinausap niya ang mga magulang para mamanhikan sa pamilya ng dalaga.

“Huwag po kayong mag-alala, iingatan ko po ang anak ninyo, mamahalin ko po siya at aalagaan,” sabi niya sa mga magulang ni Leslie.

“Alam namin iyon, iho. Binibigay namin sa inyo ang basbas namin,” sagot ng tatay ng dalaga.

Biglang bumalik ang kaniyang isipan sa kasalukuyan. Nakaupo sila at kasalukuyang kumakain sa isang restaurant.

“Napakasuwerte ko talagang lalaki. Kahit alam mo ang nakaraan ko ay tinanggap at minahal mo pa rin ako. Hindi ka katulad ng ibang babae na nakilala ko dati na init ng katawan lang ang hanap sa akin. Ang akala ko ay sila na ang nababagay sa akin, pero napagtanto kong ikaw pala ang karapat-dapat na makasama ko habambuhay.”

“Mahal ko, minahal kita hindi dahil sa guwapo ka… minahal kita dahil ikaw si Jonathan na hindi natakot na magbago at kalimutan ang kaniyang madilim na nakaraan para sa akin. Wala na kaong pakialam sa nakaraan mo, ang mas mahalaga ay ang ngayon na kasama ka,” sabi ni Leslie sa lalaking nakatakda niyang iharap sa altar ng simbahan.

Napagtanto ni Jonathan na hindi man naging perpekto ang buhay niya, nabigyan naman siya ng pagkakataon na magbago kasama ang babaeng tumanggap at nagmahal sa kainya ng buo at walang pag-aalinlangan.

Advertisement