Inday TrendingInday Trending
Kaibigan Ang Aking Sandigan

Kaibigan Ang Aking Sandigan

Mainit ang tanghaling iyon, ngunit matiyagang binabagtas ni Gregor ang kahabaan ng kalsada.

Bitbit niya ang isang bugkos ng sobreng nakatali gamit ang lastiko at may pagmamakaawang iniiaabot iyon sa mga taong nagdaraan sa paligid.

“Humihingi lang po ako ng tulong. Kahit magkano lang po. Nasa ospital po ang asawaʼt anak ko,” nangingilid ang luhang pakiusap niya sa mga tao, habang nag-aabot siya ng sobre.

Hindi na iniinda pa ni Gregor ang mapanuya at nagdududang tingin ng iba sa mga ito. Wala siyang pakialam kung iniisip nilang manloloko siya, dahil alam naman niya sa kaniyang sariling hindi iyon totoo.

Isang production operator si Gregor sa isang food company, na ngayon ay nagsara na. Kung kailan pa biglaang nanganak ang kaniyang asawa, hindi pa man nito kabuwanan ay saka pa siya nawalan ng trabaho!

Kakaunti lang ang ipon ni Gregor, dahil maliit lang naman ang kaniyang sweldo. Isa pa ay hindi nila akalaing ipanganganak nang kulang sa buwan ang kanilang panganay. Sinubukan na niyang lumapit sa ibaʼt ibang sangay ng gobiyerno, ngunit hindi na niya kayang maghintay pa sa napakatagal na proseso ng pagbibigay ng tulong ng mga ito. Kailangan na kasi niyang mabili ang mga gamot na kakailanganin ng kaniyang mag-ina bago pa magkaroon ng malalang komplikasyon ang mga ito.

Ang panlilimos na lang ang tanging paraang naisip ni Gregor. Bilang ama at isang butihing asawa, kahit ano ay kaya niyang gawin para sa kanila.

“Pakiusap po, kahit kaunting halaga lang po, malaking tulong na sa amin!”

Patuloy ang pagbibigay ni Gregor ng sobre sa mga nagdaraang sibilyan. Ang ibaʼy umiiwas, ang ibaʼy nilalampasan na lamang siyaʼt hindi pinapansin, ngunit mayroon din namang mga nag-aabot, kahit paunti-unti, pero iilan lamang iyon. Halos mapasabunot na sa sariling buhok si Gregor, habang binibilang ang kakarampot na mga baryang naipon niya simula pa kaninang umaga. Ni hindi man lang nʼon kayang makabili ng sariwa at magandang klase ng prutas para sa kaniyang misis! Gusto na niyang sumuko nang mga sandaling iyon, ngunit…

“Gregor?” isang tila pamilyar na tinig ang kaniyang narinig na nagsalita. “Gregor, pare, ikaw nga!”

Kunot-noong nilingon ni Gregor ang lalaking nagsalita. Medyo nasilaw pa siya sa sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mga mata, ngunit maya-maya lang ay luminaw na ang imahe nito sa kaniyang paningin.

“E-Eliezer, pare, ikaw ba ʼyan?” tanong niya nang sa wakas ay makilala niya na ito! Dati niya itong katrabaho noong siyaʼy disisais anyos pa at naging matalik niya itong kaibigan! Natatandaan niyang siya ang takbuhan nito noon kapag kulang ang sinahod nito at kailangan nito ng idadagdag para sa pang-tuition dahil nag-aaral pa ito noon ng kolehiyo.

Masayang tumango si Eliezer at natutuwa siyang nilapitan. Sabik na nagyapos ang magkaibigan, ngunit maya-maya paʼy tila nahiya si Gregor sa kaniyang pawisang katawan, dahil napansin niyang napakagara na ni Eliezer ngayon. Nakasuot ito ng mamahaling t-shirt na may tatak pa ng isang kilalang brand ng damit. Pati ang suot nitong pantalon, relos at sapatos ay halata ring mamahalin. Maging ang pabango nitong nanunuot sa kaniyang ilong ay ganoon din.

“Asensado ka na, pare!” bati ni Gregor sa kaibigan. Totoong napakasaya niya para dito.

“Oo, pare. Kapitan na ako ng barko ngayon, ʼtulad ng pangarap ko noon,” sagot naman ni Eliezer.

“Wow! Hanga ako sa ʼyo, pare! Congratulations!”

Kaunting sandali pang nakipagkuwentuhan si Gregor sa kaibigan, ngunit naalala niyang may kailangan pa pala siyang gawin.

“Pare, sa susunod na lang tayo ulit magkuwentuhan, kung magkakadaupang palad pa ulit tayo. May kailangan pa kasi akong gawin, e,” nalulungkot maʼy paalam ni Gregor kay Eliezer.

“E, para saan ba ʼyang mga sobreng nakita kong ipinamimigay mo kanina? Parang pagod na pagod ka na, Pareng Gregor,” tanong pa ni Eliezer nang may pag-aalala sa tinig.

Napayuko naman si Gregor. Tila nakaramdam siya ng hiya sa kaibigan. “E, pare, nasa ospital kasi ang mag-ina ko…” sagot niya.

“Bakit, anoʼng nangyari?”

Agad namang ikinuwento ni Gregor kay Elizer ang sitwasyon niya ngayon at pagkatapos nʼon, walang pagdadalawang isip itong nag-alok ng tulong.

“P-pare, nakakahiya sa iyo,” nag-aalangan si Gregor, dahil ayaw niya namang samantalahin ang pagkikita nila ng kaibigan, ngunit naging mapilit ito.

“Pare, sa lahat ng kabutihang ipinakita mo sa akin noong walang-wala pa ako, ano ba namang ako naman ang bumawi sa ʼyo, ngayong ako naman ang mayroon?”

Dahil sa mga salitang iyon ni Eliezer ay nakumbinsi na rin si Gregor. Tinulungan siya nito mula sa gastusin niya sa ospital, hanggang sa paghahanap niya ng trabaho. Isa paʼy nagprisinta pa itong maging ninong ng kaniyang anak na kalaunan ay niregaluhan nito ng isang full scholarship, mula elementarya hanggang kolehiyo.

Ilang taon pa ang lumipas at sabay ding nadagdagan ang edad ng magkaibigang Gregor at Eliezer, ngunit nananatili ang pagiging magkaibigan nila, na handang maging sandalan ng bawat isa, maraming taon mang hindi pagkikita ang lumipas.

Advertisement