
Yakap Ko Sa Agwat Na Isang Metro
“Mahal, alis na ako…”
Lumapit ang asawang pulis ni Mercy na si Rey upang gawaran siya ng halik at yakapin, subalit umilag na naman si Mercy at hindi pinagbigyan ang asawa.
“Bakit na naman? May problema ba? Mabaho ba ako? Naligo naman ako,” nakalabing tanong ni Rey sa asawa.
“Wala lang… ayoko lang! Naiirita ako. Ayokong dumikit ang balat mo sa balat ko!” naiinis na sabi ni Mercy sa asawa. Hindi ito ang unang beses na nangyari ito. Mga isang buwan na yatang ganito ang lagi niyang trato sa asawa. Napatingin sa kaniya si Rey.
“Kailan ang huling dalaw mo?” untag ni Rey sa asawa.
Napamaang si Mercy. Hindi pa niya nagagamit ang huling napkin na stock niya.
“W-wala pa akong dalaw…” wala sa loob na sagot ni Mercy.
Parang mga bituing nagningning ang mga mata ni Rey. Hinawakan niya sa magkabilang balikat ang asawa. Pumiglas naman si Mercy at nagtungo sa kusina.
“Mahal, naalala mo ba noong una mong pagbubuntis? Hindi ba’t ganyan ka rin noon? Naiirita ka sa akin? Hindi kaya magkaka-baby na tayo ulit?”
Napatingin si Mercy sa asawa. Hindi niya maintindihan kung matutuwa ba siya o maiinis sa isiping buntis na naman siya. Mahirap ang buhay. Hindi nga niya alam kung paano pagkakasyahin ang suweldo ni Rey bilang pulis. Bukod sa mga gastusin sa bahay, pambili ng diaper at gatas ng anak nila, nagbabayad din sila ng renta ng bahay at utang dahil sa kaniyang panganganak.
“Naku naman Rey… wala pa ngang tatlong taon ang anak natin, nag-iisip ka pa ng panibago. Maawa ka naman sa sitwasyon natin,” turan ni Mercy sa asawa.
“Grabe ka naman, Mercy. Para mo na ring sinabi na ayaw mo sa anak natin. Huwag kang magsalita nang ganyan. Nakakasama ka naman ng loob. Sige na, alis na ako…” malungkot na turan ni Rey.
Umalis na ito at ni hindi siya nilingon. Napaisip si Mercy. Matapos ang mga gawain sa bahay, ipinasya niyang bumili ng dalawang pregnancy kit upang malaman ang kaniyang kalagayan. Hindi nga siya nagkamali. Buntis siya. Dalawang guhit ang lumitaw sa dalawang pregnancy test.
Agad niya itong ibinalita kay Rey pagdating nito sa trabaho. Tuwang-tuwa naman ang kaniyang mister. Muli siya nitong tinangkang yakapin ngunit lumayo siya. Subalit sa halip na mainis katulad kaninang umaga, ngumiti lamang ito nang ubod-tamis.
“Kaya pala iritable ka eh, kasi masusundan na ang baby natin. Hayaan mo, hindi na kita yayakapin hanggang sa okay ka na ulit,” natatawang sabi ni Rey.
Ganoon si Mercy kapag nagbubuntis. Umaatake ang kaniyang sumpong. Madali siyang mairita at lagi niyang kinaiinisan ang asawa. Hinayaan lamang siya ni Rey. Matatapos din umano ito.
Hanggang isang araw, dumating ang isang krisis sa bansa dahil sa isang mapaminsalang virus. Walang nagawa ang mga tao kundi sumunod sa ipinatupad na community quarantine.
“Mercy, mukhang ‘di muna ako makakauwi rito sa amin. Kailangan naming tumao sa checkpoint. Kailangan din naming rumonda,” nababahalang sabi ni Rey sa asawa.
“Mag-iingat ka, Pa. Tiyakin mong may face mask ka at lagi kang maghuhugas ng kamay,” nababahahala rin si Mercy para sa kaniyang kabiyak.
Nagsimula na nga ang duty ni Rey bilang frontliner. Dahil sa kalagayan ni Mercy, minabuti ni Rey na pansamantalang manirahan sa kanilang kuwartel upang matiyak ang kaligtasan ng misis na buntis. May posibilidad kasing madala ni Rey ang virus dahil sa kanilang trabaho.
Makalipas ang limang buwan, hindi pa rin humuhupa ang krisis. Malaki na ang tiyan ni Mercy. Nahihirapan siya sa kaniyang kalagayan dahil wala sa kaniyang tabi si Rey. Hanggang sa nabalitaan na lamang niya na nagpositibo na rin sa sakit ang asawa. Nagkausap lamang sila sa pamamagitan ng video call. Hindi siya maaaring magtungo sa ospital kung saan ito naka-confine.
“Pa… kumusta ka diyan? Magpagaling ka… please… para sa mga anak natin… para sa akin…” lumuluhang sabi ni Mercy kay Rey habang magkausap sila sa video call. Nakahiga si Rey at mukhang lantang gulay. Pilit itong ngumiti.
“Oo naman. Lalaban ako para sa inyo…. sayang, hindi na tayo nagkayakap. Gusto kitang makayakap noon, ayaw mo naman…”
Kinurot ng kaniyang konsensya si Mercy. Naalala niya ang mga sandaling ayaw niyang yakapin siya ng asawa dahil sa kaniyang mood swings.
Kaya ang ginawa nila, kumuha silang pareho ng unan, at parehong niyakap ang mga ito. Kunwari daw ay magkayakap na rin sila, kahit ilang kilometro ang agwat nila ngayon.
Hanggang sa nagulat na lamang si Mercy nang mabalitaan mula sa ospital na hindi kinaya ng kaniyang asawa ang komplikasyon ng virus. Dinala na raw umano ito sa morge upang ma-cremate kaagad. Hindi kasi maaaring pabayaang nakatiwangwang ang ba*ngkay.
Tanging ang urn jar na lamang kung saan nakalagak ang abo ng asawa ang nayakap ni Mercy. Sising-sisi siya. Sana ay pumayag siyang yumakap noon sa asawa. Hindi niya alam, iyon na pala ang huling yakap niya sa asawa. Yayakapin na lamang niya ang kaniyang mahal mula sa langit. Yayakapin na lamang niya ito mula sa walang hanggang agwat.