“Kailan kaya ako magkakaroon ng bahay na matitirhan, ano?” sambit ni Omar, isang umaga habang nakapila sila ng kaibigan sa kanilang toda.
“Naku, kuya, malapit na! Sa bait mo ba naman niyan, siguradong pagpapalain ka! Maghintay ka lamang!” ‘ika ni Mario saka siya tinapik-tapik sa balikat.
“Sana nga magdilang anghel ka, Mario. Itong bulok na pedicab na lang ang kayamanan ko, sana dahil dito, umunlad rin ako katulad ng ibang tao,” ‘ika niya pa habang pinupunasan ang kaniyang pedicab.
“Basta’t manatili ka lang kung sino ka at manalig, tiyak, hindi ka mabibigo sa buhay. Maaaring nahihirapan ka ngayon sa patong-patong mong problema, pero tandaan mo, kuya, may awa ang Diyos, malapit mo nang makamit ang binubulong mo sa Kaniyang tagumpay,” sambit pa ng kaniyang kaibigan na talaga nga namang nagbigay buhay sa kaniya.
“Salamat, Mario, bahagya mong napagaan ang pakiramdam ko. O, paano? May pasahero na ako, d’yan ka na muna! Babalik rin ako!” ika niya nang may makitang matandang babaeng tumatawag ng pedicab. Tumango at kumaway naman sa kaniya ang kaniyang kaibigan.
Mag-isa na lamang sa buhay ang binatang si Omar. Dahil nga sa solong anak lamang siya, nang mawala ang kaniyang mga magulang sa kaniyang murang edad, doon na siya natutong tumayo sa sarili niyang mga paa.
May kaya naman talaga ang kanilang pamilya noong nabubuhay pa ang kaniyang mga magulang. Sa katunayan nga, nagpaparenta sila ng mga pedicab, tricycle at mga jeep na naging dahilan upang unti-unti silang umangat sa buhay. Ngunit noong mawala ang kaniyang mga magulang dahil sa isang banggaan, agad na umeksena ang kaniyang mga tiyahin at tanging isang bulok na pedicab lamang ang itinira sa kaniya. Dahil nga bata pa siya noon, wala siyang magawa kundi tingnan kung paano mag-agawan ang mga ito sa kayamanan ng kaniyang mga magulang at iyon doon nag-umpisa ang paninirahan niya sa isang pedicab.
Ngunit kahit pa bunga ng mapait na nakaraan ang binatang si Omar. Lubos na kahanga-hanga ang kaniyang kaibatan. Madalas ang pagkaing isusubo niya na lamang, ibibigay niya pa sa batang pulubing nakatingin sa kaniya o kung minsan, ang natitira niyang tubig ay ibibigay niya pa sa matandang nanlilimos sa kaniya.
Noong araw ring ‘yon, tila sinuwerte ang binata. Lubos kasing natuwa sa kaniya ang matandang sumakay sa kaniya dahilan upang bigyan siya nito ng mga makakain at isang daang pisong bayad sa kaniyang pagpadyak na nasundan pa ng sunod-sunod na pagkuha niya ng pasahero. Halos kumita rin siya ng mahigit kumulang dalawang daang piso noong pagkakataong ‘yon.
Todo ngiti niyang muling pinadyak ang pedicab matapos niyang maihatid ang kaniyang huling pasahero. Binalak na niyang muling bumalik sa kanilang toda upang makapagpahinga kahit pa sagiit. Ngunit nakakailang pedal pa lamang siya, may isang ginang na pumara sa kaniya sa isang kanto. May buhat-buhat itong isang batang tila walang malay.
“Toy! Toy! Isakay mo kami!” sigaw nito habang umiiyak. Agad niya itong sinakay at dinala sa ospital katulad nang sabi ng ginang. Umiiyak pa rin ito dahilan upang bilisan niya ang pagpadyak.
Pagdating nila sa ospital, agad niyang tinulungan ang ginang sa pagbuhat sa bata. Ngunit ayaw itong intindihin ng mga nars dahil walang maibigay na pera ang ginang. Nakalimutan daw nito ang kaniyang wallet sa bahay. Iyak na ito nang iyak dahil putlang-putla na ang batang nasa kaniyang mga bisig.
“Saglit lang po, hintayin niyo ako,” sambit niya dito. Tumango lang ito’t nagpunas ng luha.
Agad siyang nagpunta sa pinakamalapit na rentahan ng mga pedicab ngunit sambit ng may-ari nito, “Naku, sa junkshop mo na ‘yan ibenta! Bulok na ‘yan at wala nang rerenta d’yan!” dahilan upang humangos siya sa pinakamalapit na junkshop at doon niya nga ito nabenta ngunit kulang pa rin ang kaniyang pera.
Wala na siyang ibang maisip na paraan kaya naman pati ang kinita niyang pera, isinama na niya sa ibibigay niya sa ginang.
Pagdating niya sa ospital, agad niyang iniabot sa ginang ang pera na inabot naman nito sa mga nars at doon na tuluyang naasikaso ang bata. Ganoon na lamang tila nabunutan ng tinik ang ginang. Ngumiti ito sa kaniya’t bumulong ng pasasalamat.
Bandang hapon, nabalita nang nasa maayos nang kalagayan ang naturang bata dahilan upang magpasiya siyang umalis na. Ngunit laking gulat niya nang may isang lalaking dumating at hinarang siya.
“Ikaw ba ang tumulong sa mag-ina ko? Naku, maraming salamat! Halika, sumama ka muna sa akin sa kwarto ng anak ko,” yaya nito sa kaniya saka siya pilit na hinila patungo sa inupahang kwarto ng mag-ina.
Doon na niya nalamang ang tinulungan niya palang mag-ina ay ang pamilya ng may-ari ng isang sikat na kumpanya ng mga sasakyan. Bigla na lang palang inatake ng sakit ang anak nila habang namamalengke ang ginang at sakto namang naiwan pa nito ang kaniyang wallet at cellphone dahilan upang ganoon na lamang ito humingi ng tulong sa kaniya. Labis ang tuwa ng asawa ng ginang sa kaniya sa ipinamalas niyang kabaitan.
“Alam mo, nakakahanga ang kabaitang naninirahan sa puso mo,” nakangiting ika nito.
Binigyan siya ng gantimpala ng naturang lalaki. Bukod sa binayaran nito ang binenta niyang pedicab, inaalok siya nitong tumira sa kanila lalo pa noong nalaman nitong sa pedicab lamang siya nakatira at nais rin nitong pag-aralin siya.
Hindi na nagdalawang-isip ang binata at agad niyang tinanggap ang alok ng lalaki. Doon nga siya nanirahan sa bahay nito at nag-aral ng mabuti. Ibinigay niya naman ang kaniyang bagong pedicab sa kaibigan niyang si Mario upang hindi na ito rumenta pa na labis naman nitong ikinatuwa.
Hindi nagtagal, nakapagtapos na rin ng pag-aaral ang iba at isa na ngayong ganap na kanang kamay ng asawa ng kaniyang tinulungan.
Ganoon na lamang ang kaniyang pasasalamat dito at lalong-lalo na sa Diyos. Upang makabawi sa lahat ng kabutihang natanggap niya, napagdesisyunan niyang pag-aralin rin ang kaniyang kaibigang si Mario.
Nawa’y kahit pa labis na ang kahirapang ating nararanasan, huwag nating kalimutan ang pagtulong dahil sigurado, lahat ng iyong isasakripisyo, may kapalit na nag-uumapaw na gantimpala.