Inday TrendingInday Trending
Para Saan ang mga Kamay Mo?

Para Saan ang mga Kamay Mo?

Sa may simbahan ng Quiapo, sa Maynila, nakaupo si Junie at nagmamasid-masid. Malikot ang mga mata at isa-isang sinusuri ang mga taong dumaraan sa kaniyang harapan.

Kailangan maging matalas ang kaniyang paningin at pakiramdam upang maka-jackpot ng mayamang mabibiktima. Ito ang unang pagkakataong kakapit siya sa patalim. Manganganak ang kaniyang asawa at wala siyang pera na ipangtutustos para rito. Kaya’t mabigat man sa kalooban, kailangan niyang gawin ang mabigat na bagay na ito upang mayroong ipang-gastos.

Sa ‘di kalayuan at natanaw niya ang matandang lalaki na postura pa lamang ay batid mo nang may kaya. Maganda ang damit niyo, mukhang mamahalin ang relo at may ‘di kalakihang leather bag na dala.

“Tama… eto na ang unang biktima ko,” bulong ng lalaki sa sarili.

Nagmatiyag lang siya sa matanda at sinubaybayan ang kilos nito. Humahanap ng tamang tiyempo upang maisagawa ang madilim na plano. Maraming tao roon kaya’t mukhang magiging madali ang unang pandurukot na gagawin niya.

Nakatitig lamang siya sa matanda at malalim na nag-iisip. Napapitlag siya nang mapansing nakatingin sa direksyon niya ang matanda. Napalunok siya bigla at ‘di malaman ang gagawin.

Araw ng Biyernes kaya ganoon na lamang karami ang deboto. Nang matapos ang misa, hindi magkamayaw ang mga tao sa sobrang dami. Ito na ang pagkakataon ni Junie.

Nakihalubilo na siya sa dagsaang mga tao at lumapit sa kinaroroonan ng matanda, ngunit laking gulat niya nang makitang wala na ito roon, pero naiwanan ang leather bag nitong nakapatong sa upuan.

“Diyos ko po, patawarin po Ninyo ako…” bulong ni Junie.

Dahan-dahan siyang lumapit sa upuan at pasimpleng kinuha ang bag. Parang tatalsik ang puso niya palabas sa kaniyang dibdib, dahil sa labis na kabang nadarama.

Binuksan niya ang bag ang nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Isang tumpok ng makapal na pera ang naroroon.

“Tapos na ang aking problema!” pagngisi pa niya, ngunit kahit na ganoon, tila ba binabagabag siya ng kaniyang konsensya.

Tiningnan pa niya ang ilang laman ng bag. Nakita niya roon ang lumang litrato ng isang masayang pamilya. Nakangiti ang mag-asawa habang karga-karga ang isang sanggol. Naisip tuloy niya ang sanggol nila na malapit nang masilayan ang mundo.

Napaupo siya at napatingin sa altar. Hindi ito ang tamang pagkakataon upang makaramdam siya ng pagkakonsensya. Para ito sa kaniyang asawa at isisilang na anak, pero bakit may kung anong pumipigil sa kaniya.

Napailing lamang si Junie at tumayo. Kinuha niya ang bag at sumama sa kumpulan ng mga tao. Nagmamadali siyang umalis at lumingat-lingat sa paligid. Nang makalabas na ng simbahan, muli niyang tiningnan ang bag na dala at saka huminga ng malalim.

Paikut-ikot siya sa may lugar na iyon. Hanggang sa tumama ang mata niya sa pamilyar na hitsura nang isang lalaki. Lumakad siya papalapit dito at saka tinapik ang braso.

“Ah, sir, pasensiya na po… may nais lamang po akong itanong sa inyo,” magalang na sabi ni Junie.

“Ano iyon?” tanong naman ng matanda.

“Sa inyo po itong bag na ito, hindi po ba?” tanong muli ni Junie.

“Siya nga… buti at nakita mo ito,” nakangiting sabi ng matandang lalaki.

“S-sige ho. ‘Wag po kayong mag-alala, wala pong nabawas diyan kahit piso man lang po,” saad ng lalaki.

“Salamat, pero matanong ko lamang kung paano mo nalaman na sa akin ito? Gayong isang lumang litrato lamang naman ang palatandaan lamang naman ang mayroon dito?” tanong ng matanda na sa tono ng pananalita ay may nais malaman.

“Ah, ano po kasi…”

Hindi pa man tapos magsalita si Junie ay nagsalita bigla ang matanda, “halika muna roon, kumain tayo saglit. Gutom na ako dahil sa misa, maaari mo ba akong samahan? Bilang gantimpala na rin sa pagbalik mo nitong bag ko?”

Nagda-dalawang-isip man at kinakabahan, pumayag naman si Junie. Um-order sila ng pagkain at pinagsaluhan ang mga ito habang nagkukwentuhan.

“Bakit mo naisipan ibalik ito sa akin?” seryosong tanong ng matanda.

“A-ano pong ibig niyong sabihin?” pabalik na tanong naman ni Junie.

“Nakita ko ang mga tingin mo kanina. Nabasa ko kaagad ang iyong pakay, nasa loob pa lamang ako ng simbahan. Sinadya kong iwanan ito at minasdan kita mula sa hindi kalayuan, bakit naisip mong hanapin ako at ibalik ito?” dagdag pa ng matanda.

Napalunok lamang si Junie at saka tumingin sa matanda, “Dahil sa litrato po sa loob ng inyong bag. Nagawa ko lamang ang bagay na ito, dahil sa matinding pangangailangan, pero hindi po ako masamang tao. Hindi ko kayang kumuha ng bagay na hindi sa akin.

Hindi ko matitiis na buhayin ang anak kong isisilang pa lamang galing sa maruming gawain. Hindi ko po pala kaya,” paliwanag pa ng lalaki.

Napangiti lamang ang matanda sa narinig. “Alam kong hindi ka masamang tao, dahil kaharap kita ngayon at dala ko ang bag na naglalaman ng malaking halaga. Pero hijo, sana ay pakinggan mo itong kwento ko,” saad ng matanda.

“Isa akong doktor,” pagsisimula ng matanda. “Ilang taon akong nag serbisyo para sa mga tao at para sa bayan. Hindi na mabibilang na pasyente ang nakaharap ko. Ilang parte ng katawan na rin ang nabuksan at tinahi ko.

Pero isa lang naman ang naisin ko, ang makatulong sa kapwa at nagagawa ko iyon dahil sa puso at mga kamay na ito…” hinawakan ng matanda ang kamay ni Junie st ngumiti.

“Hijo, bata ka pa. Marami pang magaganap sa buhay mo. Marami ka pang pwedeng baguhin. Ang mga kamay mong ito, gawin mo itong instrumento upang makatulong sa kapwa at hindi ang makagawa ng masama sa kanila. Gawin mong kapaki-pakinabang ang mga ito habang may lakas pa ang mga braso mo.

Para kapag dumating ang araw na nangulubot na ang mga balat mo at nawala na ang lakas mo, alam mong na naging maganda ang buhay mo, dahil pinili mo ang gawin ang mabuti sa pamamagitan ng mga kamay na ito. Gamitin mo ito upang humipo ng buhay ng iba. At sa ipinakita mong pagiging tapat ngayon, alam kong sinimulan mo na ito,” tagos sa pusong sabi ng matanda.

Napaluha naman si Junie sa narinig. Tunay nga ang sinabi ng matanda sa kaniya. Parang bang tumagos sa puso hanggang sa kaluluwa ang pahayag nito sa kaniya. Hudyat na pala ito ng malaking pagbabago sa buhay niya.

Sinagot ng matanda ang panganganak ng asawa ni Junie, maging ang ibang mga gastusin para sa gamot at mga pangangailangan ng sanggol. Ang mga buwanang konsultasyon ng mag-ina ay binigyang suporta din ng matanda.

Hindi pa doon nagtatapos ang lahat, binigyang trabaho ng matandang doktor si Junie bilang gwardiya sa ospital. Pagkatapos ng matinding training ay sumabak na rin sa trabaho si Junie.

Dahil sa pagiging tapat at pagtalikod niya sa maling gawain, bumukas ang pintuan ng langit at buhos ang pagpapala kay Junie. Ang maliit na katapatang ipinamalas niya ay nagbunga ng napakalaking biyaya. Ngayon ay marangal nang nagtra-trabaho si Junie at kumikita na ng malinis na pera.

Advertisement