
Huwag Kang Bastos!
“Clara, bayaran na nga pala ng bahay sa linggo. Mag-iwan ka ng pera ha, saka isabay mo na rin ‘yung pang grocery natin,” wika ni Vivian ang panganay na kapatid ni Clara.
“Ate, pwede bang hatian niyo muna ako sa kuryente? Malaki kasi ang kaltas ngayon sa sahod ko,” sagot naman ni Clara rito.
“Ay naku, wala akong panghati. Alam mo naman na wala akong trabaho at ang sweldo naman ng asawa ko ay napupunta lang sa panggatas at diaper. ‘Wag ka nang dumagdag pa! Isa pa, ang laki ng sahod mo, matuto kang magbudget!” baling naman ng kaniyang kapatid.
“Nga pala bunso, baka pwede mo naman ako bigyan ng pera pa. Mag apply sana ako ulit,” singit naman ni Fatima, ang pangalawang kapatid naman ni Clara.
“Sige po,” parehas niyang sagot dito at binigyan niya ng pera ang kaniyang kapatid na si Fatima saka siya palihim na bumuntong hininga at umalis papasok sa trabaho.
Nagtratrabaho bilang receptionist si Clara sa isang sikat na hotel dito sa Maynila at kahit may sari-sarili ng pamilya ang kaniyang mga kapatid ay sama-sama pa rin silang naninirahan sa isang bubong. Kahit na mahirap para sa dalaga na magbigay ng malaki para sa kaniyang pamilya ay wala siyang magawa dahil siya lang naman ang may maayos na trabaho. Halos siya na ang sumasagot sa lahat ng gastusin nilang mag-anak at maging ang gamot ng may sakit niyang nanay.
“O, mukhang masama na naman ang araw mo, Clara. Sabi ko naman kasi sa’yo, mag-dorm ka na lang. Hindi ka naman na bata, 25 anyos ka na. Pwede ka na bumukod para naman hindi ka nakukuba kakahanap-buhay,” bati sa kaniya ni Irma, katrabaho ng dalaga.
“Paano si mama? Siya lang naman ang iniisip ko kung bakit hindi ako makahiwalay sa mga kapatid ko. Nakakapagod pero para saan pa’t naging pamilya kami kung hindi ako tutulong,” malungkot na sagot niya rito at patitig na lamang sa kaniyang telepono.
“Hanggang saan ka tutulong, Clara? Hindi ka lang inaa*buso ng mga kapatid mo kung ‘di niloloko ka pa. Pati ‘yung pagkain na isusubo nila ay ikaw na ang nagbibigay, sobra naman na ata iyon,” kontra pang muli ni Irma sa kaniya.
“Mabait naman sila ate sa akin, magbabago rin ang lahat ng ito ‘pag may kita na sila o ‘pag nagkaroon na ako ng sarili kong pamilya,” pagtatapos na wika ni Clara rito saka siya tumayo at nagsimula sa kaniyang trabaho.
Hindi lamang si Irma ang nagsasabing sobra na raw ang tulong ni Clara para sa kaniyang pamilya ngunit ipinagsasawalang kibo na lamang niya ito. Kahit na halos wala nang matira sa sahod niya ay ayos lang sa kaniya at kahit na minsan ay gusto na niyang sagutin ang kaniyang mga kapatid dahil sobra na ito ay hindi niya ginawa rahil alam niyang kabastusan iyon.
Umaga na nang makauwi si Clara sa kanilang bahay at dahil kaarawan ngayon ng kaniyang nanay ay naisipan niyang bilhan ito ng regalo. Ngunit dahil wala nang natira sa kaniyang sweldo ay kinuha niya ang kaniyang sikretong lagayan ng pera sa kanilang kwarto para doon muna bumawas.
“N-nasaan na ang pera ko?!” sigaw ni Clara nang mabigla na makitang ubos na ang kaniyang pinakatatagong ipon.
“Ang aga mo naman yatang magsisigaw diyan, Clara! Tulog pa ‘yung pamangkin mo!” sigaw ni Vivian na nagulat sa sigaw ng kapatid.
“Kailan niyo pa kinuha ang pera ko? Bakit wala nang laman?! Bakit naubos? Sampung libo pa ‘yun mahigit! Bakit niyo ako ginaganito!?” iyak ni Clara. Sabay-sabay na nagising ang kaniyang mga kapatid, nanay, bayaw at pamangkin.
“Bakit parang pinagbibintangan mo yata kami? Baka nakakalimutan mo, mas matanda pa rin kami sa’yo, Clara!” saad naman ni Fatima na pupungas-pungas pa.
“Tsaka tigilan mo nga ‘yang pagsigaw-sigaw mo, nakakabastos ka! Hindi porke ikaw ang kumikita ay pwede ka nang maggaganyan!” baling pang muli ni Vivian sa kaniya.
Saglit na natahimik si Clara at naiyak na lamang siya sa isang tabi habang yakap ang lagayan niya ng pera. Parang sasabog ang puso niya sa sama ng loob ngunit hindi siya makapagsalita, hindi siya makasigaw, hindi niya magawang magalit sa kaniyang mga kapatid dahil siya pa ang magiging masama sa kabila ng lahat.
“Sige, anak, magsalita ka, magalit ka,” mahinang pahayag ni Aling Olly, ang nanay nila.
“Ma! ‘Wag niyong sabihin na tuturuan niyong sumagot ‘yang kapatid ko dahil lang sa siya ang kumikita sa pamilyang ‘to?” baling kaagad ni Vivian sa ale.
“Matagal na akong hindi nagsasalita sa pamilyang ito. Panahon naman na sigurong ipagtanggol ko ang bunso kong anak,” salaysay nito at saka nagpunas ng luha.
“Hindi kailanman naging sapat na dahilan ang pagiging panganay niyo para lokohin ang kapatid niyo. Hindi ko kayo pinalaki ng ganyan! Kaya sige, anak, magalit ka sa mga kapatid mo!” wika ni Aling Olly sa mga ito.
“Hindi naman ako nagdamot sa inyong lahat pero para nakawan pa ako?! Sobrang sakit na! Sana nakikita niyo rin ‘yung hirap ko mabigay lang ang lahat ng pangangailangan niyo. Sana maramdaman ko rin na ate ko kayo, na kayo ang magbibigay sa akin, hindi ‘yung ako pa ang ninanakawan niyo,” naiiyak na sambit ni Clara saka niya niyakap ang kaniyang ina.
Sa unang pagkakataon ay nakahinga ang dalaga at pakiramdam niya’y nagkaroon siya ng kakampi sa kanilang bahay. Hindi niya inaasahang kakampihan siya ng kaniyang ina dahil pinalaki siyang maging matimpiin at huwag na huwag sasagot sa nakakatanda.
“Walang sino man ang mayroong karapatan para manloko ng kapwa, kapatid mo man, asawa mo man o mas nakakabata sa inyo ay wala kayong karapatang lamangan ang isang tao. Tama na siguro ang tulong na binibigay ni Clara sa atin at magsimula naman kayong tumayo sa sarili ninyong mga paa. Sobra na ito para sa kaniya,” saad ni Aling Olly sa mga anak.
Hindi na nagsalita ang dalawa niyang kapatid at tila nahiya rin sila sa narinig. Umamin din ang dalawa na sila ang kumukuha ng pera ni Clara at humingi ng tawad sa dalaga.
Simula noon ay nagbago ang mga ito, nagsimula na itong magtrabaho at tumigil na rin sa paghingi ng pera sa kaniya. Kumuha na rin ng maliit na kwarto si Clara at humiwalay sa kaniyang mga kapatid. Isinama niya ang kaniyang nanay at kumuha na lamang siya ng kasambahay upang may kaagapay ang kaniyang ina kapag wala siya sa bahay.
Ngayon din niya mas naintindihan na hindi masama ang magsalita ng saloobin lalo na kung nasa tama naman. Hindi porke bunso ang isang tao ay magiging masama na ang pagsagot o pagsasalaysay ng inyong opinyon. Nawa’y pakinggan natin ang bawat isa sa ating pamilya.