“Shantal, parang awa mo naman! Kailan mo ba talaga ako sasagutin? Ilang taon na akong nanliligaw sa’yo! Ano pa ba ang gusto mong patunayan ko?” pangungulit ni Freenan sa dalaga.
“Tulad ng sinabi ko sa’yo noon, Freenan, hindi pa ako handang magkaroon ng nobyo at saka gusto ko munang makatapos ng pag-aaral,” tugon ni Shantal.
“Puwede namang mag-aral habang may kasintahan. Ako ang migiging inspirasyon mo, tulad ng ginagawa mo sa akin. Saka hindi naman natin pababayaan ang pag-aaral natin. Magtutulungan tayo,” giit pa ng binata.
“Malapit na ang graduation, Freenan, marami tayong kailangang ipasa na requirements. Lahat tayo ay abala, kaya puwede ba, iyon muna ang pagtuunan mo ng pansin?” naiinis ng wika muli ng dalaga.
Walang hindi ata nakakaalam sa pag-ibig ni Freenan sa dalagang si Shantal. Una pa lamang kasing masilayan ng binata ang dalaga ay nahulog agad ang loob niya rito. Ilang taon din niyang itinago ang kanyang pagkagusto kay Shanta hanggang isang araw ay nagdesisyon na siyang tuluyang ligawan ang dalaga.
Ngunit iba ang mga prayoridad ni Shantal. Ulila na sa mga magulang at tanging ang lola na lamang niya ang mag-isang bumubuhay sa kaniya sa pamamagitan ng pagtitinda sa palengke. Dahil sa talino at pagsisikap ng dalaga ay nagkaroon siya ng iskolarsyip sa isang prestihiyosong unibersidad. Pangarap niya ang makatapos ng pag-aaral nang sa gayon ay maibalik niya sa kanyang lola ang lahat ng paghihirap nito. Nais niya na makalasap ito ng ginahawa sa buhay bago pa man ito kuhain ng Panginoon.
Kaya ganoon na lamang ang pagkatutok ni Shantal sa kaniyang pag-aaral. Lahat ay gagawin niya upang matupad ang kaniyang mga ninanais sa buhay. Lalo na para sa kaniyang pinakamamahal na lola.
Matanda na rin si Aling Merly. Ngunit kahit halos baluktot na ang katawan sa maghapong pagtitinda sa palengke ng mga gulay ay hindi niya ito iniinda. Nais kasi siyang suportahan ang kaniyang apo upang hindi na nito intindihin ang kanilang pantustos. Iniiwasan niyang magtrabaho pa si Shantal. Ang nais niya ay makapokus ito sa pag-aaral upang maibigay nito ang lahat ng kaniyang galing. Sa ganoong paraan ay may maganda siyang maiiwan sa kaniyang apo.
“Lola, tulungan ko na po kayong magsalansan ng gulay,” sambit ni Shantal.
“Huwag na apo, kaya ko na ito. Alam kong marami ka pang asignatura. Sige na at tapusin mo na. Huwag mo na akong intinidhin dito,” sambit ng matanda.
“Napapansin ko po, lola, parang namumutla kayo. Kumain na po ba kayo?” pag-aalala ni Shantal.
“Ayos lang ako. Ang sabi sa center ay bumaba daw ng kaunti ang aking dugo. Nako, sabi ko naman sa tuwing nakikita ko ang kapitbahay nating walang ginawa kundi ang mangutang sa akin ay tumataas din kaagad ang dugo ko. Kaya huwag mo na akong alalahanin, apo. Ipapahinga ko lang ito saglit at mamaya ay bubuti na rin ang pakiramdam ko,” paliwanag ni Aling Merly.
“Sigurado po ba kayo, lola? Wala po bang iba pang sinabi sa center? Kung gusto n’yo po ay aabsent ako bukas para mapatignan kayo sa hospital. Para malaman natin kung may kailangan kayong inuming gamot,” wika ng dalaga.
“Ay itong batang ito, napakakulit. Huwag mo na nga sabi akong intindihin. Tapusin mo na ‘yang ginagawa mo. Ikaw talagang bata ka!” natatawang sambit ng lola.
Kahit pa ganito ang ipinakikita ng matanda ay hindi naman maialis ni Shantal ang pag-aalala sa kaniyang lola.
Kinabukasan habang nasa paaralan si Shantal ay isang tawag sa kaniyang telepono ang kaniyang natanggap.
“Shantal, ang lola mo bumagsak sa palengke kanina, dinala na namin siya sa ospital! Kailangan ka dito ngayon na,” sambit ng babae sa telepono.
Agad nagtungo si Shantal sa sinabing ospital ng ginang at doon nga ay nakita niya ang kaniyang walang malay na lola na nakaratay.
Ayon sa pagsusuri ng mga doktor sa matanda ay may matindi na itong karamdaman ay kailangan ng agarang gamutan. Nang sabihin ng doktor ang kinakailangang pera para sa gamutan ay nanlambot ang tuhod ni Shantal.
“Dalawang daang libong piso? Saang kamay ng Diyos ako kukuha ng ganyang kalaking pera?” wika niya sa sarili.
“Dok, baka naman po magawan pa ng paraan. Pangako ko po sa inyo, ibibigay ko po ang pera na iyan basta po malunasan na agad ang lola ko. Gagawin ko po ang lahat pangako, babayaran ko ‘yan. Gawin nyo na po lahat ang dapat gawin sa kaniya,” pagmamakaawa ng dalaga.
Agad humingi ng tulong si Shantal sa kaniyang mga kaibigan ngunit hindi pa rin sasapat ang perang ito para sa kaniyang kinakailangan.
Hanggang naisipan niyang ibenta na lamang ang kaniyang katawan.
“Wala na akong ibang alam na pagkukuhaan ng pera, patawarin ako ng lola ko at ng Diyos, pero ayokong mawala ang lola ko,” umiiyak niyang sambit.
Sa isang kilalang bar ay tumambay si Shantal. Kahit hindi niya alam ang kaniyang gagawin ay nagpanggap siyang marunong sa ganitong kalakaran. Upang lumakas ang kanyang loob ay pinilit niyang uminom ng alak kahit na hindi naman siya sanay rito.
Hanggang sa may isang lalaki ang lumapit sa kaniya at inaya siya. Dahil sa lubusang pagkalasing ay halos mawalan na siya ng ulirat.
Kinabukasan ay nakita na lamang niya ang kanyang sarili na walang saplot at nakahiga sa kama ng isang kwartong hindi niya alam kung saan. Takot na takot ang dalaga at hindi niya alam ang kanyang gagawin. Nakita niya ang isang envelope sa mesa.
Pagbuklat niya ay pera ang laman nito. Hindi siya makapaniwala na binayaran siya ng hindi kilalang lalaki ng dalawang daang libong piso. Agad siyang gumayak at nagtungo sa ospital upang dalhin agad ang pera sa kaniyang lola.
Ilang araw ring hindi nakapasok ng eskwela si Shantal upang magbantay sa matanda. At kahit na anong pilit niyang tandaan ang nangyari sa kaniya noong gabi na iyon at kung sino ang lalaking nakauna sa kaniya ay hindi niya matandaan.
Dahil na rin sa pag-aalala ay nagtungo ang ilang kaibigan ni Shantal sa ospital upang bisitahin ang maglola at upang dalhin na rin ang ibang asignatura ng dalaga.
“Huy, balitang-balita sa eskwela na magkasama raw kayo ni Freenan sa isang bar at nakitang pumasok kayo sa isang motel. ‘Yung totoo? Kayo na ba?” sambit ng kaibigan ng dalaga.
“A-anong ibig mong sabihin? Hindi ko maintindihan,” pagtataka ni Shantal.
“Kunwari ka pa. Naku, sinabi ko na nga ba na gusto mo rin si Freenan nagpapakipot ka lang. Kaso ang bilis naman yatang isinuko mo ang bataan sa lalaking ‘yon. Magkwento ka naman!” pangungulit ng kaibigan niya.
Doon napagtanto ni Shantal ang lahat.
“Hindi kaya ang lalaking nasa bar at ang lalaking nagdala sa akin sa motel ay si Freenan?” sambit niya sa kanyang sarili.
Agad niyang tinawag si Freenan upang makausap.
“Freenan, aminim mo nga sa akin, ikaw ba ang lalaking ‘yon? Ikaw ba ang lalaki sa bar at ang lalaking nagdala sa akin sa motel? Ikaw rin ba ang lalaking nakauna sa akin at ikaw rin ba ang nagbayad sa akin ng dalawang daang libong piso?” umiiyak at natatarantang tinig ni Shantal.
“Pupunta ako diyan, Shantal, upang makausap ka,” sambit ni Freenan.
Doon nga ay inamin ng binata na siya ang nagdala kay Shantal sa motel.
“Ngunit walag nangyari sa pagitan nating dalawa. Lasing na lasing ka at suka ka nang suka kaya tinanggalan kita ng damit ngunit wala akong nakita. Binalot kita agad ng kumot at hinayaan kitang matulog. Walang nangyari sa ating dalawa,” pag-amin ng binata.
“Bago ka gumising ay umalis na ako sapagkat alam kong mahihiya ka sa akin. Alam kong nagipit ka lang kaya mo naisip gawin ang mga bagay na iyon. Mabuti na lamang ay nakita kita sa bar ng gabing iyon. Hinanap talaga kita sapagkat gusto kong makatulong sa iyo,” dagdag pa ng binata.
“Hindi ko kayang samantalahin ang kahinaan mo, Shantal. Ganoon kita kamahal,” pagtatapos ni Freenan.
Lubusang naantig ang damdamin ng dalaga sa kaniyang narinig. Ang hindi alam ni Freenan ay matagal na ring may pagtingin sa kaniya si Shantal at naghihintay lamang ito ng tamang panahon upang sagutin ang binata.
Sa pagkakataong ito, ipinahayag na rin ng dalaga ang kanyang tunay na nararamdaman ngunit nanghingi pa siya ng panahon sa binata upang pormal na ibigay niya ang kaniyang matamis na oo.
Hindi naglaon ay nasa ayos na ang lahat. Gumaling na ang lola ni Shantal at nakapagtapos na rin sila ng pag-aaral. Abot kamay na ng dalaga ang pagtupad sa kaniyang mga pangarap.
Matagal mang naghintay muli si Freenan sa dalaga ay ginawa niya ito ng buong pagmamahal hanggang sa wakas ay nakamit na rin niya ang matamis na oo ni Shantal. Walang mapagsidlan ang galak ng dalawa.
“Sabay nating tutuparin ang ating mga pangarap. Kasangga mo ako lagi, Shantal. Narito lamang ako lagi para sa iyo,” sambit ni Freenan sa kaniyang pinakamamahal.