Masigabong palakpakan ang natanggap ni Mina galing sa mga pasyente nang hapong iyon. Si Baldo kasi na isang pasyente niya ay tuluyan nang nakarecover mula sa virus at bilang pasasalamat ay binigyan siya nito ng isang bugkos ng bulaklak.
“Naku maraming salamat Baldo, ginagawa ko lang naman ang trabaho ko kaya di na ‘to kailangan,” nahihiyang sabi ni Mina.
“Ma’am maraming salamat po sa pag-aalaga sa’min. Alam kong makakarecover din yung iba pa dahil may mga masisipag na nurse na katulad mo,” sabi nito. Napuno na naman ang kwarto ng palakpakan at ngiti. Napangiti na lang din si Mina sa likod na mask na suot dahil puno ang kaniyang puso ng pag-asa para sa mga pasyente niyang napamahal na sa kaniya.
Pagkatapos ay pumunta na siya sa opisina dahil pinatatawag daw siyang ng kanilang head doctor. Halos mabingi siya sa balitang sinabi nito. Mabilis siyang umalis at pumasok sa banyong pambabae.
“Positive ang resulta. Mayroon kang COVID-19…”
Nanghihina ang tuhod na napaupo na lamang si Mina sa sahig ng banyo ng ospital na pinagtatrabahuhan. Paulit-ulit niyang naririnig ang mga katagang iyon. Positive, may sakit siya. Napayuko na lamang siya at tahimik na napaiyak. Madalas naman talaga siyang may migraine kaya ipinagwalang bahala niya. Iyon pala…
Biglang nagring ang kaniyang cellphone, ang mama niya pala ang tumatawag. Pilit niyang pinakalma ang sarili at sumagot sa mahinahong boses.
“Oh, ma? Napatawag ka ho?” sabi niya sa tila masayang tinig.
“Ay naku Mina heto kasing anak mo, namimiss ka na raw. Oh kausapin mo.” Narinig niyang ang ilang kaluskos sa kabilang linya at saka ang matinis na boses ng kaniyang anim na taong gulang na anak na si Miguel.
“Mommy! Mommy! I miss you na po, kailan ka po uwi? At saka nagdinner ka na po? Ang sarap po ng ulam namin. Uwi ka na po please,” tuloy-tuloy na sabi nito. Lalong parang nabiyak ang puso ni Mina nang marinig ang anak.
“Baby ko, oo uuwi naman agad si mommy d’yan pagkatapos ng work ko. Huwag ka masyadong pasaway kay Lola ha?”
“Ang tagal niyo naman po nalulungkot na kami ni Lola dito,” malungkot na sabi nito.
“Miguel baby, huwag ka na malungkot, dadalhan kita ng pasalubong pag-uwi ko, okay?” Natuwa naman ang bata at hindi na muling nagtanong ng araw ng kaniyang pag-uwi.
“Ayos ka lang ba d’yan, anak? Mag-iingat ka lagi ha? Naku mabuti nang maingat,” sabi naman ng kaniyang inang si Margie.
“Alam ko naman ho ma, ako pa. Magaling na nars kaya itong anak ninyo,” sabi niya upang pagaangin ang usapan. Nagpaalam na siya dahil pinapupunta na silang mga nagpositve sa test sa isang isolation area. Bawal na silang lumabas doon hangga’t ‘di pa magaling.
Masakit na masakit ang kaniyang ulo at lalamunan ngunit buong gabi ay pinilit niyang patuloy na magdasal para sa kaniyang pamilya at mga pasyente niyang may sakit.
Lumipas ang mga araw, nararamdaman ni Mina ang unti-unting paghina ng kaniyang katawan. Bilang nurse, alam niyang kaya niya namang makarecover ngunit ‘di pa rin niya maiwasang mag-alala para sa ina at anak.
Napangiti siya nang makitang tumatawag muli ang kaniyang ina. Halos mabingi siya nang sagutin niya iyon.
“Mina! Mina,” paulit-ulit na dinig niya. Labis siyang nag-alala nang lalong lumakas ang hagulgol ng kaniyang ina sa kabilang linya.
“Ma? B-bakit po? May n-nangyari po ba kay Miguel ano–” Naputol ang kaniyang sasabihin nang sigawan siya ng ina.
“Bakit mo inilihim sakin na may sakit ka?! Diyos ko, anak..” matinding hagulgol muli ng matanda. Napaiyak na lang din si Mina nang maramdaman ang hinagpis ng ina.
“Ma… sorry po…” tanging nasambit niya. Dahil hindi makalabas ay tanging sa cellphone niya lang nakakausap ang ina at anak. Noong una ay lubos na nagalit at nag-alala ang ina. Matagal na kasi siya nitong pinagleleave sa trabaho ngunit ayaw niya ngang iwanan ang responsibilidad niya bilang nurse. Katwiran niya ay sa ganitong pagkakataon mas kailangan ang kaniyang tulong.
“Miguel… ano kasi… Medyo matatagalan pa pala ang uwi ni mommy. Sa tingin mo kaya mong magpakabrave?” tanong ni Mina na pilit pinapatatag ang boses.
“Opo naman mommy! Aalagaan ko po si Lola kay wag po kayo mag-alala. Pagalingin niyo po yung madaming tao dyan, mommy! I love you!”
Napatakip na lang ng bibig si Mina. Matanda na ang kaniyang ina, makakaya kaya nitong maggrocery at mag-alaga ng bata? Paano kung magkasakit ito? Halo-halong pag-aalala ang nasa isip ni Mina.
“Mina, anak… magfocus ka lang sa pagpapagaling mo ha? Huwag mo kaming alalahanin. Oo nga pala, mayroong isang lalaki, pasyente mo daw dati. Nabalitaang nagkasakit ka kaya nagbigay ng tulong, simula ngayon ay siya na lang daw ang maggogrocery para sa amin ng anak mo. Mukhang mapagkakatiwalaan naman siya, anak. Gusto ko lang malaman mo na proud ako sa’yo.” Parang lumobo ang puso ni Mina dahil sa sobrang pasasalamat. Sinagot ng Diyos ang dasal niyang sana ay may tumingin sa kaniyang ina at anak.
Dahil sa mas kaunti ang iniisip ay mabilis na nakarecover si Mina. Natapos na rin ang quarantine anim na buwan ang nakalipas. Nang makalabas siya at makabalik sa pamilya, mahigpit na yakap ang sinalubong niya sa mga ito. Napagtanto niyang wala na talagang mas importante sa buhay kung hindi ang magmahal ng ibang tao. Kapamilya man o hindi. Kung dati ay hindi siya palasabi ng nararamdaman sa ina, natutunan ni Mina na maikli lang ang buhay. Kung dati rin ay mas marami siyang oras sa trabaho kaysa sa anak, ngayon ay mas pinahahalagahan niya ang oras nila ni Miguel.
Inimbita nila sa bahay si Baldo at ang asawa’t anak nito bilang pasasalamat sa mga ito. Simula noon ay sinikap ng mag-iina na sulitin ang bawat sandaling sila ay magkasama. Kahit mga simpleng bagay ay hinaluan nila ng pagmamahal. Marami ngang naituro sa kanilang lahat ang masamang pangyayari, at nangako si Mina sa sarili na hinding-hindi niya kakalimutan ang lahat ng iyon.