Inday TrendingInday Trending
Sa’kin Ka Nangako, Sa Iba Mo Tinupad

Sa’kin Ka Nangako, Sa Iba Mo Tinupad

“Gael, gusto ko kapag nagpakasal na tayo’y may sarili na tayong bahay. Mayro’n na tayong sasakyan at saka gusto ko na kapag naikasal na tayo ay hinding-hindi ka na papasok. Gusto ko nasa bahay ka na lang para alagaan ako at ang mga magiging anak natin,” masayang wika ni Erik habang nangangarap sa kawalan.

Nakahiga sila ng kaniyang nobya ni si Gael sa damong kanilang sinapinan ng tela habang payapang nakatingala sa kalangitan.

“Oo naman Erik, kapag naikasal na tayo ay gusto kong nasa bahay na lang ako upang asikasuhin ka at ang mga magiging anak natin. At saka gusto ko ng maraming anak,” pilyang wika ni Gael.

“Kakayanin mo kaya iyon, Gael?” Biro pa ni Erik.

“Oo naman. Basta pa sa pamilyang bubuuin natin, kakayanin ko Erik.”

Iyon ang laging pinanghahawakan ni Gael na pangako ni Erik. Anim na taon na silang mag-nobyo ni Erik at hanggang ngayon ay hindi pa sila ikinakasal, pero alam ni Gael na darating din ang tamang panahon upang maging wagas na silang mag-asawa ng kasintahan.

“Gael, may nais sana akong aminin sa’yo.” Malungkot na wika ni Erik. Bakas sa mukha ng lalaki ang pagkabagabag. Ano ba ang nagawang mali ng kasintahan niya? May nagawa ba itong masama at kasalanan?

“Ano ba iyon Erik?” Malumanay na tugon ni Gael. “May problema ka ba?”

“G-gael. I’m sorry,” nauutal na wika ni Erik.

“For what?” Nagtatakang tanong ni Gael. Bakit ito humihingi ng patawad sa kaniya? Wala naman siyang matandaang kasalanan ni Erik.

“Jean got pregnant and I am the father.” Pag-amin ng kasintahan.

Isang bomba ang pinasabog ni Erik sa kaniyang harapan. Kung nagkataong totoong bomba nga iyon ay malamang nagkalasog-lasog na ang buong katawan ni Gael. Paanong nangyari ang bagay na iyon? Wala siyang kaalam-alam na sinasaksak na pala siya ni Erik patalikod.

“Isang gabi lang nangyari ang pagkakamaling iyon, Gael. Pero hindi namin inaasahang magbubunga. Patawarin mo ako,” humagulgol na wika ni Erik.

Nasasaktan siya ng sobra at hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. “Anong plano mo sa mag-ina?” Maya-maya ay tanong ni Gael kay Eirk.

“Gusto nilang pakasalan ko si Jean,” agad namang sagot nito.

“P-pero paano ako? P-paano tayo? Ang mga pangarap na binuo natin ng magkasama? Erik naman!” uutal-utal na sabi ni Gael.

“I’m sorry, Gael,” tanging sagot ni Erik sa kaniya.

Sapat na ba ang paghingi ng kapatawaran? Sapat na ba ang mga iyon sa lahat ng sakripisyo niya para kay Erik? Sapat na ba iyon sa lahat ng sakit na nararamdaman niya? Gano’n na lang ba kadali ang lahat matapos ang anim na taon nilang pagmamahalan?

“Maipapangako mo ba sa’kin na magiging masaya ka sa piling ni Jean?” Nahihirapan man ang kalooban ni Gael ay nais niyang malaman kung magiging masaya ba ang nobyo sa iba.

“Susubukan ko Gael,” sagot ni Erik.

“Maging mabuting ama ka sa anak niyo, Erik. Kahit masakit ay palalayain kita,” tumatangis na wika ni Gael.

Makalipas ang isang buwan ay nabalitaan ni Gael na ikakasal na si Erik at Jean sa simbahan kung saan nila pinlano noon ni Erik na magpakasal sa kaniya. Ang lahat ng plano ni Erik noon kasama siya’y malabo nang matupad. Pero alam niyang mangyayari pa rin iyon. Hindi na nga lang siya ang kasama nito kung ‘di si Jean.

Pumunta pa rin si Gael sa kasal ni Erik kahit na hindi naman siya imbitado. Ayaw niyang saktan ang sarili ngunit sa ginagawa niya ngayon ay totoong nasasaktan siyang makita ang kaniyang pinakamamahal na si Erik ay ikinakasal sa iba at hindi sa kaniya.

“Ako dapat ang babaeng nakasuot ng gown na iyan e,” humihikbing wika ni Gael sa sarili. “Ako dapat ang babaeng makakasama ni Erik sa habang panahon. Ngunit paanong nangyari ang lahat ng ito? Sa akin siya nangako, pero bakit sa iba niya natupad ang lahat ng pangakong iyon.” Hindi na napigilan ni Gael ang magdamdam sa lahat ng nangyari.

Kailanman ay walang kasiguraduhan ang pag-ibig. Ang buong akala niya’y sila na ni Erik ang magsasama hanggang sa tumanda silang dalawa. Ang dami nilang plano noon na ngayon ay hindi na kailanman mangyayari pa.

Hindi talaga sukatan ng tibay ang tagal ng isang relasyon. Dahil minsan ang akala nating “nakatadhana” sa atin ay hindi pa pala. Kung sadyang itinadhana kayong dalawa, kahit anong unos pa man ang dumating sa relasyon niyo ay kayo pa rin ang magsasama hanggang dulo.

Ngunit ang pinakamasakit ay sadyang pinagtagpo lamang kayo, ngunit hindi naman itinadhana.

Advertisement