Nang Dahil Sa Bunga

Malimit na matanaw ng kaniyang mga ka-barrio ang matandang si Mang Cecilio. Madalang lang kasi kung ito ay lumabas. Bihira din itong makipag-usap sa kaniyang mga kapitbahay. Siguro ay ilag siya sapagkat takot din ang matanda para sa kaniyang sarili.

Pitumpu’t limang taon na ang matanda. Tanging ang asawa lamang niya ang kasama niya dati sa malawak nilang lupain ngunit dalawang taon na ang nakalilipas nang mamayapa ito. Wala rin silang mga anak at kahit sinong kamag-anak na kakilala kaya naman naging malungkot ang pag-iisa ni Mang Cecilio.

Sa tuwing umaga ay makikita mo siyang nagbabasa ng dyaryo sa kanilang terasa habang umiinom ng mainit na kape. Tapos ay didiligan ang mga tanim na halaman at bulaklak ng kaniyang asawa. Minsan naman ay magpapausok ng mga puno. Papasok na muli sa bahay at sa hapon ay magsisimba. Ang tanging nakakalapit lamang sa kaniya ay ang anak ni Mang Rodolfo, ang pinakamahirap sa kanilang baryo. Ang binatang si Adan kasi ang naghahatid ng dyaryo para sa matanda.

“Magandang umaga po, Mang Cecilio. Narito na po ang dyaryo ninyo,” wika ng bata sabay abot sa matanda. “Napakarami na pong bunga ng inyong mangga at kasoy. Maaari po ba akong makahingi kahit ilang piraso lamang. Kahit po ‘yung mga nahulog lamang,” sambit ng binata.

Ngunit tila walang narinig si Mang Cecilio. Kinuha lamang niya ang dyaryo at iniabot ang bayad saka tumalikod sa binata. Hindi naman din nagdamdam si Adan sapagkat alam na niya ang ugali ni Mang Cecilio.

Kinabukasan ay ganito pa rin ang naging tema. Muling nanghingi ang binata kay Mang Cecilio ng bunga ng mga puno nito ngunit wala pa ring imik ang matanda.

“Adan, kung ako sa’yo ay titigilan ko na ang pakikipag-usap sa antipatikong matanda na ‘yan!” sambit ng isang kapitbahay.

“Tingnan mo nga! Sa dami ng kaniyang mga namumungang puno ay mas gusto pa niyang mabulok ang mga ito kaysa ipamigay,” dagdag pa nito. “Kaya kahit kailan ay hindi magiging maligaya ang matandang ‘yan. Tingnan natin kung sa pagpanaw niya ay may pumunta sa kaniyang burol,” nangagalaiting sambit pa niya.

Advertisement

“Huwag naman po kayong magsalita ng ganyan. Sa kaniya naman po ang puno na iyan at may karapatan siya sa kung ano ang nais niyang gawin sa bunga nito. Hindi porket hindi tayo nabahagian ay magsasalita na tayo ng hindi maganda,” tugon ni Adan.

“Baka po marinig niya kayo at sumama pa ang kaniyang loob. Tandaan nyo po na matanda na siya at mag-isa na. Intindihin na lamang po natin siya,” dagdag pa ng binata.

Kinabukasan ay muling naghatid ng dyaryo si Adan sa bahay ng matanda.

“Mang Cecilio, ito na po ang dyaryo ninyo. Saka po pala gumawa ng biko kaninang madaling araw ang nanay ko, baka po gusto nyong tikman. Alam ko po walang nagluluto na para sa inyo. Ito, hati po tayo,” alok ni Adan sa matanda.

Hindi inaasahan ni Adan na sa unang pagkakataon ay makakausap niya ang mailap na matanda.

“Hindi kita maintindihan, bata. Ilang araw kang pabalik-balik dito ay hindi kita binibigyan ng bunga ng aking mga puno ngunit narito ka at hinahatian ako sa iyong baon. Ano ba ang gusto mong iparating?” pagtataka ni Mang Cecilio.

“Wala naman po. Naisip ko lang po na baka gusto niyo rin ng biko. Masarap kasi ang biko ng nanay ko at nais kong ibahagi ito sa inyo,” tugon ni Adan.

“Ito po, Mang Cecilio. Sa inyo na po ito. Mayroon pa naman pong natira sa bahay namin at madalas po kung may pambili ng malagkit na bigas ang nanay ay nakagagawa naman po siya nito,” sabay abot ng biko sa matanda.

Advertisement

Kinuha ito ni Mang Cecilio. “Kung sa tingin mo ay bibigyan kita ng mga bunga ng puno ko ay nagkakamali ka. Pero salamat sa biko na ito, bata. Sige, makakaalis ka na sa harap ng bahay ko!” sambit ni Mang Cecilio.

Umalis naman agad si Adan tulad ng sinabi ni Mang Cecilio. Kinabukasan ay nagulat si Adan na may isang plastik na iniaabot sa kaniya ang matanda. Naglalaman ito ng tatlong bunga ng kasoy at tatlong mangga.

“Kapalit iyan ng binigay mo sa aking biko. Patas na tayo. Wala na akong utang sa iyo!” masungit na sambit ng matanda.

“S’ya nga pala, pakisabi mo rin sa nanay mo na dagdagan ng gata ang biko niya para lalong sumarap,” sabay talikod.

Laking tuwa ni Adan sa ibinigay sa kaniya ng matanda. Matagal na kasing gustong makatikim ng kaniyang ina ng bunga ng kasoy. Ang mangga naman ay ihahain nila kasama ng isda sa kanilang pananghalian.

Hindi pa man nakakalayo ang binata ay may isang matandang nanghihingi sa kaniya ng pagkain. Sapagkat ang mga bunga lamang na bigay ni Mang Cecilio ang kaya niyang ibigay ay nagtira na lamang siya ng isang kasoy upang maiuwi sa kaniyang ina.

“Ito po tanggapin ninyong lahat ito. Pasensya na po kayo at ito lamang ang maiaalok ko,” sambit ni Adan. “Kumuha po ako ng isang kasoy sapagkat paborito ito ng aking ina. Ngunit may natira pa po riyan para makatikim din kayo,” dagdag ng binata.

Ang hindi nila alam ay nakita ni Mang Cecilio ang tagpong ito at lubusan siyang namangha sa pinamalas ng binata. Nagtataka siya na salat na ito ngunit nakuha pa rin niyang magbigay.

Advertisement

Kinabukasan muli ay inaasahan na ni Mang Cecilio ang panghihingi ng binata ng bunga ng kaniyang mga tanim ngunit nagkamali siya.

“Maraming salamat po sa binigay ninyong bunga ng kasoy, Mang Cecilio. Sobrang natuwa po ang nanay ko. Kay tagal na daw po niyang hindi nakakain nun,” galak na galak na wika ni Adan.

“Hindi ka ba hihingi muli ng bunga?” pagtataka ng matanda.

“Hindi na po. Sapat na po ang binigay ninyo. Maraming salamat po,” tugon ng binata.

Sa totoo lamang ay mga nalaglag na bunga lamang ang binigay ni Mang Cecilio kay Adan. Ito rin ang ibinahagi ng binata sa matandang nanghingi sa kaniya.

Dahil dito ay naging buo na ang kalooban ni Mang Cecilio sa kaniyang pasya. Nang muling magbalik si Adan upang maghatid ng dyaryo kinabuksan ay binuksan na ng matanda ang kaniyang malaking gate at pinapasok ang bata. Pinakuha niya ito ng mga bunga ng kahit ano mang puno na nais niya.

“Kaya mo ba at ng pamilya mo alagaan ang luagr na ito tulad ng pag-aalaga ko?” tanong ni Mang Cecilio.

“A- anong ibig po ninyong sabihin?” pagtataka ng binata habang namimitas ng mga bunga.

Advertisement

“Matanda na kasi ako at nag-iisa. Wala akong kamag-anak. Ang tanging mayroon ako ay ang lugar na ito. Ayoko namang mapabayaan na lamang ito kapag ako ay wala na,” tugon ng matanda. “Kaya nais ko sanang anyayahan kayo ng pamilya mo na samahan ako dito. Ikaw lamang ang tanging tao na nakitaan ko ng bukal na kalooban. Naniniwala ako na mabuti ang pagpapalaki sa’yo ng iyong mga magulang. Kaya sana ay mapaunlakan mo ang paanyaya ko,” sambit pa niya.

Hindi makapaniwala ang binata sa kaniyang narinig. Lalong hindi siya makapaniwala ng sabihin ni Mang Cecilio na sa oras ng kaniyang pagyao ay sa kanila na iiwanan ang lupain nito.

Tuluyan na ngang nanirahan doon ang mag-anak ni Adan. Higit na namukadkad ang mga puno at ang mga bulaklak. Naging masaya ang kanilang pagsasama. Sa wakas ay nakaramdam na rin ang matanda ng uong pamilya at naibsan ang kaniyang pangungulila sa kaniyang asawa.

Kahit na makalipas ang isang taon ng paglipat nila sa bahay ng matanda ay yumao na ito, tinupad nila ang pangakong kailanman ay hindi pababayaan ang tanging alaalang naiwan ni Mang Cecilio. Ang mga bunga ng mga tanim na puno ni Mang Cecilio ay madalas ipamahagi ng mag-anak sa mga taga barrio. Lalong humitik sa bunga ang mga ito katulad ng pagsasama ng payak nilang pamilya.