
Ang Sikreto ni Mama at Kuya
Kitang-kita ng dalawang mga mata ni Joy na pumasok ang kaniyang kuya sa may pintuan na tagaktak ang pawis nito at hinahabol pa ang kaniyang paghinga. Nang makita siya ng kanilang ina, agad nitong isinara ang pinto at mga bintana ng buong bahay. Halata sa kanilang ina ang kaniyang pagiging kabado ng mga oras na iyon. Hinila siya papasok ng kwarto ng ina at nang tangkaing buksan iyon ni Joy, hindi niya iyon magawa dahil ito’y sarado.
Maya-maya pa ay lumabas na ang ina mula sa silid at naiwan lamang sa loob si Nonoy. Nakahawak ang ina sa kaniyang dibdib at bahagyang nagpupunas ng kaniyang luha. Parang hinang-hina ito kaya naman agad nagtungo papalapit sa kaniya si Joy.
“Ma, ayos ka lang? Ano ang nangyayari, ma?” tanong niya sa ina.
“H- ha? Oo. Ayos lang ako, Joy. Basta ito ang tatandaan mo, kapag may nagtanong, kahit na sino. Kahit pa kakilala mo o kaibigan ko, kung tungkol iyon sa Kuya Nonoy mo, sabihin mo hindi mo siya nakikita. Tandaan mong wala kang nakita,” kabadong sagot ng ina at kita sa kaniyang mukha na seryoso ang mga nangyayari.
Tumango si Joy bilang senyales at maiparating sa kaniyang ina na naiintindihan niya ang sitwasyon. Subalit, hindi ang buong istorya, hindi ang buong katotohanan.
Pagsapit ng gabi, naglalakad pauwi si Joy sa kanilang bahay dahil nanggaling siya sa bahay ng isang kaibigan, natanaw niya ang isang grupo ng kalalakihan na nakatayo ‘di kalayuan sa kanilang bahay. Kahit na pakunwari ang kanilang mga pagsulyap, malakas ang kutob niya na hinahanap nila ang kaniyang kuya. Pinagpatuloy pa niya ang paglalakad na para bang hindi niya sila nakita o napansin. Nang dumaan siya sa kanilang harapan, isang lalaki ang humablot ng kaniyang braso at labis niya itong ikinagulat.
“Nasaan ang kuya mo? Sabihin mo lumabas siya kung saan man siya nagtatago. Ilabas din niya ang pera ko na ninakaw niya!” pasigaw na tanong ng lalaki.
“H-hindi ko po alam… Bitawan niyo po ako,” pakiusap niya sa nanginginig na tinig.
Mabuti na lamang ay lumabas ng bahay ang kaniyang ina. Nang makitang hawak-hawak siya ng isang lalaki sa braso ay agad kumilos ang ina upang tulungan siya. Pinalayas niya ang mga iyon at pinagbantaan pang ipapa-pulis.
Pagpasok sa bahay, dumiretso ng tingin si Joy sa silid kung nasaan ang kaniyang Kuya Nonoy. Sa pagkakataong ito, labis na ang kaniyang kagustuhan na tanungin ang kanilang ina kung ano nga ba talaga ang nangyayari. Kahit na labing-anim na taong gulang pa lamang siya, nais niyang malaman ang buong kwento upang maintindihan ang lahat ng nangyayari.
Nakaupo naman ang ina sa may bandang sala habang nakatingin sa litrato ng kaniyang yumaong ama. Iyak nang iyak ang ina. Nais man tanungin ni Joy ang ina, nangibabaw pa rin sa kaniya ang awa sa inang aligaga mula nang dumating si Kuya Nonoy. Pabuka pa lamang sana ang kaniyang bibig, agad na siyang sinagot ng ina.
“Wanted ang kuya mo,” marahang sabi nito. Wala siyang maisagot doon. Paunti-unti pa lamang niyang iniintindi ang malawak na sinabing iyon ng ina. Gusto man niyang tanungin kung bakit, may takot sa kaniyang puso na malaman ang lahat. Subalit muling nagpatuloy ang ina kahit wala siyang imik.
“Noong mga panahong umalis siya dito sa atin, noong akala natin ay nag-abroad siya ngunit hindi pala, nagtrabaho siya sa isang lalaki na nagpapautang ng malaking pera. Ngunit nagkamali ang kuya mo, ‘nak. Naipatalo niya sa sugal ang malaking pera ng kaniyang amo. Kung kaya ngayon ay hindi niya alam ang kaniyang gagawin upang takasan ang problema niya,” kwento nito kay Joy habang puno ng luha ang kaniyang mukha.
“Ma, alam kong gusto niyong protektahan si kuya. Pero parang mali naman ata na pinagtatakpan natin si kuya, ma. Isang magiting na pulis si papa at kung nabubuhay siya ngayon, hindi niya hahayaang pagtakpan natin ang mga kasalanan ni kuya,” wika ni Joy sa ina na ikinagalit nito.
“Hindi maaari! Kung nandito ang papa mo, sigurado akong gagawin niya rin ang lahat upang pagtakpan ang kuya mo! Tumigil ka sa pag-iisip ng ganiyan, Joy!” sigaw niya sa dalagang si Joy.
Dahil nirerespeto niya ang ina, tumahimik na lamang si Joy. Ngunit sa loob loob niya, alam niyang nabulag na nga ang ina sa pagmamahal niya sa kaniyang kuya. Na kahit mali, para sa kaniya, ay ayos lamang iyon.
Dumaan pa ang ilang mga araw. Hindi na halos nagkikibuan ang mag-ina. Araw-araw man silang nakikita ngunit palaging tulala at aligaga sa mga kakatok ito. Hindi siya halos umaalis ng bahay. Kung kailangan man, kinakandado niya ang bahay at sinisiguradong nakasara ang lahat ng bintana.
Isang gabi, kinailangan ng kaniyang ina na puntahan ang kaniyang tindahan sa may palengke dahil nagkaroon ng kaunting problema doon. Katulad ng dati, nakakandado ang lahat. Habang abala si Joy sa sala at nanonood ng TV, lumabas ang kaniyang Kuya Nonoy ng silid. Tumingin ito nang malalim kay Joy at ang tanging nakita ng dalaga ay ang kaniyang mata na puno ng kalungkutan. Hindi sila malapit sa isa’t isa kaya naman ang tangi lamang niya nasabi sa kaniya ay, “kain na, kuya, nasa la mesa iyong ulam.”
Nagpatuloy siya sa panonood at pagkalikot ng hawak na cellphone. Nang biglang tumabi sa kaniya ang kaniyang Kuya Nonoy. Hindi ko niya iyon pinansin at hinayaan lang. Maya-maya ay narinig niya ang mahinang hikbi ni Nonoy. Paglingon niya ay nakayuko ito habang patuloy sa pagpunas ng kaniyang luha.
“Kuya… bakit po?” mahina nitong tanong sa kaniyang kuya.
“Patawad, Joy. Hindi ako naging mabuti ng kuya sa iyo kahit na bilang anak kina mama at papa. Sa totoo lang, Joy, gusto ko nang sumuko. Ayoko na ng nagtatago na parang nakakulong na rin ako. At habang tumatagal ang mga araw na narito ako sa bahay, naaalala ko lamang si papa at ang kaniyang mga bilin sa akin, ang mga pangarap naming dalawa. Ngunit hindi ko iyon nagawa. Isa akong malaking talunan, Joy. At humihingi ako ng paumanhin sa iyo,” pagpapatuloy nito. Tinatapik-tapik naman ni Joy ang kaniyang likod.
“Joy, susuko na ako. Ayoko na dito. Alam kong hindi iyon gusto ni mama dahil ayaw niya akong makulong at masira rin ang pangalan ni papa. Pero kung ito ang magiging daan para makapagbagong buhay ako, susuko na ako, Joy,” sabi ng kaniyang kuya.
Sa pagkakataong ito, tuluyan nang napuno ng luha ang mga mata ni Joy dahil sa awa at paghanga rin sa kaniyang Kuya Nonoy. Hindi niya alam na ganito kabuting kapatid at anak si Nonoy. Kaya naman, hindi na nila hinintay ang ina. Agad siyang tumawag ng mga pulis at ilang sandali lamang ay dumating na ang mga ito. Kasabay naman nito ay ang pagdating ng ina.
“Ano’ng nangyayari? Wala dito si Nonoy umalis kayo dito!” sigaw ng ina sa mga pulis.
Napatigil siya nang hawakan siya ni Kuya Nonoy sa braso. Niyakap siya nito at sinabing, “Ma, mahal na mahal kita. Malaki ang pasasalamat ko na ikaw ang aking ina na hindi umalis sa tabi ko. Hayaan mong pagbayaran ko muna ang lahat at pangako kong babalik ako sa inyo ni Joy. Magbabagong-buhay tayo,” lumuluhang wika ni Nonoy.
Niyakap siya nang mahigpit ng ina at tuluyan na ngang sumama si Nonoy sa mga pulis. Naiwan ang mag-ina sa bahay. Natatakot si Joy sa maaaring sabihin ng ina dahil sa kaniyang ginawa. Ngunit bigla siyang niyakap ng ina nang mahigpit at humingi ng tawad.
“Patawad, Joy. Masyado kong binigyan ng atensiyon ang kuya mo at kinagalitan ka pa. Hindi ako nakapagpasya ng tama dahil sa aking damdamin bilang ina. Patawarin mo si mama, at salamat sa ginawa mo,” mahinang wika nito kay Joy habang patuloy pa rin siya sa pagluha.
Bilang tugon, niyakap rin ni Joy nang mahigpit ang ina at binulong sa kaniya kung gaano niya ito kamahal.
Simula noon, palaging inaaalala ng mag-iina ang kanilang pinagdaanan. Araw-araw nilang binibisita si Nonoy sa kulungan. Maayos ang kaniyang pag-uugali at kalagayan sa loob. Punong-puno siya ng pag-asa dahil pagkatapos ng kaniyang dalawang taon sa bilangguan, siya ay babalik sa pamilya upang mabuo silang muli at maging masaya. Muling nakita ni Joy ang kaniyang ina na masaya at malayo sa kaniyang pagiging aligaga noong mga nakaraan. Masaya ang dalagang si Joy na ang pangit na karanasan na ito, ay naging tulay sa muli nilang pagkakabuo bilang isang tunay na pamilya.