Nilunok ni Emma Ang Mga Sinabi Niya!

“Emma, paano kung ligawan ka ni Samuel?” natatawang tanong ni Kiarra kay Emma.

“Hmmp! Diyos mio marimar, mag-hugas dila ka Kiarra!” naririnding wika ni Emma at umakto pang nag-sign of the cross. “Huwag naman sanang mangyari. Hindi ko siya type, Kiarra at tingnan mo nga ‘yang pormahan niya? Daig pa sa kapanahunan ni kopong-kopong e,” malakas na pagkakawika ni Emma. Sinadya niya iyon upang marinig ni Samuel ang mga sinasabi niya.

Gwapo naman si Samuel, kakaiba nga lang kung manamit pero hindi maikakailang habulin ito ng mga babae. Sa katunayan nga’y may nobya na ang lalaki na laging naka-bantay sarado rito.

“Pero huwag kang mag-aalala Emma, dahil malabo na rin namang mangyari iyong liligawan ka ni Samuel. Kasi you know na, may bantay sarado na siyang jowa,” tatawa-tawang wika ni Kiarra.

Wala sa loob na napaismid si Emma habang nakatingin sa likuran ni Samuel. “Mas maigi naman talaga,” wika niya.

Alam nilang naririnig ni Samuel ang lahat ng pinag-uusapan nila, pero ganun talaga ang lalaki. Bingi-bingihan daw kuno.

Maganda si Emma at maalindog pa kaya sa bawat patimpalak ng kagandahan ay hindi pwedeng wala siya. Katulad na lamang ngayong nalalapit na ang fiesta sa barangay nila.

“Emma, ikaw ang number 10 at ang escort mo ay si Samuel,” kausap ng beking coordinator ng patimpalak.

Advertisement

Kinikilig namang nagtatatalon sina Kiarra at ang iba pa nilang kaibigan dahil sa narinig.

“Ano? Wala na bang ibang escort? Bakit kailangang si Samuel pa!” angal niya.

“Pasensiya ka na Emma, pero ang numerong nabunot ni Samuel ay number 10 at ikaw iyon,” paliwanag ng bakla.

“Ayyy!” kinikilig na sigaw ni Kiarra. “Siguro destiny na iyon, Emma.”

Nilingon niya ang kaibigan at matalim na tiningnan. “Manahimik ka nga Kiarra,” saway niya na agad namang nag-zipper ng bibig si Kiarra.

Walang nagawa si Emma sa nangyari. Naiinis siya kung bakit si Samuel pa ang naging escort niya. Nakikita niya tuloy ang nobya nitong mukhang hipon na laging nakabuntot habang nagpa-praktis sila.

“Emma, mas bagay kayo ni Samuel kaysa dun sa hipon niyang nobya,” tudyo ni Kiarra.

“Wala akong paki! Mas bagay naman silang dalawa kasi si Samuel ay butanding, ‘yong girlfriend naman niya’y isang hipon. ‘Di ba mga lamang dagat pa rin ang magiging anak nila,” seryosong wika ni Emma.

Advertisement

Kahit siya sa sarili ay hindi niya alam kung bakit nagagalit siya kay Samuel. Magkaibigan naman sila dati noong mga bata pa sila, ngunit habang lumalaki sila’y nagkakalayo na rin ang loob nilang dalawa. Lalo na noong nagkaroon ito ng nobyang mukhang tuko na may lahing hipon.

Kahit naiinis si Emma sa sitwasyon ay nagampanan naman niya ng maayos ang pagsali sa patimpalak. Sabagay nga ay nanalo silang dalawa ni Samuel at sa sobrang saya niya’y wala sa loob na nayakap niya ng mahigpit ang binata, dahilan upang kiligin ang mga taong nakapansin sa kanila, maliban nga lang sa nobya ni Samuel.

“Ako’y kinikilig,” kinikilig na sumasayaw-sayaw si Kiarra. “Bagay na bagay talaga kayong dalawa,” dugtong pa nito na agad ding sinaway ni Emma, habang pangiti-ngiting tinignan lamang sila ni Samuel.

Makalipas ang naganap na iyon ay balik sa normal ang buhay nilang dalawa. Ngunit isang araw ay laking gulat na lamang ni Emma dahil bigla na lang nilang naging panauhin si Samuel. Magalang itong nagmano sa mga magulang niya at nagpagpaalam sa mga lalaki niyang kapatid.

“Sige bayaw ikaw na ang bahalang manligaw sa kapatid namin. Basta kami botong-boto kami sa’yo,” nakangiting wika ng Kuya Estong niya.

“Anong ginagawa mo rito?” takang tanong ni Emma.

Iniabot nito sa kaniya ang hawak-hawak na pumpon na rosas. “Manliligaw,” maiksing sagot ni Samuel.

“FYI, baka nakakalimutan mong may nobya kang mukhang hipon,” matalas na wika ni Emma.

Advertisement

“Maganda naman si Tanya ah,” pagtatanggol pa nito sa babae.

“E ‘di doon ka na—”

“Pero para sa’kin mas maganda ka Emma,” putol ni Samuel sa sasabihin ni Emma, na tanging irap lamang ang tugon ng babae. “Hindi ko nobya si Tanya, Emma. Kaya nga natatawa na lamang ako sa t’wing pinaparinggan niyo ako lagi ng mga kaibigan mo. Napaghahalataan ka tuloy na nagseselos sa kaniya, kaya hinayaan ko na lamang si Tanya na bumuntot-buntot sa’kin lalo na’t alam ko na nandiyan ka. Kahit na alam naman niyang walang pag-asa na maging kami,” mahabang paliwanag ni Samuel.

“Ibig sabih—”

“Sshh, patapusin mo muna kasi ako. Minsan na nga lang akong magsalita sinisingitan mo pa ako,” muling putol ni Samuel sa sasabihin ni Emma. “Mahal kita Emma, noon pa mang mga bata pa tayo. Hindi nga lang ako makapanligaw dahil hinaharangan ako ng mga barako mong kuya. Kaya ngayong binigyan na nila ako ng pahintulot, siyempre wala na akong sinayang na oras,” masayang wika na Samuel.

“Ang tanong nga lang ay kung pareho ba tayo ng nararamdaman,” nag-aalinlangang tanong ni Samuel.

“Lulunukin ko ang lahat ng sinabi ko noon, pero mahal din kita Samuel. Naiinis ako kasi bigla mo na lang akong hindi pinansin noon. Tinatanong ko kung saan na punta ‘yong dating Samuel na kaibigan ko. Tapos may nobya ka na mukha pang hipon,” natatawang sambit ni Emma sa huling sinabi.

“Itigil ko na ‘yang pagiging pintasera mo, Emma,” natatawang wika ni Samuel saka ginawaran ng magaan na halik ang labi ni Emma. “Simula ngayon ay akin ka na ah,” habol pa nito.

Advertisement

Tumango naman si Emma saka niyakap si Samuel. “Akin ka na rin.”

Masayang-masaya ang mga kaibigan ni Emma ng malamang opisyal nang mag-nobyo si Samuel at Emma.

“Sabi ko na nga ba’t kayo lang din ang magkakatuluyan e,” wika ni Kiarra.

Tulak ng bibig, kabig nga naman ng dibdib. Dahil hindi masabi ni Emma ang totoong nararamdaman noon kay Samuel kaya dinadaan na lamang niya ito sa pamimintas.