M-mama, Tama Na!

Kakalipat lamang ng dalagang si Irene sa kaniyang bagong apartment. Mas maayos daw ito at mas tahimik kaya naman pinatos na niya kahit nga may kamahalan pa ang renta.

“M-mama!” sigaw ng isang babae. Dali-daling napatigil si Irene sa kaniyang pagbabasa, tiningnan niya ang orasan.

“Ang aga namang iyak ng batang ‘yun. Akala ko ba tahimik dito, isang linggo palang ako may iyak nang ganyan,” saad niya sa sarili. Mag-a-ala sais pa lang kasi ng umaga at alam niyang tahimik ang oras na ‘yun lalo na’t araw ng linggo.

“Tama na, m-mama! Tama na!” sigaw pang muli. Hindi na nakatiis pa si Irene at bumalikwas ito sa pagkakahiga. Pinakinggan niya ang bawat dingding at pinakiramdaman kung saan nanggagaling ang sigaw. Sumigaw pa itong muli ngunit iyak lamang sa pangatlong pagkakataon. Naisip niyang sumilip sa bintana.

“Ang aga!” bulong ng dalaga sa sarili ng makita ang isang baliw na umiiyak sa tapat mismo ng kaniyang bintana. Nasa ikalawang palapag ang babae ngunit dinig na dinig ito at kitang-kita niya rin ang babaeng baliw. Umiiyak ito sabay tatawa, madungis din ang itsura. Kinakain ang buhok at maglalakad, tatalon, iiyak.

“Baliw nga, hay naku!” buntong hininga niya. Bumalik siya sa pagkakahiga ngunit sumigaw pang muli ang babae sa ibaba.

“T-tamaa na, hayop! Papat*yin kita! Ang pangit mo, tama na. M-mama, tama na,” paulit-ulit na iyak nito.

Hindi naman mapalagay si Irene sa kaniyang narinig kaya sinilip niyang muli ang babae. Napansin niyang wala palang pangbaba ito at kitang-kita ang maselang bahagi ng babae. Hindi siya nakatiis pa at pinuntahan niya ito.

Advertisement

“A-ano, ate, bakit ka ba umiiyak? Magshorts ka nga, kita ‘yang ano mo,” pahayag niya sa babaeng pulubi.

“Ang pangit mo!” sagot sa kaniya nito sabay tumawa at kinuha ang binigay niyang pangbaba. Mabilis na rin itong umalis at tumawa-tawa saka umiyak.

“Bait mo naman, matagal na ‘yang baliw na ‘yan dito. Masanay ka na,” pahayag ng isang lalaking kapitbahay ng dalaga. Hindi na siya sumagot pa at binigyan na lamang ng maliit na ngiti ang lalaki.

Naulit pa ang senaryong iyon at kahit may pangbaba naman ang babaeng pulubi ay iisa ang kaniyang sigaw.

“Bakit ganon? Pakiramdam ko talaga, ginah*sa ‘yun,” wika niya sa sarili habang nag-iisip ito ng malalim.

“Pero imposible, kasi sino namang nasa matinong pag-iisip ang papatol sa isang baliw at madungis na babae. Baka sakit lang makuha nila kaya imposibleng may pumatol doon. Tigilan mo na ang kakaisip at pag-aalala mo, Irene,” kumbinsi niyang muli sa sarili.

Hindi maiwasan ni Irene ang isipin na ginah*sa ang babaeng pulubi dahil sa mga sinasabi nito. Dahil kung pagtatagpiin niya ang mga pahayag ay iisa lamang ang mensahe nito, nais niyang matigil na kung ano man ang ginagawa sa kaniya. Naging isang malaking tanong ito sa dalaga ngunit hinayaan na lamang niya dahil ayaw na niyang dagdagan pa ang sakit sa ulo sa dami ng kaniyang dapat na aralin.

Hanggang sa isang araw naabutan niya ang pulubi sa tabi ng basurahan. Hindi ito umiiyak kaya naman naglakas loob siyang lapitan ang babae.

Advertisement

“Ate, sira na ‘to,” bati kaagad sa kaniya ng babaeng pulubi na labis niyang ikinagulat. Sira na ang pangbabang binigay niya rito.

“N-ni mmm, ano, may gumalaw ba sa’yo?” utal-utal niyang tanong sa pulubi. Buong akala niya ay mabibigyan na ng linaw ang gumugulo sa kaniyang isipan, ngunit nasira iyon ng tinawanan lamang siya nito.

“Naku, masanay ka na riyan, araw-araw nang ganyan yan. Matagal na akong nakatira dito kaya sanay na ako,” wika ng isang lalaking nagtapon ng basura sabay sindi ng sigarilyo. Namukhaan niya kaagad ito, ito ‘yung kapitbahay niyang bumati sa kaniya noong nakaraan.

“Tama na, papat*yin kita! M-mamma! Tama na!” sumigaw muli ang babae. Hindi na nagawang kausapin pa ni Irene ang lalaki at tinanguan niya na lang ito saka siya umalis.

Maya-maya pa ay nawala na naman ang sigaw ng babaeng baliw at napagpasyahan niyang bumaba para tingnan muli ito.

“Bigay ni mama mo ‘yan, kainin mo na raw. Pero bago ‘yun, alam mo na ‘di ba?” wika ng isang lalaki sa isang madilim na eskinitang katabi ng kanilang basurahan. Inaninag niyang muli ito para malaman kung sino ang nagsasalita at sigurado siya sa kaniyang nakikita. Ito ‘yong kapitbahay niyang lalaki at ang babaeng pulubi!

“T-tama na,” mahinang iyak ng babae.

“Sshh, ‘wag ka maingay. Dali na,” utos muli ng lalaki saka niya ibinaba ang kaniyang pantalon at tinakpan ang bibig ng babaeng pulubi. Mabilis ang tibok ng puso ni Irene sa kaniyang nakita, hindi niya alam kung sisigaw siya o tatakbo. Ngunit mabilis niyang napansin ang isang bato, pinulot niya iyon at binato sa lalaki saka siya tumakbo.

Advertisement

Nagpunta siya kaagad sa kanilang barangay para ipagbigay alam ang kaniyang nasaksihan. Simula noon ay natuklasang na ang kapitbahay pala niya ay lulong sa droga at matagal nang ginagah*sa ang babaeng pulubi. Mabilis itong naaresto at nadala naman sa himpilan ng gobyerno ang kawawang babae upang maipagamot.

Naging aral ito sa kaniya na kahit ano pa man ang estado ng isang tao o kababaihan ay mas makakabuti kung tutulungan natin ito. Maging pulubi man o hindi, dahil walang sinuman ang gugustuhin na maging biktima ng masasamang pagn*anasa ng ibang tao.