Ang Sagot sa Aking Dalangin

Ang Sagot sa Aking Dalangin

InspiringMiracleStories

“Tay, wag po!” sigaw ng batang babae. “S-sandali, maawa po kayo, tay… tito… wag po!” muli pang pagmamakaawa nito. 

“Wag!!!” isang malakas na sigaw ni Joy nang biglang mapabangon mula sa pagkakahimbing. Isang bangungot na naman ang bumulabog sa kaniyang masarap na tulog. Ang bangungot ng kaniyang nakaraan. 

Panandalian niyang tiningnan ang orasan, pasado alas sais na ng hapon. Oras na naman para magbanat ng buto at humanap ng mga kostumer, upang may pantawid gutom sa gabing iyon. 

Nagsindi ang babae ng sigarilyo habang nakatapis ng tuwalya at panandaliang minasdan ang repleksyon sa salamin. Hinaplos niya ang kaniyang pisngi, ilong at ang labi. 

“Marami ka na namang mabibiktima mamaya,” bulong ng babae sabay ngiti. 

Marahan niyang nilapatan ng pulbo at kolorete ang mukha. Isang matingkad na pulang-pula sa labi, malalaking hikaw, pabangong humahalimuyak na tinernohan ng maikling damit na halos magpakita na ng kaniyang kaluluwa. Handa na siyang kumayod upang malamnan ang kumakalam na sikmura. 

“Dalawang libo! Iyan na ang pinakamataas ng kaya kong ibayad sa’yo,” alok ng isang lalaking nakapolo. 

“Hay nako! Sige na. Ayos na iyan. Bilisan mo na lang magparaos nang makarami pa akong kostumer!” tila bang iritableng sagot ni Joy. 

“Binayaran ka na nagrereklamo ka pa?! Pasalamat ka nga may pumapatol pa sa’yo kahit gamit na gamit ka na!” tugon naman ng lalaki. 

Napalunok na lamang si Joy at saka tahimik na sumama sa lalaki sa isang mumurahing motel. Ganito ang kaniyang buhay sa araw-araw. Tatambay sa isang lumang mall sa may Recto at doon hahanap ng kostumer. Pera kapalit ng kaniyang katawan. 

Isa, dalawa, tatlo, hanggang sa kung ilan ang makayanan ng kaniyang katawan. Tila ba nawalan na rin siya ng bilang sa kung ilang lalaki na ang nakasiping niya. Eto lamang ang alam niyang hanapbuhay. Iyon lamang din ang paraan niya upang pagtakpan ang sakit ng dulot ng kaniyang nakaraan. 

“Hindi ko ginusto ang ganitong buhay… hindi ko pinili ang landas na ‘to!” umiiyak na bulong ni Joy sa kaniyang sarili habang umiinom ng alak sa kaniyang higaan. 

Para bang palabas na muling bumabalik sa kaniyang isipan ang masakit na alaala ng nakaraan na kahit pilit niyang takbuhan ay hinding-hindi niya matatakasan. 

Produkto siya ng pang-aab*uso ng sariling pamilya. Pinagsamantalahan siya ng sariling ama at mga tiyuhin nang minsan malasing ang mga ito. Tila ba masahol pa sa hayop ang pambababoy na ginawa sa kaniyang katawan. 

Nang malulong naman sa bisyo ang ama, ipinasok siya sa beer house bilang entertainer sa murang edad. Kaya’t lumaki siyang pagbebenta ng katawan lamang ang tanging alam na trabaho. 

“Kung nakikinig Ka nga at kung tunay Ka ngang Diyos, bakit pinabayaan mo ako? Wala na bang pag-asa ang patapon kong buhay? Kung totoong makapangyarihan Ka, tanggalin mo ako sa sitwasyon na ‘to! Ayoko na!” sigaw ni Joy habang nilalagok ang natitira pang alak sa bote. May mga luha sa mata siyang pumikit at natulog. 

Lumipas pa ang mga araw at linggo, tuloy pa rin sa masamang gawain ang dalaga. Pero biglaan siyang may kakaibang naramdaman. Mabigat at kaniyang pakiramdam at tila ba iritable siya sa lahat ng bagay. 

“Joy, ayos ka lang ba?” tanong ng isang kaibigan na nagbebenta rin ng puri. 

“Uhm…” mahinang tugon niya at saka tumango. 

“Hoy! Pokp*k ka, anong nangyari sa’yo? Bakit ka namumutla?” muling tanong ng babae sa kay Joy. 

Tumayo si Joy at agad na tumakbo sa kusina upang sumuka. Ilang saglit pa, biglaan siyang nawalan ng malay. 

“N-nasaan ako?” nalilitong tanong ni Joy na akmang babangon sana ngunit pinigilan ng kanyang kaibigan. 

“Shh.. magpahinga ka lang muna ha? Baka makasama sa’yo ang paggalaw masyado. Nandito ka sa ospital. Nawalan ka kasi ng malay kahapon,” tugon ng babae. 

Ilang saglit pa ay kumatok ang doktor, dala-dala ang isang malaking balita. “Congratulations po! Magtu-two months na po kayong pregnant, ma’am!” masiglang bati ng doktor. 

“Po? P-paano? Diyos ko!” gulat na tanong ni Joy. 

“Nako, alam kong masaya kayo sa balitang ito, pero dahan-dahan lang po at sensitibo ang inyong kalagayan. Mas mabuting ‘wag muna kayong kumilos at magpahinga. Babalik po ako mamaya para dalhin yung iba pang resulta,” saad pa ng manggagamot bago ito lumabas. 

“Masaya? P*tang in*ng buhay ‘to! Bakit ko ikasisiya ang pagbubuntis na ‘to? Anong ipapagatas ko sa p*tang in*ng bata na ‘to pag lumabas?” galit na sabi ng dalaga. 

“Joy, kumalma ka! Wala naman kasalanan ang batang iyan,” sagot naman ng kanyang kaibigan. 

Pagkauwi sa kanila’y balisa at hindi mapaigi si Joy. Paano siya magpapaka-ina? Paano nga niya bubuhayin ang sanggol kapag ito’y lumabas na? Paano siya makakapagtrabaho ngayong buntis na siya?

“Wala akong ibang pwedeng gawin kundi ang tanggalin ka sa loob ko. Iyon lamang ang paraan para mabuhay ako, ang mawala ka! Bunga ka lang naman ng kasalanan…” puno ng emosyong sabi ni Joy habang nakahawak sa tiyan. 

Napagdesisyunan niyang pumunta sa isang matandang babae na kilala sa kanilang lugar na naglalaglag ng bata mula sa sinapupunan. 

“Handa ka na ba hija? Humiga ka na riyan nang masimulan na,” utos ng matanda. 

“O-opo,” sagot lamang ng dalaga habang nagtatanggal ng saplot pambaba. 

Habang nakahiga, kakaibang kaba ang nadarama ni Joy. Malakas ang tibok mula sa kaniyang dibdib at kung anu-anong bagay ang pumapasok sa kaniyang isipan bunsod ng takot.

“T-teka lamang po! A-ayoko na po.  Bubuhayin ko na po ang bata, pasensiya na sa abala…” may mga luha sa matang pinatigil ni Joy ang proseso. 

Hindi niya alam, ngunit may puwersang pumigil sa kaniya upang itigil ang masamang plano. 

“Ang dami ko nang kasalanan sa Diyos. Ayoko nang dagdagan pa. Patawarin mo ako, anak,” iyak ng babae habang nakakapit sa kaniyang tiyan. 

Itinuloy ni Joy ang pagbubuntis. Wala siyang alam na ibang trabaho, subalit para sa ikabubuti ng sanggol, pinili niyang maghanap ng kaya niya. Nakapagtrabaho siya at kinupkop ng isang mabait na matandang babae na may-ari ng isang karinderya at doon nag trabaho bilang isang waitress. 

Sa tuwing kailangan ng pera para sa pagpapakonsulta, ang matanda ang nagbibigay sa kanya. Kung minsan naman ay tumutulong din ang mga kaibigan mula sa dating trabaho. 

Ilang buwan pa ang lumipas, isinilang ni Joy ang isang malusog na batang lalaki. May mga ngiti at luha sa mata niyang minamasdan ang natutulog na sanggol. May kakaibang saya ang kaniyang nadarama nang mga oras na iyon. Para bang sasabog ang kaniyang puso sa nag-uumapaw na saya at pagmamahal. 

“Salamat anak… at salamat sa Diyos,” bulong ng babae. Binalikan niya mula sa kaniyang isipan mga nagdaan. Napangiti na lamang siya dahil natanggap na niya ang matagal nang dasal. 

“Kay tagal ko ipinagdasal ang pagkakataong ito. Ang tagal kong inasam na makakawala sa masama kong gawain, tanging ikaw lang pala anak ang susi na ibibigay ng Diyos para tuluyan akong magbago. Walang halong pagsisisi na pinili kita,” puno ng galak na sabi ng babae sa karga-kargang sanggol. 

Tunay nga naging isang malaking biyaya ang bata kay Joy. Hindi na siya muli pang bumalik sa masamang trabaho at patuloy na tinahak ang tamang landas. Kailangan niyang maging maayos para sa binubuhay na anak. Kailangan niya ng marangal na trabaho upang pagdating ng araw ay maipagmalaki siya nito. 

Sa tulong ng matandang may-ari ng karinderya, kumikita na si Joy ng marangal ngayon at nagagawa nang buhayin ang sarili at ang anak gamit ang malinis na pera. 

More Stories