Kwentong Kababalaghan sa Opisina

“Hoy, Gj, tingnan mo si Mary, may nakikita na naman atang multo!” sambit ni Bernadette sa katrabahong abala sa pagpipipindot sa kompyuter saka bahagyang itinuro ang katrabaho nilang puno ng takot ang mukha.

“Naku, nagpapapansin lang ‘yan! Hindi mo ba napansin, sa tuwing gagabihin tayo dito sa trabaho palagi na lamang ‘yang ganyan, akala mo, eh, nasasapian,” tugon ni Gj sa kaniya matapos tumingin sa kanilang katrabaho saka bumalik sa pagtatrabaho.

“Eh, baka totoo namang may nakikita siya? Ayon kasi sa mga kwento-kwento noong mga trabahador dito, dati raw panchong ang tinatayuan ng gusaling ito!” ‘ika pa nito saka hinila ang isang bakanteng silya’t naupo sa harapan niya.

“Nasisiraan ka na ba ng bait katulad niya? Hindi na uso yung mga ganoon, ‘no! Saka kung panchong nga ito dati, malamang wala na yung mga masasamang espiritu dito! Sa dami ba naman ng maiingay na sasakyang dumadaan dito, may maninirahan bang multo dito. Ano ka ba? Mag-isip ka nga!” galit na sagot niya, ayaw na ayaw niya kasing inaabala sa trabaho lalo na’t tungkol lamang sa walang kwentang bagay.

“Oo nga, no, may punto ka. Pero bakit nagkakaganyan si Mary kung wala siyang nakikita?” tanong nito sa kaniya dahilan upang tuluyang mag-init ang kaniyang ulo.

“Alam mo, Bernadette, siya ang tanungin mo! Huwag mong sayangin ang oras ko sa walang kwentang pagtataka mo! Doon ka kay Mary, magsama kayong puro kababalaghan ang nasa isip! Alis na, magtatrabaho na ako!” bulyaw niya dito dahilan upang mataranta itong bumalik sa kaniyang la mesa’t gawin ang sarili nitong trabaho. Napabuntong hininga naman siya saka bumalik sa pagtatrabaho.

Isang call center agent ang dalagang si Gj. Kahit pa nakapagtapos ng pag-aaral, hindi niya nagawang magamit ang apat na taon niyang pag susunog ng kilay dahil hindi sapat ang kaniyang taas sa nais niyang trabaho, ang pagiging isang flight stewardess.

Kaya naman imbes na tambay lamang sa bahay, kinuha na niya ang oportunidad na makapagtrabaho dito upang kahit papaano’y makatulong sa kaniyang pamilya.

Advertisement

Ngunit tila lagi siyang naaabala ng kaniyang matalik na kaibigan na nahila niya sa trabahong ito. Labis kasi ang kuryosidad nito sa inaasta ng isa nilang katrabaho. Tila palagi kasi itong may nakikitang multo sa tuwing sasapit ang alas onse ng hating gabi.

Palagi itong nakamasid sa lahat ng parte ng kanilang silid, kung minsan pa, bigla na lamang itong babalikwas o sisigaw dahilan upang labis silang magulat.

Noong gabing ‘yon, hindi na nga siya kinulit ng kaibigan dahilan upang bahagya siyang makapagpahinga pagkatapos niyang kumausap ng isang kliyente. Ngunit papikit pa lamang siya sa kaniyang la mesa nang bigla na lamang nawalan ng kuryente.

“Hoy, malalagot tayo kapag walang pumasok na mga tawag! Buksan niyo na ang generator!” makailang ulit niyang sinigaw ang katagang ito ngunit wala siyang nararamdamang kumilos dahilan upang padabog siyang tumayo’t naglakad papunta sa lugar kung nasaan ang kanilang generator.

Binuksan niya ang kaniyang selpon upang makapagbigay kahit kaunting liwanag sa kaniyang dadaan. Laking pagtataka niya kung bakit tila wala ang kaniyang mga katrabaho.

“Lagot ‘yan sila, ha. Sabay-sabay na namang kumain!” ‘ika niya ngunit nang mapadaan siya sa puwesto ng katrabaho niyang bali-balita’y nakakakita ng multo, bigla na lamang siyang kinilabutan at pakiramdam niyang bahagyang lumaki ang kaniyang ulo.

Bumuntong hininga lamang siya’t pinigilan ang takot ngunit tila hindi na niya ito nakontrol noong may makita siyang isang batang lalaking nakatingin ng masama sa kaniya sa ilalim ng isang lamesa. Nagsisisigaw siyang tumakbo palabas ng gusali ngunit hindi niya matagpuan ang pintuan. Nararamdaman niyang sinusundan siya nito dahilan upang mapaiyak na siya sa takot at magsisisigaw.

Nagulat na lamang siyang biglang may tumapik-tapik sa kaniyang pisngi’t napabalikwas siya. Bumungad sa kaniya ang kaniyang kaibigan pati na ang katrabaho nilang si Mary, “Ayos ka lang ba?” tanong nito.

Advertisement

Agad siyang kumuha ng tubig saka pinunasan ang kaniyang pawis. Sinundan siya ng dalawang dalaga at doon na niya ikinuwento ang nangyari.

Laking gulat niya nang maghagalpakan ang dalawang dalawa.

“Pati pala ikaw inaakalang nakakita ako ng multo,” sambit ni Mary, “May sakit lang ako sa mata dahilan upang madalas akong mapatitig ng inam kung saan-saan, pero wala talaga akong nakikitang multo. Pasensya ka na, dahil sa usap-usapang ‘yon, tila nanaginip ka pa ng masama,” sambit nito saka siya hinawakan sa kamay.

Doon na siya napabuntong hininga’t napaisip. ‘Ika niya sa sarili, “May nakikita man siya o wala, dapat na respetuhin ko ang mga naniniwala sa ganoong mga elemento. Mabuti nang rumespeto kaysa maranasan ko ng totoo ang napaginipan ko.”

Simula noong araw na ‘yon, kapag may usap-usapan na nakakatakot sa kanilang silid, buong puso niyang pinapakinggan ang mga ito nang walang anumang panghuhusga’t pagkainis bagkus pinagdarasal niya pang makatawid na sa langit ang mga espiritung naninirahan pa rin sa mundong ito.

Naging matalik na rin nilang kaibigan ang dalagang si Mary. Madalas na nila itong kasabay kumain. Sa katunayan, sinamahan pa nila itong magpatingin ng mata upang malunasan na ang karamdaman nito.

May mga bagay sa mundong ito na kahit anong gawin mo, hindi mo maipapaliwanag. Nawa’y bigyan mo na lamang ito ng respeto nang sa gayo’y huwag ka nang maabala ng mga ito.