
Nang Magtampo si Lola Remy
Matapos matiyak na nailapag na niya sa hapag-kainan ang pinggang kinalalagyan ng nilutong tosino, itlog, at hotdog, mailagay ang mga puswelo ng kape, at baso ng gatas ng kaniyang apong si Letlet, tinawag na ni Lola Remy ang kaniyang anak, manugang, at apo upang kumain ng almusal.
“Kain na kayo! Luto na ang agahan,” tawag ni Lola Remy, 65 taong gulang.
Lumabas ng kani-kanilang mga silid ang mag-asawang Jessa at Tristan, at ang apo niyang si Letlet. Nakabihis na ang mga ito ng uniporme. Si Jessa ay anak ni Remy, na isang pediatrician. Si Tristan naman ay mabait niyang manugang na Senior Vice President sa isang real estate company. Si Letlet naman ay Grade 3 sa isang international school.
“Lolaaaa, good morning!” masayang bati ni Letlet. Tumakbo ito palapit kay Lola Remy at yumakap. Bumaba naman si Lola Remy at ginawaran ng halik ang apo. Siya na ang nagpalaki kay Letlet simula nang isilang ito ng anak na si Jessa.
“Sige, kain na kayo. Tristan, gusto mo ba ng orange juice?” alok ni Lola Remy. Kahit mabait si Tristan, nahihiya pa rin si Lola Remy sa manugang.
“Hindi na ho ‘Nay. Okay na po ang kape. Upo na po kayo at kain na po,” nakangiting aya ni Tristan. Naupo na rin si Lola Remy sa tabi ni Letlet at pinakain ito.
“Nay, malaki na iyang si Letlet, huwag ninyo na hong pakainin. Kumain na po kayo,” saway ni Jessa sa ina.
“Naku… hayaan mo na nga ako, anak. Maligaya na ako kapag napapakain ko ang aking Letlet, sige kain ka marami apo para hindi ka magutom sa eskwela,” tugon ni Lola Remy sa anak. Kinuha niya ang table napkin at pinunasan ang namantikaang bibig ng apo, na sarap na sarap sa niluto niyang tosino para dito.
“Siya nga pala ‘Nay, kung lalabhan po ninyo ang mga damit, puwede po bang gamitin na ninyo ang washing machine na binili namin para sa inyo? Huwag na po kayo magmano-mano. Baka umatake na naman ang rayuma ninyo,” paalala ni Jessa.
“Ay naku Jessa, huwag mo akong intindihin. Mas gamay ko ang mano-manong paglalaba. Parang hindi ako nalilinisan sa damit kapag washing-washing machine na iyan ang gamit. Umiikot-ikot lang naman ang mga damit. Mas mainam pa rin ang nakukusot,” palusot ni Lola Remy. Dati siyang labandera noong binubuhay pa niya si Jessa. Ang totoo, hindi marunong gumamit ng washing machine si Lola Remy dahil wala naman sila nito noon.
“Ang nanay talaga oh… sayang naman yung washing machine…”
“Jessa Marie, huwag ka nang makulit. Dalian mo na riyan at baka mahuli pa kayo sa trabaho,” putol ni Lola Remy sa sasabihin ng anak. Huminto na rin si Jessa sa paggiit sa nanay. Binanggit na kasi ang buo niyang pangalan, nangangahulugang seryoso na ito at hindi na mababali pa ang desisyon.
Matapos makapag-agahan, umalis na rin ang tatlo. Hinugasan ni Lola Remy ang pinagkainan. Mamaya, maglilinis siya ng bahay, saka niya gagawin ang paglalaba. Bagama’t hindi naman siya inoobligang gawin ang mga gawaing-bahay, hindi maaatim ni Lola Remy na humilata lamang siya o manood ng paborito niyang drama sa telebisyon. Sanay siya sa mga gawaing-bahay dahil dati siyang labandera sa isang mayamang pamilya, at iyon ang pinambuhay niya kay Jessa. Anak niya sa pagka-dalaga si Jessa. Nagkandakuba na si Lola Remy sa pagtatrabaho noon upang mapag-aral at mabigyan ng magandang buhay ang anak, dahil alam niyang magiging susi ito upang mapaganda niya ang sariling buhay.
Kahit na minsan ay kinagagalitan siya ni Jessa kung bakit ginagawa pa niya ang mga gawaing-bahay, hindi sanay si Lola Remy na wala siyang ginagawa. Isa pa, nahihiya rin siya kay Tristan.
Matapos makapaglinis, umakyat si Lola Remy sa kuwarto nina Jessa at Tristan upang kunin ang basket na naglalaman ng mga labada. Hindi sinasadya, nadulas siya sa pagbaba niya sa hagdanan, dumausdos siya, at lumagapak ang baywang sa sahig. Sumambulat ang maruruming damit ng mag-asawa. Hindi makahuma si Lola Remy. Tila ba napilayan ang kaniyang balakang. Hindi siya makatayo. Sinubukan niya subalit hindi kinaya. Mabuti na lamang at laging nasa bulsa ng kaniyang paboritong daster ang de-keypad na cellphone na binili sa kaniya ni Jessa. Tinawagan niya ito at nagpasaklolo. Agad naman itong umuwi dala na ang ambulansya. Itinakbo siya sa ospital.
Hindi naman malala ang naging fracture sa buto ni Lola Remy, subalit pinayuhan siya ng doktor na huwag munang gumalaw sa loob ng dalawang linggo.
“Paano na ang mga gawaing-bahay? Paano na kayo?” naiiyak na tanong ni Lola Remy kay Jessa.
“Kukuha tayo ng kasambahay,” sagot ni Jessa.
Naging madali ang pagkuha nila ng panibagong kasambahay dahil sa mga kakilala na rin ni Jessa. Nakakuha kaagad sila ng isang kasambahay na mukha namang masipag at mapagkakatiwalaan. Ito ang pumalit sa lahat ng mga gawaing-bahay na si Lola Remy ang nag-aasikaso. Kahit nang tuluyang gumaling si Lola Remy ay hindi pa rin pinaalis nina Jessa at Tristan ang kasambahay.
“Puwede ninyo na siyang paalisin. Ako na ang bahala sa mga gawaing-bahay, para makatipid din kayo,” minsan ay nasabi ni Lola Remy kay Jessa habang sila ay nasa bakuran. Sinamahan siya ni Jessa upang magpaaraw sa labas.
“Nay, mas okay na rin na narito si Thelma. Huwag na kayong kumilos dito utang na loob. Baka maulit na naman ang nangyari sa inyo,” sabi ni Jessa.
“Bakit? Dahil magastos kapag naospital ako? Pabigat lang ako?” nangilid ang luha ni Lola Remy.
“Nay? Hindi naman po sa ganoon…”
“Hindi, Jessa. Simula nang maaksidente ako, at dumating si Thelma rito, pakiramdam ko ay wala na akong silbi. Pakiramdam ko inutil ako. Hindi ko naman ginustong madulas ako,” naiiyak na sabi ni Lola Remy. Nanliliit ang kaniyang pakiramdam. Pakiramdam na pinalitan na siya at hindi na siya kailangan.
Niyakap siya ni Jessa.
“Nay, natatandaan mo noong bata pa ako? Sabi mo sa akin, maging maingat ako sa pagpili ng mapapangasawa, dahil ang asawa nahihiwalayan at napapalitan, pero ang magulang, nag-iisa lang at hindi mapapalitan? Tinandaan ko po iyon. Tingnan mo naman po. Napaka-responsable ni Tristan. At literal po na kayo lang po ang magulang ko dahil hindi ko naman po nakilala ang Tatay. Kaya nag-iisa lang po kayo at hindi mapapalitan. Kapakanan po ninyo ang iniisip ko, ‘Nay. Ginawa na po ninyo ang parte ninyo sa akin bilang magulang, hayaan po ninyong ibigay ko sa inyo ang parte ko bilang anak. Ayaw ko po kayong mapahamak. Tama po kayo. Kayo po ay nag-iisa at hindi mapapalitan bilang magulang, kaya ayoko pong mawala kayo sa akin. Mahal na mahal ko po kayo, ‘Nay!”
Naluha si Lola Remy sa sinabi ng anak. Gumanti siya ng yakap dito. Mahal na mahal niya ang kaniyang anak, at sa tuwing nakikita niya si Jessa at ang pamilya nito, naibubulong niya sa sarili na naging mabuti siyang magulang kahit mag-isa lamang siya sa pagtataguyod nito.
Nilapitan sila ni Letlet at nakiyakap na rin sa kanila. Nakangiti naman si Tristan, na lumapit din at inakbayan silang tatlo. Simula noon, nakinig na si Lola Remy sa kaniyang anak. Bagama’t paminsan ay gumagawa pa rin siya ng mga gawaing-bahay upang hindi mainip, minabuti niyang sundin ang ipinapayo sa kaniya ng anak upang mas magkasama pa sila nang matagal.