Inday TrendingInday Trending
Sapat Ba Ang Pag-ibig Lang?

Sapat Ba Ang Pag-ibig Lang?

“Magtanan na tayo, Tin! Sumama ka na sa akin,” pabulong na suhestiyon ni Maki sa nobya niyang si Tin, habang masuyo niyang hinahaplos ang mukha nito.

Hinawakan naman ni Tin ang kaniyang kamay bago sumagot. “Saan naman tayo pupunta kung sakali? Parehong ayaw ng mga magulang natin sa relasyon natin.”

Parehong grade 10 students ang dalawa sa mataas na paaralan sa kanilang lugar. Doon din sila mismo nagkakilala at nagligawan, mag-iisang taon na ang nakalilipas.

Bumuntong-hininga si Maki at sandaling nag-isip… “Mangupahan tayo. Ibinigay na sa ʼkin nina mama at papa ang allowance ko, for this month, pati na rin ang tuition fee ko. Pʼwede na siguro itong pang-down kahit sa maliit na apartment lang,” maya-maya ay sagot ng binatilyo. Inaakalang magiging ganoon lamang kadali ang tatahakin nilang buhay.

Tila naman mabilis na nakumbinsi ni Maki si Tin na wala nang pagdadalawang-isip pang tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. Niyakap ng binatilyo ang kaniyang nobya sa tuwa. Nanatili sila sa ganoong posisyon sa kabuuang oras ng recess ng kanilang eskuwela. Inihatid na lamang ni Maki si Tin sa classroom nito bago pa man tumunog ang kanilang bell.

Nang gabing iyon ay isinagawa na nina Tin at Maki ang binalak nilang pagtatanan. Magkahalong kaba at excitement ang nadarama ni Tin habang tumatakas siya sa kanilang bahay sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana ng kaniyang kwarto, habang nag-aabang naman si Maki sa ibaba. Pakiramdam ni Tin ay para bang, isa siyang bida sa mga pinanunuod niyang K-drama o ʼdi kayaʼy bidang katulad ng mga nababasa niya sa pocketbook, e-book at ibaʼt ibang romance comics. Kilig na kilig siya nang hawakan ni Maki ang kaniyang kamay upang sabay na silang makatakbo palayo roon.

Sa paghahanap pa lang ng uupahang bahay ay hirap na hirap na ang magkasintahan, ngunit talagang ayaw paawat ng kanilang batang mga puso at determinado talagang makahanap ng matitirahan. Kung hindi pa nga ilabas ni Maki ang kaniyang pambayad, na galing pa mula sa ibinigay na allowance at tuition fee ng kaniyang mga magulang, ay wala pang papayag na paupahin ang dalawa.

“Hay, salamat, nakahiga rin!” Pasalampak na umupo si Tin sa sahig ng maliit na apartment na iyon. Napagod kasi siya sa ilang oras ding paglalakad at paghahanap ng mauupahang bahay.

“Gutom ka na ba? Bibili lang ako ng makakain sa labas, Tin,” malambing namang tanong ni Maki sa nobya.

“Oo, e… pero, may pera pa ba tayo?” tanong ni Tin.

Doon lang naalala ni Maki na wala na pala silang pera, dahil itinodo na niya ang lahat ng kaniyang nasa bulsa para pang-down nila sa renta.

“Hayaan mo na. May five hundred pa ako rito. Natira ʼto doon sa ibinigay ni daddy sa akin na pambili ng cellphone noong isang araw,” sabi naman ni Tin na nakapagpangiti naman kay Maki. Nang gabing iyon hanggang sa susunod na araw ay naging maayos at puno ng pagmamahal ang kanilang mga sandali. Nagkasya pa naman ang five hundred para sa tatlong araw, dahil dadalawa lang naman sila at talagang tinipid nilang maigi ang pera…

Ngunit pagkatapos nʼon, pareho na silang nagkukumahog na bumalik sa kani-kaniyang mga tahanan, dahil hindi na nila alam kung saan kukuha ng pagkain o iinuming tubig man lang!

“Kasalanan mo kasi ʼto, e! Kung hindi mo ako niyayang magtanan, edi sana, wala tayong problema ngayon?!” hiyaw ni Tin sa kalagitnaan ng pagtatalo nila ni Maki, pagkalipas pa lamang ng ilang araw na pananatili sa apartment.

“Bakit ako lang? Hindi baʼt pumayag ka naman? Edi ibig sabihin, gusto mo rin!” ganti naman ni Maki sa nobya.

Napahagulgol na lamang si Tin sa kanilang sitwasyon, habang si Maki naman ay napuno ng pagsisisi. Tila ba biglang naglaho ang mga pangako nilang paninindigan ang sinimulang pagtatanan, dahil hirap na hirap na sila. Ito pala ang ibig sabihin ng kanilang mga magulang. Hindi pala talaga madali ang pag-aasawa, dahil hindi sapat ang pagmamahal lang!

Napagpasiyahan ng dalawa na parehong umuwi na sa kanila at tanggapin kung ano man ang parusang ipapataw ng kanilang mga magulang. Sa totoo lang ay kasalanan naman nilang dalawa ang lahat.

Takot man ay kinatok ni Tin ang pintuan ng kanilang bahay. Nasa likod naman niya si Maki na minabuting ihatid siya sa kanila upang kahit papaano ay makabawi man lang siya sa mga magulang ni Tin.

Inaasahan ng dalagita, na sampal o malulutong na mura mula sa ina at ama ang bubungad sa kaniya, ngunit hindi… dahil sinalubong siya ng mahihigpit na yakap ng mga ito at umiiyak na mga mata.

Samantalang nagulat naman si Maki dahil nagkataong naroon din pala ang kaniyang mga magulang na ganoon din ang naging reaksyon. Ilang araw din palang hindi tumigil sa paghahanap sa kanila ang mga ito.

Doon napagtanto nina Tin at Maki ang halaga ng mga pangaral ng kanilang mga magulang at kung gaano sila kamahal ng mga ito. Nang mga sandaling iyon, matindi ang naging pagsisisi nila at ipinangako sa mga sariling hindi na muling uulitin pa ang kanilang ginawa. Nangako rin sila sa kanilang mga magulang na magtatapos muna sila sa pag-aaral at sisiguraduhing may napatunayan na sa buhay bago sila magpapakasal at magsasama.

Advertisement