Parang Hindi Tao Kung Ituring Niya ang Kaniyang mga Empleyado; Nagsisi Lang Siya nang Maranasan Niya ang Hirap ng mga Ito
“Nora! Halika nga dito!”
Umalingawngaw sa buong kabahayan ang galit na boses ni Amanda. Bitbit niya ang isang pulang bestida na natagpuan niya na lang na sunog ang ilang bahagi. Mukhang may isa na naman siyang kasambahay na malilintikan!
“Bakit po, Ma’am?” tanong ng papalapit na si Nora.
Ipinakita niya rito ang bitbit. Nanlaki ang mata nito, tila ngayon lang napagtanto ang nagawang pagkakamali.
“Ikaw ba ang may gawa nito?” gigil na tanong niya.
“Ma’am! Sorry po! Hindi ko po sinasadya, hindi ko po napansin!” nanginginig na bulalas nito.
“Sorry? Alam mo ba kung gaano kamahal ang bili ko rito? Baka kahit isang taon mong sweldo, hindi pa rin maging sapat!” galit niyang kastigo sa pobreng kasambahay.
Sa sobrang pagmamakaawa nito sa ay nagawa pa nitong lumuhod.
“Sorry po talaga, Ma’am. ‘Wag niyo po akong sisantehin!” desperado nitong pakiusap.
“Ibabawas ko ‘to sa sweldo mo. Kung ayaw mo na paalisin kita, sana inaayos mo ang trabaho mo! Huli na ito, sa susunod mukha mo na ang paplantsahin ko, maliwanag?” matalim niyang angil sa babae saka niya ito tinalikuran.
Naiwan itong umiiyak at inaalo ng iba pang mga kasambahay. Imbes na maawa, nailing na lang siya sa sobrang inis.
Tama lang ang ginawa niya para magtanda naman ito at magtrabaho nang maayos. Napakalaki ng binabayad niya sa mga ito kaya dapat lang na makuha niya ang tamang serbisyo.
Istrikta na talaga siya noon pa man. Hangga’t maaari ay gusto niya na maging perpekto ang lahat. Kapag may nagkakamali, hindi siya nagdadalawang isip na disiplinahin ang dapat disiplinahin.
“Kung tutuusin, dapat nga magpasalamat kayong lahat na tinanggap ko pa kayo sa pamamahay ko! Pinapasweldo ko kayo nang maayos pero simpleng trabaho lang, hindi niyo maayos?” galit niyang sigaw sa mga ito, isang beses matapos niyang maabutan na makalat pa rin ang bahay at nakaupo lamang ang tatlong kasambahay.
“Ma’am, hindi naman po kami tumutunganga lang. Maghapon po kaming abala. Ako po naglilinis sa taas, si Rita naman po sa baba habang si Esther naman po naglaba. Talagang napagod lang po kami nang husto at naisipan naming magpahinga kahit kaunti,” pagdadahilan ni Nora, na mas lalong nagpainit sa ulo niya.
“At talagang nagdadahilan ka pa ha? Gusto mo bang ikaw ang ilampaso ko diyan sa sahig?” sigaw niya sa babae habang dinuduro-duro ang sentindo nito.
“Alalahanin niyo, ako ang nagpapa-sweldo at nagpapakain sa inyo. Kung anuman ang sabihin ko, kailangan niyong sundin. Kapag sinabi kong hindi kayo pwedeng magpahinga, hindi kayo magpapahinga, kaya linisin niyo ‘yan ngayon din kung ayaw niyong masisante! Mga hampaslupa!” aniya saka isang-isang inihagis sa mga ito ang mga panlinis gaya ng walis, dust pan, mop, at kung ano-ano pa.
Aalis na sana siya nang marinig niya ang mataas na boses ni Nora.
“Ayaw ko na! Pagod na akong magtrabaho para sa iyo dahil mukhang kahit na anong gawin namin, hindi magiging tama. Mas mabuti pang umalis na lang ako at maghanap ng ibang mapagkakakitaan,” buong hinanakit na deklara ng babae.
Taas noo niya itong hinarap.
“’Wag mo akong pagmalakihan! Sa tingin mo, kung hindi dito, saan ka pupulutin? Hindi ka nakapag-aral man lang, walang tatanggap sa’yo! Iyon ba ang gusto mo?” nakangising bwelta niya.
Kita niya ang pagtitinginan ng tatlo.
“Lahat kayo pare-pareho lang! Kung gusto niyo umalis kayo, hindi ko kayo pipigilan! Hindi ko kayo kailangan dito!” dagdag niya pa.
Natahimik ang mga ito, pare-parehong nanlulumo ang itsura. Lihim siyang napangisi dahil pakiramdam niya ay tapos na ang usapan at panalo siya.
Aalis na sana siya nang muling magsalita si Nora.
“Kung ganito lang din kababa ang tingin mo sa akin, mas gugustuhin ko talagang umalis. Hindi na bale kung hindi mataas ang sweldo dahil ang mahalaga sakin ay yung ituturing akong makatao. Hindi porket hindi ako nakapag-aral, hindi na ako karespe-respeto!” pahayag nito.
Sa gulat niya, maging ang dalawang kasambahay na sina Missy at Flo ay lakas loob na umimik.
“Tama ka diyan, Nora. Maging ako, hindi ko na kayang manatili pa rito kaya aalis na rin ako!” ani Flo.
“Ako rin!” paggaya rin ni Missy.
“Hindi na ho namin kaya, Ma’am. Sana ay makahanap kayo ng kapalit namin, ‘yung kayang lunukin ang mga masasakit niyong salita,” masama ang loob na litanya ni Nora bago tuluyang lumisan.
Naiwang tulala si Amanda dahil sa nangyari. Ngunit nang makabawi ay wala man siyang nadamang pagkabahala. Marami namang maaaring pumalit sa tatlong nawala.
Ngunit ilang linggo na ang nakalipas ay bigo pa rin siya makukuha ng kasambahay. Nang tumawag siya sa ahensya, wala raw gustong pumasok na kasambahay sa bahay niya lalo na’t hindi naging maganda ang narinig ng mga ito sa mga dating naging empleyado.
Napilitan tuloy siyang pagsabayin ang personal niyang trabaho at mga gawaing bahay. Sa huli, pagod na pagod siya at halos wala na siyang oras na magpahinga.
Sa unang pagkakataon, naramdaman niya kung gaano kahirap ang ginagawa ng mga ito.
Binalot siya ng matinding pagsisisi dahil kahit kailan hindi niya pinahalagahan ang mga ito at minaliit pa niya. Hindi pala biro ang hirap na dinaranas ng mga ito, dumagdag pa siya.
Sa huli ay nagpakumbaba siya at muling hinanap sina Nora, Flo, at Missy. Sa alok na dobleng sweldo at pangako na magiging maayos na ang turing niya sa mga ito ay bantulot na bumalik ang mga dati niyang kasambahay.
Ipinapangako niya na babawi siya sa mga ito!