
Tinalikuran Niya ang Nobyo Dahil sa Malubhang Sakit; Tuparin pa rin Kaya Nito ang Pangako sa Kaniya?
Tila pinipiga ang puso ni Meanne habang naglalakad palayo sa dati niyang nobyo na si Jerome.
Nakipaghiwalay kasi siya sa nobyo matapos niyang matanggap ang balita na mayroon siyang karamdaman. Wala raw kasiguraduhan kung gagaling pa siya.
Isa pa, wala rin naman siyang pampagamot, kaya sigurado na siya na hindi na siya gagaling.
Ayaw niya na hintayin pa siya ng nobyo. Gusto niya kasi na makahanap pa ito ng babaeng magmamahal dito, kung sakali man na mawawala siya.
Ayaw niya na rin na malaman pa nito ang totoo. Hindi niya nais na magdusa pa ito.
Tumulo ang luha ni Meanne nang maalala niya ang sinabi ng lalaki.
“Hihintayin kita gaano man katagal. Hihintayin ko ang pagbalik mo…”
Tiyak ang patutunguhan ng mga paa niya. Sa lugar na kaisa-isang nakakaalam ng lihim niya. Sa ospital.
Sinalubong siya ng nars na si Emma. Malawak ang ngiti nito.
“Meanne! May good news tayo!” tuwang-tuwang bungad nito.
Hindi niya tuloy maiwasang mapangiti. Mukha kasing galak na galak ang nars, na naging malapit na niyang kaibigan.
“Ano ba ‘yan at parang gusto mo pa yatang magtatalon?” kantiyaw niya sa babae.
“May gagastos na sa pagpapagamot mo! May isang sponsor na tutulong sa’yo!” nanlalaki ang matang pagbabalita nito.
Agad na binalot ng saya ang puso niya. Tila isang himala kasi ang pagdating ng tulong na iyon sa buhay niya.
“Talaga? Sino raw?” nangingilid ang luhang usisa niya.
Umiling ito.
“Hindi natin alam. Pero hindi na mahalaga ‘yun, ang mahalaga ay madurugtungan na natin ang buhay mo. Pwede pang matupad ang pangarap mo na ikasal sa nobyo mo.”
Noon tuluyang tumulo ang luha ni Meanne.
“Sinabi ko na ‘wag niya na akong hintayin. Paano kung makahanap siya ng iba?” umiiyak na himutok niya.
Hinawakan ng nars ang kaniyang mga balikat.
“Kung mahal ka niya, hihintayin ka niya. Kahit pa hindi ka na bumalik, patuloy siyang maghihintay. Kaya ‘wag kang mawalan ng pag-asa,” payo nito.
Lumuluhang napayakap na lang siya sa kaibigan. Sa isip niya ay naroon ang piping hiling na sana ay tuparin ni Jerome ang pangako nito na hintayin siya.
Subalit hindi naging madali ang lahat. Sa unang taon niyang pagpapagamot ay tila hindi man lang bumuti ang kondisyon niya.
Kung hindi lang dahil sa suporta ng mga doktor at nars na napalapit na rin sa kaniya, baka matagal na siyang sumuko.
Mabuti na lang ay patuloy siyang lumaban. Dahil noong sumunod na tatlong taon ay nag-tuloy .tuloy na ang pagbuti ng lagay niya.
Makalipas ang eksaktong limang taon ay ibang-iba na si Meanne.
Wala na ang maputla niyang kulay, at muli nang malago ang itim na itim niyang buhok.
Mamula-mula na ang dati niyang nagbibitak-bitak na labi.
Kung mayroong mang hindi nag-iba, iyon ay ang nagmamay-ari ng kaniyang puso.
“Paano kung may asawa na siya?” hindi maiwasang tanong ni Emma.
Tipid siyang ngumiti.
“Basta masaya siya, doon ako…”
Kabado niyang tinungo ang bahay ng lalaki. Ngunit halos mapudpod na ang kamao niya kakakatok sa pinto nito ay walang Jerome na lumabas.
Lulugo-lugo siyang tumalikod. Kung wala ito sa dati nitong bahay ay hindi niya alam kung saan ito hahanapin.
Nakakailang hakbang pa lang siya nang bumukas ang pinto. Nalingunan niya ang isang lalaki na pupungas-pungas pa at mukhang galing sa malalim na pagtulog.
“Aalis ka na naman? Iiwan mo na naman ulit ako? Limang taon akong naghintay, ako, ilang minuto lang nahuli, iiwan mo agad? Ang daya mo…” seryosong saad nito.
Awtomatikong bumulwak ang luha ni Meanne. Tila tinupad nito ang pangako na hihintayin siya!
Naramdaman niya na lang ang mahigpit na yakap ng kaniyang minamahal. Ramdam niya ang pangungulila nito.
“Miss na miss na kita. Salamat. Salamat at lumaban ka, ar bumalik ka sa akin…” bulong nito. Maging ito ay napaluha.
Ngunit tila nanigas siya nang maalala ang sinabi nito.
“Lumaban? P-paano mo nalaman?” gulat na usisa niya nang mapagtanto na alam nito ang pinakalilihim niya.
Hindi ito sumagot ngunit naging malikot ang mata nito. Doon pumasok sa isip niya tumulong sa pagpapagamot niya.
“Ikaw? Ikaw ang tumulong sa pagpapagamot ko?” naguguluhan niyang tanong.
Unti-unti itong tumango.
“Paano mo nalaman?” naiiyak niyang usisa.
“Hindi ko maiwasang mag-isip kung bakit bigla-bigla ka na lang aalis. Sa pag-iimbestiga ko, nalaman ko na pabalik-balik ka sa ospital…” paliwanag nito.
Niyakap niya nang mahigpit ang lalaki. Alam niya na iyon na ulit ang simula ng masaya nilang pagsasama.
Naalala niya ang sinabi sa kaniya ni Emma noon.
“Kung mahal ka niya, hihintayin ka niya. Kahit pa hindi ka na bumalik, patuloy siyang maghihintay. Kaya ‘wag kang mawalan ng pag-asa.”
Tama ang kaibigan niya. Para sa tunay na nagmamahal, walang matagal na paghihintay. Salamat at hinintay siya ng kaniyang pinakamamahal.