Inday TrendingInday Trending
Agad Siyang Nagplano para sa Ika-Sampung Anibersaryo Nila ng Kaniyang Kasintahan; Matuloy Naman Kaya Ito?

Agad Siyang Nagplano para sa Ika-Sampung Anibersaryo Nila ng Kaniyang Kasintahan; Matuloy Naman Kaya Ito?

Nasa ikalimang taon palang ng kanilang relasyon, pinlano na agad ni Ziah ang magiging selebrasyon ng ika-sampu nilang anibersaryo ng kaniyang nobyo. Tila ba siya’y siguradong-sigurado nang ito na ang makakasama niya sa mga taong dadaan pa sa kaniyang buhay.

“Hindi ba masyado pang maaga para planuhin ‘yan, ate? Malay mo, hindi pa talaga siya ang para sa’yo,” kontra ng kaniyang kapatid nang makitang nililista niya sa isang notebook.

“Naku, bunso, siya na talaga ang para sa akin! Kaya ganito kaaga ko pinaplano ang selebrasyon ng aming anibersaryo, gusto ko kasing maganda at sobrang romantiko no’n! Malay natin, baka roon siya mag-propose sa akin, ‘di ba? Kaya dapat, planado ko lahat pati ang susuotin kong bestida!” sabik na sabik niya pang sabi na ikinakunot ng noo nito.

“Naku, ate, basta ako, pakiramdam ko, hindi siya ang para sa’yo! Napakalamig kaya ng turing niya sa’yo. Kahit sa akin, ni hindi man lang nabati!” singhal nito na labis niyang ikinainis.

“Hindi kami magtatagal kung malamig ang turing niya sa akin, ‘no! Saka, baka nahihiya lang ‘yon sa’yo! Ang taray-taray kaya ng mukha mo!” sigaw niya rito sabay irap sa kapatid dahilan para siya’y irapan din nito at layasan.

Nang araw na ‘yon, natapos niya agad na planuhin ang lahat dahil sa sobrang kasabikan. Nakapagdesisyon na siya kung saang hotel nila ito ipagdidiwang, ano ang pagkaing kakainin nila roon, anong alak ang bibilhin niya na kanilang pagsasaluhan, pati na ang damit nilang dalawa na balak niya, siya ang magtahi upang puno ng pagmamahal.

Naging maayos naman ang mga taon pang dumaan sa kanilang pagmamahalan. Madalas man silang mag-away nito, pakiwari niya’y mas lalo silang nagtitibay dahil dito.

Kaya lang, ilang buwan bago dumating ang ika-sampu nilang anibersaryo, naramdaman niya ang pagbabago ng kasintahan niyang ito. Kung dati, hindi tumatagal ng isang araw ang away nila dahil agad itong humihingi ng tawad, ngayo’y tumatagal na ito ng isang linggo o minsan ay higit pa.

Madalas din itong magkaroon ng bagong mga gamit kagaya ng laptop, sapatos, damit, at kung anu-ano pang luho. Kapag tatanungin niya kung saan ito galing, agad itong magagalit at sasabihing mula sa sarili nitong pera na ikinapagtataka niya dahil kulang pa ang sahod nito upang mabili ang mga mamahaling gamit na iyon.

Nakapag-iisip man siya ng samu’t saring paghihinala dahil sa mga pinapakita nito, pilit niya pa ring tinutuwid ang isipan niya upang huwag lang masira ang pagmamahal niya rito.

Ngunit, isang linggo bago ang pinakahihintay niyang araw, habang siya’y nakikipag-usap sa kaniyang bunsong kapatid na ngayon ay nagtatrabaho na sa isang kilalang hotel sa Maynila bilang isang front desk agent tungkol sa silid na ipapareserba niya sa araw ng kanilang anibersaryo, siya’y biglang tinanong nito sa kalagitnaan ng kanilang diskusyon, “Ate, may problema ba kayo ng nobyo mo?” na bigla niyang ikinapanlamig sa dahilang hindi niya malaman.

“Anong klaseng tanong ba ‘yan, bunso? Tingin mo ba itutuloy ko ang plano kong ito kung hindi kami ayos?” inis niyang tanong dito.

“Mas mabuti pa ngang huwag mo nang ituloy ang plano mo, ate. Marami pang iba na magmamahal sa’yo nang totoo,” bulong nito.

“Ano bang sinasabi mo riyan, bunso? Alam kong hindi ka boto sa kaniya pero…” agad na nitong pintuol.

“Ate, may kasama siyang matanda ngayon dito sa hotel! Hindi niya yata alam na rito ako nagtatrabaho!” pagtatapat nito na agad ikinaguho ng mundo niya.

“Bunso, umayos ka! Nanginginig na ako!” sigaw niya rito, ibababa na niya sana ang tawag nang magpadala kaagad ang kapatid niya ng litrato nito kasama nga ang isang matandang mukhang mayaman!

Doon na siya tuluyang napahagulgol. Hindi na niya naisip na baka marinig siya ng mga katrabaho ng kaniyang kapatid, nilabas na niya lahat ang sakit na dumudurog sa puso niya.

Upang makumpirma, pagkatapos niyang maglabas ng sama ng loob, tinawagan niya ang nobyo upang malaman kung nasaan ito.

“Nandito lang ako sa trabaho, bakit ba? Mamaya ka na nga tumawag, nagtatrabaho ‘yong tao, eh!” sigaw nito.

“Talaga? Sino pala ‘yong kasama mong matanda? Lola mo ba ‘yan sa ibang pamilya? O, sugar mommy mo?” diretsahan niyang tanong dito kahit pa sumisikip na ang dibdib niya.

Ngunit imbes na makatanggap ng paliwanag, sabi pa nito sa kaniya, “Hindi mo ako masisisi kung sasama ako sa matandang mayaman! Dahil ikaw na nobya ko, walang maibigay sa’kin kahit damit sa palengke!” saka siya binabaan ng tawag nito na talagang bumiyak maigi sa puso niya.

Doon niya labis na napagtantong tila tama nga ang sinabi ng kaniyang bunsong kapatid. Dito niya lang napagdugtong-dugtong ang lahat ng asal na pinapakita nito sa kaniya na talaga nga namang hindi seryoso at walang pagmamahal.

“Bakit ko nga sinayang ang sampung taon ko sa lalaking ito?” iyak niya sa kapatid na todo yakap sa kaniya.

Hindi man naging madali sa kaniya ang pangyayaring iyon, sa tulong ng kapatid niyang palaging nasa tabi niya, unti-unti niyang natanggap ang lahat hanggang sa tuluyan na siyang makausad sa buhay at mahalin nang higit kanino man ang kaniyang sarili.

Advertisement