Kahit Positibo sa Kumakalat na Sakit, Nakipagkita pa rin Siya sa Nobyo; Ito pala ang Magiging Rason ng Kanilang Hiwalayan
Lumipas ang Pasko at Bagong Taon nang hindi nakikita o kahit nakakasama ng dalagang si Maxine ang kaniyang nobyo dahil sa maraming dahilan. Hindi sila kita nakapagkita at nakapagdiwang nang magkasama noong Noche Buena at Pasko dahil nasa ibang bansa ang nobyo niya noon kasama ang pamilya nito.
Ito ang dahilan para magplano silang magkita bago magtapos ang taon. Balak pa nga nila noong magrenta ng yate mula sa sari-sarili nilang ipon. Kaya lang, dahil na-delay ang pag-uwi nito rito sa Pilipinas, muli na naman itong naudlot.
“Mukhang hindi na tayo makakapagkita, mahal, ha? Hindi mo na ba ako mahal?” pagtatampo niya rito nang minsan silang magkausap.
“Mahal na mahal kita! Sadyang nakiusap lang ang iba naming kapamilya na rito na lang kami magdiwang ng Pasko at Bagong Taon! Hayaan mo, pagkadating namin d’yan at pagtapos ng pamamalagi namin sa hotel, magkikita agad tayo!” paliwanag nito sa kaniya.
“Kahit anong mangyari, ha, magkikita na tayo!” paninigurado niya na sinang-ayunan naman nito.
Dahil sa labis na kasabikang muling makasama ang nobyo, siya na ang nagplano ng mga gagawin nila sa araw na iyon. Nagpa-reserve na siya ng lamesa sa paborito nilang restawran, at namili na siya ng susuotin niyang damit pati na rin ang regalong ibibigay sa pinakamamahal niya.
Kaya lang, sa unang araw ng Bagong Taon, habang pauwi na sa Pilipinas ang kaniyang nobyo, bigla naman siyang nagkaroon ng ubo at sipon.
Balak niya sanang balewalain lamang ito kaya lang, siya’y biglang nilagnat at nahirapang huminga dahilan para siya’y pilitin ng kaniyang mga magulang na magpatingin na kung mayroon siyang nakakahawang sakit na talamak ngayon. Katulad ng kinakatakutan niya, pagkalabas ng resulta sa pagsusulit na ginawa sa kaniya, siya nga ay nagpositibo sa naturang sakit at agad na siyang hiniwalay sa kaniyang buong pamilya.
Imbes na siya’y mag-alala sa sariling kalagayan at kalusugan ng kaniyang buong pamilya, mas nag-alala pa siyang baka hindi na naman matuloy ang pagkikita nila ng kaniyang kasintahan.
“Panigurado kapag nalaman no’ng nagpositibo ako sa kumakalat na sakit, hindi na naman matutuloy ang pagkikita namin! Siguro naman paglipas ng isang linggo, magaling na ako! Hindi ko na muna sasabihin sa kaniya!” sabi niya sa sarili habang sinusuob niya sa mainit na tubig ang kaniyang mukha.
Bago pa siya matapos sa ginagawa, bigla na siyang tinawagan ng kaniyang kasintahan upang ibalita sa kaniya na negatibo ang resulta nito mula sa kumakalat na sakit at tatlong araw na lang, pupwede na itong lumabas ng hotel.
“Naku! Ang tagal-tagal naman no’n! Hindi ba pupwedeng ngayon na tayo magkita?” biro niya rito na ikinatawa naman nito.
“Hindi pwede, mahal! Kailangan nating sumunod sa mga patakaran upang masiguro ang kaligtasan nating dalawa. Teka, ayos ka lang ba? Bakit parang iba ang boses mo?” pag-aalala nito sa kaniya at imbis na sumagot, agad niyang binaba ang tawag at nagdahilang tinawag siya ng kaniyang ina upang utusan.
Ilang araw pa ang lumipas, dumating na nga ang araw ng kanilang pagkikita. Kahit positibo pa rin siya sa sakit at may ubo’t sipon, tinuloy niya pa rin ang pakikipagkita sa kasintahan. Nagawa niya pa ngang tumakas sa nars na nagbabantay sa kaniya para lang makasama ang binata.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang muling makita at makasama ang naturang binata. Panay ang yakap at halik niya rito kahit pa tila bumibigat na naman ang nararamdaman niya.
“Sigurado ka bang ayos ka lang?” pag-aalala nito sa kaniya.
Sasagot palang sana siya nang bigla niyang makita sa restawran ang nars na nagbabantay sa kaniya dahilan para siya’y agad na tumakbo palayo. Hinabol man siya ng nobyo, agad niya na rin itong pinauwi.
Nang siya’y makita ng nars, agad siya nitong pinasakay sa ambulansyang nag-aabang sa labas ng restawran at lahat ng tao roon, agad na sinuri kung nahawaan niya.
Kaya lang, noong mga oras na iyon, nakauwi na sa bahay ang kaniyang nobyo at dahil ito ang pinakanakasalamuha niya, sinadya ito ng mga nars sa bahay at doon sinuri pati na ang buong pamilya nito.
Halos manghina ang buong kalamnan niya nang malamang lahat ng tao sa restawran ay nahawaan niya kabilang na ang buong pamilya ng nobyo niya.
“Diyos ko! Ano ba ‘tong nangyayari? Sabihin niyo sa aking panaginip lang ito!” mangiyakngiyak niyang wika.
“Matigas kasi ang ulo niyo, ma’am, galit na galit tuloy sa’yo ang buong pamilya ng nobyo niyo! Pinipilit nga nilang hiwalayan ka na ng binata,” galit na sabi ng nars na agad niyang ikinaiyak.
Agad man siyang humingi ng tawad sa pamilya nito pati na sa mga inosenteng taong nahawaan niya, ni isang tao, kahit ang nobyo niya ay hindi siya pinatawad. Sabi pa nito, “Ingat na ingat kami para hindi magkasakit, Maxine, pero dahil sa pagiging makasarili mo, nasa malubhang kalagayaan ang lolo at lola ko. Kaya mabuti pa ngang maghiwalay na tayo!” na labis niyang ikinadurog.
Gusto man niya sanang itama ang ginawang kamalian, wala na siyang maisip na paraan. Lalo pa nang malaman niyang paglipas ng ilang araw, wala na ang lolo ng kaniyang nobyo.
“Patawarin niyo po ako, patawad po talaga!” iyak niya habang pinagmamasdan ang litrato ng lolo na nakita niya sa social media.
Simula noon, labis na siyang nag-ingat upang maproteksyunan ang sarili at mga taong nasa paligid niya. Patuloy niyang pinagsisihan ang ginawang kasalanan at nangakong hindi na ito muling gagawin pa.