Inday TrendingInday Trending
Panay ang Lait Niya sa Itsura ng Dalagang Kapitbahay; Tama ba ang Hinala ng Asawang Naglilihi na Siya?

Panay ang Lait Niya sa Itsura ng Dalagang Kapitbahay; Tama ba ang Hinala ng Asawang Naglilihi na Siya?

Todo lait ang ginang na si Daisy sa isa niyang kapitbahay. Hindi niya mawari kung bakit inis na inis siya tuwing nakikita niya ito at para bang gusto niyang hilurin ang buong katawan nitong pakiwari niya ay puno ng libag.

May pagkakataon pang tila gusto niya baguhin ang buong mukha nito dahil pangit na pangit siya sa itsura nito. Alam man niyang marami na sa kanilang mga kapitbahay ang naiinis sa kaniya dahil sa talas ng dila niya tuwing napapadaan ang dalaga sa kanilang bahay, hindi pa rin niya ito tinitigilan.

“Hoy, Mariel, mukhang hindi ka na naman naligo, ha? Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na maligo ka araw-araw? Tapos tingnan mo ‘yang ilong mo, napakalaki na, nakadapa pa!” sigaw niya sa naturang dalaga nang mapadaan na naman ito sa kanilang bahay.

“Ano bang masamang ginawa ko sa’yo, Daisy? Panay na lang ang panlalait mo sa akin ah! Para sabihin ko sa’yo, naligo at nakapaghilod na ako, ‘no! Kung ang ilong ko naman ang problema mo, huwag ka nang tumingin sa akin dahil hindi ko na ito mababago!” galit na sigaw nito sa kaniya.

“Naligo at nakapaghilod ka na? Bakit mukha ka pa ring maasim?” panglalait niya pa saka tiningnan ito mula ulo hanggang paa.

“Daisy, hindi ka ba nakokonsensya sa mga sinasabi mo? Tiyak na araw-araw mong nasasaktan si Mariel!” sabat ng isa niyang kapitbahay saka agad nang pinaalis ang dalagang mangiyakngiyak na.

“Inilalarawan ko lang naman ang itsura niya! Saka, lahat naman ng sinasabi ko ay tama!” tugon niya pa dahilan para magdabog na ang kapitbahay nilang ito at maalarma na ang kaniyang asawa.

“Mahal, tama na ‘yan, pumasok ka na rito sa bahay. May ibibigay ako sa’yo,” bulong ng asawa niya kaya siya’y agad na pumasok sa kanilang bahay.

Pagkapasok nila, agad siyang pinapunta ng asawa sa kanilang palikuran at siya’y inabutan ng tatlong pregnancy tests.

“Anong gagawin ko rito? Iniisip mo bang buntis ako at pinaglilihian ko ang pangit na ‘yon?” inis niyang tanong dito.

“Tama na ang daldal, mahal, sundin mo na muna ako ngayon,” pakiusap ng kaniyang asawa.

Padabog niyang binuksan ang nga pregnancy tests at isa-isa niya itong pinatakan. Paglipas ng ilang minuto, halos hindi siya makapaniwala nang makitang malinaw na malinaw ang dalawang linya sa mga pregnancy tests na nasa harapan niya.

“Sinasabi ko na nga kaya gan’yan ka na lang makapanglait at mainis, eh!” tuwang-tuwa sabi ng kaniyang asawa nang makita ang resulta.

“Diyos ko! Hindi maaari ‘to!” sigaw niya sa labis na pagkadismaya.

“Anong ibig mong sabihin? Ayaw mo pang magkaanak?” nag-aalalang tanong nito.

“Hindi sa ganoon! Ayokong paglihian ang pangit na ‘yon! Huwag na huwag mo nang papadaanin ‘yon sa bahay natin! Ayokong maging kamukha niya ang anak natin!” iyak niya na ikinatawa na lang ng kaniyang asawa.

Kahit pa hindi na nagpapakita sa kaniya ang dalagang iyon, patuloy itong tumatakbo sa isip niya. Mapaaraw man o gabi, mukha nito ang palagi niyang nakikita sa hangin na ikinaiiyak niya na lang.

Katulad ng kinakatakutan niya, paglipas ng ilang buwan, tuluyan na siyang nakapagsilang ng isang sanggol na kamukhang-kamukha ng kapitbahay nilang iyon.

“Nagsilang ako ng kakambal ni Mariel!” dismayado niyang sabi na ikinatatawa ng lahat ng kanilang mga kapitbahay.

Kahit pa ganoon, ilang araw lang ang lumipas, siya’y unti-unti nang nagandahan sa mukha ng kapitbahay nilang iyon pati sa anak niyang kamukha nito. Dito na siya nagpasiyang humingi ng tawad sa kapitbahay nilang ito dahil alam niyang nasaktan niya ang damdamin nito.

“Ayos lang ‘yon, Daisy, pare-parehas naman nating hindi alam na naglilihi ka na pala sa akin! Sa katunayan, masaya akong kamukha ko ang anak mo dahil hindi pa ako nagkakaroon ng anak hanggang ngayon! Ninang ako niyan, ha!” masaya nitong sagot sa kaniya na labis niyang ikinatuwa.

Simula noon, ni minsan, hindi na muling tumakbo sa isip niya ang naturang dalaga. Hindi na rin siya naiinis sa itsura at katawan nito. Bagkus, nakita niya nang muli ang kagandahang mayroon ito.

Labis din siyang napalapit dito dahil gustong-gusto nitong alagaan ang kaniyang anak dahilan para halos araw-araw itong nasa kanilang bahay.

Dahil dito, kahit pa bagong panganak lang siya at may trabaho ang kaniyang asawa, hindi na siya nabuburyo sa bahay, nakakagawa pa siya ng mga gawaing bahay dahil bantay-bantay nito palagi ang kaniyang magandang anak.

Advertisement