Ubod ng Torpe ang Binata Kaya Hindi Niya Maipagtapat sa Dalaga na Gusto Niya Ito; Mas Daig Pala Siya Nito

Ubod ng Torpe ang Binata Kaya Hindi Niya Maipagtapat sa Dalaga na Gusto Niya Ito; Mas Daig Pala Siya Nito

InspiringLoveStories

Nasa kolehiyo pa lamang sila ay may lihim na pagtingin na si Enrico sa kaklaseng si Gweneth. Pero siya pa ang naging tulay kaya naging nobya ito ng matalik niyang kaibigan na si Aleck.

Makalipas ang ilang taon, matapos nilang nakagradweyt na tatlo ay may kaniya-kaniya na silang mga trabaho. Hindi inasahan ni Enrico na muli silang magtatagpo ng babaeng labis niyang iniibig.

“Sa iyo pala ang talyer na ito. Buti dito ko naisip na ipaayos ang kotse ko,” wika ni Gweneth sa kaniya.

“Ito ang naisip kong itayong negosyo mataos kong makaipon nang magtrabaho ako sa Saudi,” tugon ng binata.

“Wow, buti ka pa, may sariling negosyo na!” masayang sabi ng babae.

“Oo nga eh, sinuwerte lang. Ikaw, kumusta ka na? Nang gumradweyt tayo noon ay ngayon lang tayo muling nagkita,” aniya.

“Auditor ako ngayon sa isang bangko. Ikaw, ilan na ba ang anak mo?” tanong ni Gweneth.

Umiling si Enrico.

“Nobya nga eh wala ako, asawa pa kaya’t anak,” sagot niya.

Napangiti naman si Gweneth sa tinuran ng binata.

“Ganoon ba? A, eh baka wala kang sekretarya dito, puwede ako. Matagal ko na kasing gustong magresign sa trabaho, eh,” wika ng babae.

“Gustuhin ko man eh baka magalit si Aleck,” sabi niya.

Biglang nalungkot ang mukha ni Gweneth, nawala ang ngiti sa mga labi.

“Hindi naging successful ang relationship namin ng kaibigan mo. Ilang araw lang buhat nang makagradweyt tayo sa kolehiyo ay nagbreak din kami,” sabi ng babae.

“Ha? Hindi ko alam iyan. Hanggang ngayon kasi ay wala na akong balita kay Aleck. Hindi na nga sa akin nagpaparamdam ang lokong iyon,” gulat na wika ni Enrico.

“May asawa na siya. Inaanak ko pa nga ang bunso nila,” tugon ni Gweneth.

“Ano? Kaya pala hindi na siya tumatawag sa akin, iyon ay dahil wala na kayo at may ibang babae na. Kapag nakita o nakausap ko ang lokong iyon humanda siya sa akin,” inis niyang sabi.

“Hayaan mo na, nakamove on na naman ako sa kaniya,” saad pa ni Gweneth.

Nang malamang malaya na ulit ang babae ay labis na iyong nakapagpaligaya kay Enrico.

“Ngayon na ang pagkakataon mo. Huwag mo na siyang pakakawalan pa,” bulong niya sa isip.

Nang dahil sa katorpehan niya noon kaya pumayag siyang maging tulay sa babaeng pinakamamahal at sa matalik niyang kaibigan.

“Hindi ako torpe ngayon. Patutunayan ko iyan…pakakasalan ko siya agad,” aniya pa.

Ngunit taliwas sa sinabi niya ang kaya niyang gawin.

“Buti naman at napasyal ka at may dala ka pang bulaklak,” masayang bati ni Gweneth nang dalawin niya sa bahay nito.

“K-kuwan…napadaan kasi ako sa flower shop. Nagandahan ako kaya binili ko na p-para sa iyo. M-may pinuntahan kasi ako m-malapit dito sa inyo kaya n-naisip kong dumaan dito,” nauutal niyang sabi.

Dumaan ang mga oras na wala siyang nasabi sa tunay niyang nararamdaman.

“A, eh, magpapaalam na ako, Gweneth.”

“Wala ka bang ibang sasabihin pa, Enrico?” tanong sa kaniya ng babae.

“Ha? W-wala na,” aniya.

“K-kung gayon, salamat na lang sa bulaklak at sa pagkakapasyal mo rito,” sabi ni Gweneth.

Sino man ang maging siya ay tiyak na maiinis sa sarili kaya pagkauwi niya sa bahay…

“Torpe kang talaga. Pagkakataon na ay sinayang mo pa,” inis niyang sabi sa sarili.

Kaya ang mga malalapit niyang kaibigan ay natatawa sa kaniya.

“Pare, si Gweneth lang iyon, na matagal mo nang kilala at gusto, natotorpe ka pa?” pang-aasar ng isa sa mga kabarkada niya.

“Sa kaniya lang naman ako ganito, pare. May mga babae rin namang dumaan sa buhay pero sa kanya lang talaga ko natotorpe,” tugon niya.

“Iisa lang ang sagot diyan, pare, dahil ang mga babaeng dumaan sa buhay mo’y balewalang lahat para sa iyo at si Gweneth lang ang itinitibok niyang puso mo,” sabad ng isa pa niyang kaibigan.

“At umiiral lang ang katorpehan mo kay Gweneth dahil siya ang totoong pag-ibig mo, noon hanggang ngayon, pare,” wika pa ng isa.

Lingid sa kaalaman ni Enrico ay gumagawa na rin ng paraan si Gweneth na magkalapit sila. Nang minsang pumunta ito sa talyer niya…

“Wala naman akong makitang diperensiya sa kotse mo a!” sabi niya.

“Ewan ko ba, pero madalas na nagloloko ‘yan ngayon, eh,” sagot ng babae. “Napakahina mo kasing makaramdam, hmpp,” inis na sabi pa nito sa isip. Ang totoo’y may pagtingin din ito sa kaniya, noon pa. Kung hindi nga lang siya naging tulay para maging magkasintahan ang babae at ang matalik niyang kaibigan ay siya ang gusto nitong maging nobyo.

Lumipas pa ang maraming araw na hindi pa rin sinasabi ni Enrico kay Gweneth ang tunay na damdamin.

“Sinasayang mo lang ang panahon, pare. Baka tumandang kabayo ka na ay hindi ka pa rin nakapagtapat sa kaniya sa ginagawa mong iyan. Sige ka, baka maunahan ka ng iba. Siguro mas mabuti pa kung ako na lang ang manligaw sa kaniya para sa iyo,” natatawang wika ng isa sa mga kaibigan niya.

“Huwag mong gagawin ‘yon, pare. Baka ikaw pa ang ibigin no’n, may asawa ka na, ul*l!” sagot niya.

Isang gabi, dumalaw ulit siya sa bahay ni Gweneth. ‘Di niya naiwasan na matorpe na naman.

“Huwag mong sabihin na naligaw ka na naman? O ‘di kaya’y may pupuntahan ka na namang malapit dito kaya ka dumaan dito?” tanong ng babae.

“A, eh, g-anoon na nga, G-Gweneth,” nauutal niyang sagot.

“At may dala ka muling mga bulaklak. Ibig bang sabihin niya ay napadaan ka na naman sa flower shop? Nagandahan ka at binili mo, right?”

“G-ganoon na nga.”

“Aba, eh, lagi namang ganyan ang sinasabi mo. Hindi ko na nga mabilang kung ilang ulit mong sinabi ‘yan sa akin,” inis na sabi ni Gweneth.

Sa pagkakataong iyon, ang babae na ang hindi makapaghintay na tumanda pa ang kabayo kaya…

“Bukas ay magreresign na ako sa bangko as an auditor para maging sekretarya mo sa talyer,” wika ni Gweneth.

“H-Ha?”

“Huwag kang mag-alala kahit walang suweldo basta pakakainin mo lang ako ha? Saka kailangang pakasalan mo na rin ako. Ayoko yatang tumandang dalaga.”

“G-Gweneth?”

“Ayaw mo yata, eh,” saad pa ng babae na pinamewangan siya.

Ikinagulat ni Enrico ang mga sinabing iyon ng babae, hindi siya makapaniwala na pareho pala sila nang nararamdaman.

“Hindi, gustung-gusto ko nga, eh. Kahit sa lahat ng simbahan ay handa kitang pakasalan,” pagtatapat niya.

“Alam mo noong nasa kolehiyo pa tayo ay ikaw na ang mahal ko. Alam ko naman na may ganoon ka ring damdamin para sa akin. Nagtaka nga ako ng ilakad mo sa akin ang bestfriend mong si Aleck. Sa inis ko tuloy sa iyo kaya sinagot ko siya. Kung alam ko lang sana na gusto mo rin ako, hindi na sana ako naghirap ng maraming taon,” bunyag ni Gweneth.

Napangiti ang binata at niyakap nang mahigpit ang babaeng matagal na niyang sinisinta.

“Ngayong alam ko nang mahal mo rin ako’y sana mapatawad mo ako kung naging mahina at torpe ako. Nakakatorpe kasi talaga ang totoong pag-ibig,” malambing niya sabi.

“Kaya nga ako na ang gumawa ng paraan. Kung ikaw ang hihintayin ko, eh tatanda tayong parehong binata’t dalaga,” tugon ni Gweneth na hinalikan pa sa pisngi si Enrico.

Kinilig naman ang loko, sa wakas ay happy ending din ang kinahantungan ng pagiging torpe niya.

‘Di nagtagal ay ikinasal ang dalawa. Naging mabuti siyang mister sa kaniyang maybahay na si Gweneth at ganoon din ito sa kaniya.

More Stories