Galit na Galit ang Dalagita sa Bugok at Batugan Niyang Ama; Supalpal Siya Nang Malaman ang Itinatago Nitong Lihim
Lumaki si Jasmin sa mariwasang buhay. Siya ay nag-iisang anak ng mag-asawang Leonila at Dado. Sa edad na labing anim na taon ay tila ba nasa kaniya na ang lahat. Doktora ang mama niyang si Leonila sa Amerika kaya kahit anong hilingin niya ay kayang-kaya nitong ibigay sa kaniya. Kasalukuyan silang nakatira sa isang condominium sa Makati at nag-aaral pa siya sa isang pribadong eskwelahan.
Ang papa naman niya ay dating magsasaka sa probinsya pero nang sumama sa kaniyang ina sa Maynila ay hindi na nagtrabaho. Ewan ba niya kung bakit ito ang nagustuhan ng mama niya eh, mukha namang batugan at tamad. Ang totoo kasi ay hindi siya malapit dito at ikinahihiya niya.
Hindi kasi nakapagtapos ang ama niya sa pag-aaral kaya pagsasaka lang ang alam nito. Iniisip pa rin niya kung ano ang nakita ng kaniyang ina sa lalaking ito. Sa tingin pa niya ay napakahina rin ng ulo nito, sa madaling salita ay mangmang kaya hindi talaga nababagay sa inang doktora. Matalino at magaling na doktora ang mama niya kaya nakapagtrabaho sa Amerika samantalang ang ama’y bobo na, wala pang trabaho at umaasa lang sa padala ng mama niya.
Minsan ay narinig niyang nag-uusap ang mga magulang sa videocall.
“Kailan ka ba uuwi dito sa Pilipinas? Dalawin mo naman kami ng anak mo, miss na miss ka na niya, eh,” wika ng papa niya.
“May sakit ang anak ko kay Steven. Hindi ko siya puwedeng basta iwan na lang. May responsibilidad din ako sa kaniya,” tugon ng mama niya.
“Ano? May ibang anak si mama?” gulat niyang sabi sa isip.
Bakit ngayon lang niya nalaman ito? At bakit kung pag-usapan ng mga ito ang tungkol doon ay para bang matagal nang alam ng papa niya ang anak ng mama niya sa ibang lalaki? Nasagot ang tanong niya nang muling magsalita ang kaniyang ama.
“Wala kang narinig na sumbat sa akin nang magloko ka riyan sa Amerika, tinanggap ko na dalawa kami ng ‘Kanong iyon basta sa amin ka lang uuwi ni Jasmin. Bakit mo naman ginagawa ito sa amin, Leonila? Kahit huwag ka nang magpaka-asawa sa akin, kahit magpaka-ina ka na lang sa anak natin, t-teka, huwag mo naman akong babaan!” sagot ng papa niya.
Iyon ang huling narinig ni Jasmin bago siya tumakbo papasok sa kwarto niya at padabog na humiga sa kama. May ganoon palang problema ang mga ito pero wala siyang kaalam-alam.
“Nakakainis! Si papa naman kasi, napakabatugan, ayaw maghanap ng trabaho at mukhang dugyot pa kaya siguro ipinagpalit ni mama sa iba. O baka naman kasi nagsawa na si mama kay papa dahil wala naman itong pinag-aralan, mangmang, bopols, hindi katulad ng ibang edukado at propesyonal na lalaki na maaaring ipagmalaki ni mama. Tiyak na may pinag-aralan at titulado ang Steven na iyon kaya pinatulan ni mama samantalang si papa ay utak lugaw na hirap kong tanungin kapag may homework ako kasi hindi niya alam ang isasagot sa mga tanong ko, kaya hindi ko masisisi si mama kung bakit siya nanlalaki,” bulong ni Jasmin sa sarili.
Para sa kaniya, kahit siguro siya ang nasa lugar ng mama niya ay mababagot at iiwan din niya ang papa niya. Wala itong kuwenta.
Iyon nga ang tumatak sa isip niya, sinisisi niya ang kaniyang ama sa panlalalaki at pang-iiwan sa kanila ng mama niya at nabubulagan siya sa katotohanang ang ina ang tunay na nakagawa ng kasalanan.
Isang umaga, habang nag-aalmusal.
“Anak, ubusin mo ‘yang pagkain mo, ayokong nagugutom ka kapag nasa klase. At yung baon mo nakahanda na ha? Baka makalimutan mo,” masuyong sabi ng papa niya. Tatlong buwan na rin ang nakalipas mula nang hindi magparamdam ang mama niya. Tuloy pa rin naman ang pagpapadala nito ng pera sa kanila pero hindi na ito tumatawag.
“Papa, may i ask you a question? My teacher asked me, what is the meaning of Coup d’etat?” tanong niya sa ama, alam naman niya ang sagot pero tinatanong niya ito para lang mapahiya. Mas nasisiyahan kasi siya kapag nakikita niyang nahihirapan sa pag-iisip at namumutla ang papa niya kapag tinatanong niya ng mga tanong na hindi nito kayang sagutin. At talagang Ingles ang ginamit niya para lalo itong maguluhan.
“A, eh, ano iyan, anak…ano ba iyon? Naku, hindi ako pamilyar sa salitang iyan, eh. Hayaan mo, magre-research ako sa internet kung ano ang ibig sabihin niyon,” nalilitong sagot ng papa niya.
“Huwag mo na sagutin. Bakit nga ba kasi sa iyo pa ako nagtanong, papa? Eh, wala ka namang alam, ‘di ba, hindi ka naman nakapag-aral? Buti nga ‘yung research alam mo, eh kung hindi ka pa tinuruan ni mama, hindi mo iyon malalaman. Kaya hindi na tumatawag dito si mama kasi wala kang kwentang kausap,” dire-diretso niyang pahayag sa kaniyang ama na tahimik lang at halatang napahiya sa mga sinabi niya. Hindi na nakasagot pa ang lalaki dahil parang nagbara na ang lalamunan nito at nanikip ang dibdib sa sobrang sakit ng mga salitang binitawan niya rito.
Dali-dali siyang lumabas ng condo at hindi na nagpaalam sa kaniyang ama. Wala naman itong nagawa at naiwan lang na nakatulala.
Habang nasa eskwelahan ay maghapong mainit ang ulo ni Jasmin, iniisip niya na bakit kasi hindi na lang naging iba ang tatay niya. Balak din niya na kapag nakausap niya ang mama niya ay sasabihin niyang sasama na lang siya rito sa Amerika, tiyak niyang miss na miss na siya nito at gusto rin siyang makasama ng mama niya. Iiwan na niya ang tatay niyang bugok at tamad. Pagkatapos ng klase ay maaga siyang umuwi at baka matiyempuhan niyang tumawag ang ina.
Habang nasa tapat na siya ng pintuan ay may narinig siyang pamilyar na boses, boses iyon ng kaniyang mama.
“Where’s Jasmin?” tanong nito.
Sa wakas at dumating na ang mama niya at hinahanap siya nito. Tama ang hinala niya na gusto siya nitong makita.
“Wala pa siya, nasa eskwelahan pa. Mabuti naman at umuwi ka na,” sabi ng papa niya.
Papasok na sana siya at mag-eempake ng mga gamit niya dahil sasabihin niyang sasama na siya sa mama niya pero laking gulat niya nang marinig ang isinagot nito sa papa niya.
“Hindi ako umuwi dito para bisitahin kayo, narito ako para kunin na ang mga gamit ko at hindi na ako babalik dito. Buti nga at wala dito ang bastardang iyon para hindi na ako makipagplastikan sa kaniya,” sabi ni Leonila sa asawa.
“Bakit mo ito ginagawa sa amin, Leonila? Naging mabuti akong asawa sa iyo kahit noon pa man ay hindi mo ako minahal. Alam ko naman na napilitan ka lang na magpakasal sa akin dahil iyon ang kagustuhan ng mga magulang mo. Matalik na magkakaibigan ang mama at papa mo at ang nanay at tatay ko, na kahit mataas ang antas ng kanilang pamumuhay ay tinanggap nila ang aking pamilya at ako para sa iyo. Mahal na mahal kita kaya nang lumuwas tayo rito sa Maynila ay naghanap ako ng mas magandang trabaho at iniwan ang pagsasaka para mabigyan din kita ng magandang buhay kahit hindi ako nakatapos sa pag-aaral, pero hindi ko naman kasalanan na hindi ko iyon natupad dahil may kumplikasyon ako sa puso. Hindi ako maaaring mapagod o gumawa ng mabibigat kaya mas pinili ko na lamang na gampanan ang pagiging inang ama kay Jasmin at ako ang lahat ang nag-aasikaso dito sa bahay habang ikaw ang kumikita sa Amerika. Akala mo ba ay madali para sa akin iyon? Napakahirap para sa akin na magmukhang batugan at walang silbi sa ating anak. At puwede ba, huwag mo namang sabihing bastarda si Jasmin dahil anak natin siya,” wika ni Dado.
“Bakit? Talaga naman a! Bastarda ‘yang batang yan dahil hindi ko naman siya totoong anak. ‘Di ba inampon lang naman natin siya dahil akala ko noon ay hindi na ako magkakaanak? Pero nang mabuntis ako ng guwapo at mayaman kong nobyong ‘Kano, si Steven, ay iyon na ang suwerte ko para tuluyan nang makawala sa walang kuwentang buhay na kasama ka at ang ampon mo! Pagbalik ko sa Amerika ay makikipaghiwalay na ako sa iyo!” matigas na sabi ng babae na dire-diretsong pumasok sa kwarto upang kunin ang mga gamit.
Hindi na nakapagpigil pa si Dado at hinawakan nang mahigpit sa kanang braso ang asawa.
“Hindi nga ako nakapag-aral gaya mo pero may puso ako, Leonila at iyon ang wala ka,” sambit ng lalaki.
Nagsalita na rin si Jasmin at hinarap ang ina.
“Tama si papa, mama. Matalino ka nga at edukada pero mas mabuting tao si papa kaysa sa inyo,” aniya.
Inirapan lang sila ni Leonila at nagmamadaling umalis sa condo. Niyakap ni Jasmin ang ama, lumuluhang humingi ng tawad sa mga masasama niyang sanabi rito. Puno siya ng pagsisisi na inakala niyang ito ang may pagkukulang pero maling-mali siya, ang papa niya ang totoong kawawa sa sitwasyon. Pagkatapos na mahalin ng papa niya ang mama niya’y panloloko lang ang isinukli nito, at kaya pala hindi nagtatrabaho ang ama ay may kumplikasyon pala ito sa puso at bawal ang sobrang mapagod. Higit sa lahat, ang laki ng utang na loob niya rito dahil kinupkop siya at itinuring na tunay na anak kahit hindi siya nito kaanu-ano. Oo nga at may pinag-aralan ang inang umampon sa kaniya pero mas hinangaan niya ang kaniyang ama na kahit mangmang ay isa namang mabuting magulang.
Pinatawad naman siya ng kaniyang amang si Dado. Hindi man siya nito kadugo ay buong-buo ang pagmamahal nito sa kaniya bilang anak.
Mula noon ay naging mas malapit ang loob niya sa papa niya. Naging mabuting anak siya, kapag may hindi ito alam ay siya ang nagtuturo at nagsisilbing gabay nito. Tuluyan man silang pinabayaan ni Leonila ay gumawa naman ng paraan ang papa niya para mabuhay silang mag-ama. Gamit ang sarili nitong ipon ay nagtayo ito ng maliit na negosyo para sa panggastos nila sa araw-araw at sa kaniyang pag-aaral.