Nang Isilang ng Babae ang Anak Nila ng Mister ay Bigla Itong Nagbago; Ano Kaya ang Dahilan?
Magtatatlong taon nang kasal sina Dennis at Mildred. Si Mildred ay nagtatrabaho bilang Bise Presidente ng malaking kumpanya na pagmamay-ari ng kaniyang ama, ang asawang si Dennis naman ay manager sa kilalang pagawaan ng mga sapatos. Palaging abala ang dalawa sa kani-kanilang mga trabaho ngunit hindi naman iyon naging hadlang sa maayos nilang pagsasama.
Kung may mga katangian na mayroon sila, iyon ay ang pagiging ‘practical at independent’. Ang dalawang katangiang iyan ang nagustuhan nila sa isa’t isa kaya magkasundung-magkasundo sila.
Kapag kumakain sila sa labas…
“Eto ‘yung share ko sa bayad sa kinain natin, honey,” wika ni Mildred.
“Okey sige. Thank you, honey,” tugon ng mister.
“Siyempre, gusto ko na may ambag ako. Hindi ako ‘yung tipo ng asawa na mahilig magpalibre,” sabi pa ng babae.
“Ako rin naman. Ganoon din ang gusto ko,” saad ni Dennis.
Sa pagbili ng mga pangangailangan nila ay kaniya-kaniya rin.
“Nag-grocery ako, honey. Hindi ko naitanong kung may ipabibili ka. Ikaw nang bumili ng sarili mo,” wika ng lalaki.
“Okey lang, wala naman akong ipabibili, eh. Wala rin naman akong hawak na cash ngayon. Ako na lang ang pupunta sa grocery pag may naisip akong bilhin,” sagot ng misis.
Pagdating sa usaping pera ay magkasundung-magkasundo sila dahil wala silang pakialam.
“Siyempre mama, si Dennis ang bahala sa mga pag-aayos sa bahay…gaya no’ng ipinagawa naming garahe,” sabi ni Mildred nang dumalaw ang ina sa kanilang bahay.
“Ganoon ba, hija,” anito.
“Yes mama. Pagdating naman sa mga gamit na usually ako ang nangangailangan tulad ng mga gamit sa kusina, sa kuwarto namin ay ako na ang gumagastos,” aniya pa.
“Hindi ba parang iba yata ang patakaran niyong dalawa? Para kayong hindi mag-asawa,” wika ng ina.
“Mama, sa gano’n kami nagkakasundo ni Dennis. So far naman wala kaming nagiging problema padating doon,” tugon ni Mildred.
“Eh, kailan niyo naman kami mabibigyan ng apo, anak? Magtatatlong taon na kayong kasal pero wala pa rin kayong anak, mukhang mahina ang mister mo,” natatawang sabi ng mama niya.
Iyon ang tanong na matagal na ring hinahanapan ng sagot ni Mildred.
“Honey, don’t you think it’s about time na magka-baby na tayo?” paglalambing niya sa asawa.
“Hmm…kung sa palagay mo eto na ‘yung tamang panahon, tingnan natin,” sagot ni Dennis.
Sapat na ang sagot na iyon bilang go signal para kay Mildred. Sabik na siyang maging nanay kaya ginawa talaga nila ni Dennis ang lahat para makabuo sila.
Malakipas ang dalawang buwan…
“Honey, samahan mo naman akong mamili ng mga gamit pambata para hindi tayo magahol sa oras,” sabi ni Mildred sa mister.
“What?! Ang ibig mong sabihin…”
“Yes, honey. I’m pregnant at lalaki ang anak natin,” bunyag niya.
Tuwang-tuwa namang nagsisigaw at nagpapadyak si Dennis.
“Yahooo! Magiging tatay na ako!”
“Ang asawa ko talaga, uy huwag kang masyadong maingay at nakakabulahaw ka,” aniya.
Sa kabila ng kasiyahan ng asawa, ang hindi alam ni Mildred ay may namumuong takot sa puso ni Dennis.
“Teka, honey…mukhang naparami ‘yang pinamili mo para sa bata,” usisa ng mister.
“Oo nga, eh. I want to give him the best, Dennis. Siya yata ang una nating anak kaya dapat espesyal,” tugon ni Mildred.
Matuling lumipas ang mga buwan at naipanganak na ni Mildred ang kanilang panganay. Malusog ang bata at kyut na kyut, manang mana sa kanilang mag-asawa ngunit napapansin na niyang may kakaiba sa ikinikilos ng kaniyang asawa mula nang isilang niya ang anak nila.
“Honey, napapansin kong malayo ang loob mo sa anak natin. Ano ba ang problema?” tanong niya.
Ikinagulat ni Mildred ang itinugon sa kaniya ng mister.
“Suko na ako, Mildred. Pagdating sa mga pangangailangan ng bata, alam kong mas marami kang maibibigay sa kaniya,” wika ng lalaki.
“A-ano?”
Ang totoo, nang magkakilala sila noon ay talagang mayaman na si Mildred at ito ang tumulong sa kaniya upang umasenso. Ipinasok siya nito sa pagawaan ng sapatos na ang may-ari ay matalik na kaibigan ng ama ni Mildred. Dahil matalino siya at masipag ay napromote siya bilang manager ngunit kahit ganoon ang nangyari, kahit asensado na siya at nakaaangat na ay mas malaki pa rin ang kinikita ng asawa niya kaysa sa kaniya.
“Dennis, anak natin siya at hindi natin kailangang magkumpetensiya para sa pagmamahal ng bata. Hindi man naging ordinaryo ang patakaran natin sa paggastos ay dahil sa ayaw lang kitang mahirapan at inakala kong gusto mo rin iyon,” paliwanag ni Mildred.
“Totoo, Mildred…noong una, pero nang ipanganak mo si James, natakot akong tuluyang mawalan ng responsibilidad sa kaniya,” tugon ni Dennis.
“Honey, pera lang ang pinag-uusapan natin, iba ang pagmamahal ng ama sa kaniyang anak,” wika pa ni Mildred sabay yakap sa mister.
“At ng ina sa kaniyang anak, honey, kung puwede sana ay baguhin na natin ang sistema natin,” pakiusap ni Dennis sa asawa.
“D-Dennis…”
“Nais kong mas mapanindigan ang pagiging asawa’t ama ko sa inyo ni James,” saad pa ng mister.
“Kung ‘yun ang alam mong makabubuti, sige, honey,” pagsang-ayon ni Mildred.
Sa wakas ay napagkasunduan na nila na tanggalin na ang sistemang nakasanayan nila.
Maya maya ay biglang nagising ang anak nilang si James at umiyak.
“Hala, nagising si baby, siguro hinahanap na ang papa niya,” gulat na sambit ni Mildred.
“At ang mama niya,” sabi naman ni Dennis na niyaya na ang asawa para sabay nilang puntahan ang kanilang anak.
Mula noon ay naging mas maayos ang pagsasama nina Dennis at Mildred bilang mag-asawa at magulang. Makalipas ang ilang buwan ay nabuntis ulit si Mildred sa pangalawa nilang anak ng kaniyang mister at laking tuwa nila nang malamang babae naman iyon na ang ipapangalan nila ay Janela.