Inday TrendingInday Trending
Magreretiro na sa Trabaho ang Matandang Kasambahay; Grabeng Regalo ang Pabaon sa Kaniya ng Amo

Magreretiro na sa Trabaho ang Matandang Kasambahay; Grabeng Regalo ang Pabaon sa Kaniya ng Amo

“Manang Felissa, sigurado ka na ba talaga?” tanong ng amo ni Manang Felissa, kasasabi niya lang kasi dito na gusto niya nang magretiro sa trabaho. Tatlumpung taon na rin kasi siyang kasambahay at mayordoma sa bahay nito. Apat na taon na lang at otsenta anyos na siya kaya nais na niyang magpahinga at tumigil na sa serbisyo.

“Opo, Don Gustavo, may naipundar na naman po kaming maliit na negosyo ng aking asawa. Tapos na rin sa pag-aaral at may mga trabaho na rin po ang aming tatlong anak. Sapat na sapat na po siguro iyon para sa upa sa bahay na nirerentahan naming mag-anak at sa pang-araw-araw naming gastusin,” paliwanag ng matandang babae.

Saglit na nag-isip ang matandang don, bago napangiti at muling nagsalita.

“Sige, Manang Felissa, pagbibigyan ko ang hiling mo, pero maaari bang bago ka tuluyang magretiro ay may ipapagawa sana ako sa iyo, isang napakaimportanteng trabaho. Ikaw, manang, ang pinakapinagkakatiwalaan kong tauhan dito sa mansyon dahil hindi masusukat ng panahon ang inialay mong serbisyo at katapatan sa amin. Parte ka na ng aming pamilya kaya sa iyo ko ipinagkakatiwala itong sasabihin ko sa iyo kaya sana ay pumayag ka, manang,” pakiusap ng matandang lalaki.

Napakabait ng amo ni Manang Felissa na si Don Gustavo. Pati ang asawa nito at tatlong anak ay mababait at matulungin din sa kapwa. Malaki ang naitulong ng pamilya nito sa kaniya at sa pamilya niya sa loob ng maraming taon. Kaya naman hindi niya ito matatanggihan.

“Opo, Don Gustavo. Ano po bang ipapagawa niyo sa akin?” tanong ni Manang Felissa.

“Alam niyo po ba ‘yung mansyon ko sa Alabang na hindi na natitirhan? Nais ko pong kayo ang mamuno sa paglilinis ng buong kabahayan. Magsama po kayo ng mga kasambahay na maaari niyong makatulong doon. Gusto ko pong maging malinis at maayos ang bahay na iyon dahil may mga darating akong bisita at doon sila tutuloy,” wika ni Don Gustavo.

“Sige po Don Gustavo, ako na po ang bahala sa lahat. Sisiguruhin ko na magiging napakalinis ng inyong mansyon,” nakangiting sabi niya. Kahit ang totoo ay nag-aalangan siya. Nanginginig na kasi ang kaniyang mga kamay dahil pasmado na ito at madalas na ring sumasakit ang kaniyang mg balakang, pero kakayanin pa rin niya ang huling trabahong iniutos sa kaniya ng mabait na amo.

Bilang pagtanaw ng utang na loob ay sinipagan ni Manang Felissa ang paglilinis at pagpapaganda sa lumang mansyon ni Don Gustavo kasama ang mga kapwa niya kasambahay na tumulong sa kaniya. Napakalaki ng bahay na iyon na pagmamay-ari ng mayamang lalaki. Iyon ang unang bahay na pinagawa nito para tirhan sana ng pamilya pero mas malapit kasi ang negosyo ng mga amo sa Maynila kaya doon nagpatayo ng bahay ang mga ito at iniwan ang dating mansyon na matagal nang walang tumitira.

Nanginginig man ang mga kamay ay tumulong pa rin siya sa ibang tagalinis para gawin ulit presentable ang lumang mansyon. Ginawa ni Manang Felissa ang lahat ng makakaya niya upang hindi mapahiya kay Don Gustavo at sa mga bisita nito.

Buong araw nilang nilinis ang mansyon at bago magdilim ay natapos nila ang mga gawain. Laking pasasalamat niya dahil may mga sumama sa kaniyang mga lalaking tauhan ni Don Gustavo para tulungan sila sa mga mabibigat na trabaho.

Pagbalik niya sa bahay ng amo ay ipinaalam niya agad dito na tapos na ang pinagagawa nito sa kaniya. Nagpunta rin siya roon para kunin na ang huling sahod niya upang pag-uwi niya ay yayayain niya ang mag-aama niyang kumain sa labas.

“Maraming-maraming salamat Manang Felissa, sa maraming taon mong dedikasyon sa trabaho. Sana ay makahanap pa ako ng tulad mo na masipag at mapagkakatiwalaan,” wika ni Don Gustavo.

“Walang anuman po, Don Gustavo. Ilan taon din pong nakatulong ang trabahong ito sa aking pamilya. Malaki rin po ang naitulong niyo sa pag-aaral ng aking mga anak dahil sa pagbibigay sa kanila ng scholarship sa kolehiyo. Hindi na po ako bumabata kaya naisipan ko nang tumigil na sa serbisyo at para na rin masulit ko na kasama ang aking pamilya sa mga huling araw na ilalagi ko sa mundo,” nakangiting sabi ni Manang Felissa.

“Sige, ito na ang huling sahod mo, manang,” sabi ng matandang lalaki at iniabot sa kaniya ang isang sobre.

Magiliw na tinanggap iyon ni Manang Felissa at nagpaalam sa amo, pagkaalis sa bahay nito ay agad niyang binilang ang pera. Napakalaking halaga niyon na sinabi sa kaniya ni Don Gustavo bago siya lumisan ay dinagdagan nito iyon para makatulong sa kaniyang maliit na negosyo. Bukod doon ay nagulat pa siya dahil may nakalagay na maliit na sulat sa loob ng sobre. Binasa niya iyon at mas nanlaki ang mga mata niya dahil sa nilalaman niyon.

“Ang mansyon ko sa Alabang na nilinis niyo ay iyong-iyo na. Maaari na kayong tumira doon ng iyong pamilya. Ang duplicate na susi ng mansyon ay nakalagay sa malaking paso na nasa harap ng pinto, kunin mo na lang.”

Agad siyang siyang bumalik sa bahay ni Don Gustavo, hindi siya makapaniwala sa sulat nito. Nadatnan naman niya ang amo na nakatitig sa kaniya habang nakangiti. Tila alam na nitong babalik siya.

“Ano pong ibig sabihin nito, Don Gustavo?” naguguluhan niyang tanong.

“Kaya ko ipinalinis sa iyo ang mansyon ay dahil iyon ay ibinibigay ko na sa iyo. Kayo ng pamilya mo ang tinutukoy kong bisita na tutuloy doon, pero mga bisitang panghabambuhay nang maninirahan sa bahay na iyon. Nalaman ko na hanggang ngayon ay nangungupahan pa rin kayo kaya naisip kong sorpresahin ka, para makabawi man lang ako sa maraming taon mong dedikasyon sa trabaho at sa aking pamilya,” hayag ng amo.

Masayang-masaya si Manang Felissa sa magandang regalo ng kaniyang amo sa araw ng pagreretiro niya. Buong buhay siyang magpapasalamat sa kabaitan nito, napakasuwerte niya dahil nagkaroon siya ng among gaya ni Don Gustavo na marunong magpahalaga sa mga taong nagsisilbi rito.

Advertisement