Lingid sa Babaeng OFW na May Relasyon ang Batang Bata Niyang Pangalawang Asawa at ang Anak Niyang Dalaga; Tameme ang mga Ito Nang Mahuli sa Akto
Apat na taon nang nagtatrabaho si Jacinta sa Kuwait bilang domestic helper. Masuwerte siya dahil mababait ang kaniyang mga amo at parang pamilya na rin ang turing sa kaniya. Malapit sa kaniya ang dalagang anak ng mga ito na beinte anyos na ang edad. Magiliw at palakuwento rin ito kaya nagkakasundo sila. Para rin kasing nakikita niya ang nag-iisa niyang anak na babae sa anak ng amo niya dahil magkasing edad ang mga ito.
Minsan ay sinubukan niyang tawagan ang kaniyang ikalawang asawa na si Miguel sa Pilipinas para kumustahin ang anak. Biyuda na si Jacinta sa unang asawa na pumanaw dahil sa sakit na k*nser sa bato sampung taon na ang nakalilipas. Hindi naman niya naiwasan ang kaniyang puso na muling magmahal sa katauhan ni Miguel na isang security guard sa dating kumpanya na pinapasukan niya sa Pilipinas. Naisipan niyang makipagsapalaran sa abroad para sa pag-aaral ng anak niya sa kolehiyo. Kasal sila ng kaniyang mister sa huwes pero may plano rin silang magpakasal sa simbahan kapag sapat na ang ipon niya. Ilang beses na niyang kinokontak ang mister at maging ang kaniyang anak na si Julie Anne pero hindi sumasagot ang mga ito. Sa isip niya ay baka busy ang asawa niya sa pagbabantay sa kanilang sari-sari store na pinagkakaabalahan nito mula nang magresign sa trabaho. Mula nang mag-abroad siya’y ipinagkatiwala niya kay Miguel ang naipundar niyang negosyo. Ang anak naman niya ay baka hindi pa nakakauwi galing sa eskwela kaya hindi rin sumasagot sa tawag niya.
“Hayaan niyo, malapit na akong bumisita ulit diyan sa Pilipinas. Pinayagan ako ng mga amo ko na magbakasyon sa susunod na buwan kaya magkikita-kita na ulit tayo,” nasasabik na sabi ni Jacinta sa isip.
Ang pag-uwi niya sa Pilipinas ay sorpresa niya sa kaniyang asawa at anak. Hindi niya talaga ipinaaalam sa mga ito ang balak niya para ikagulat ng mga ito kapag dumating na siya.
Samantala, nagmamadaling isinuot ni Julie Anne ang kaniyang salawal at agad na nagbihis. Sinulyapan pa ang sarili sa salamin at sinuklay ang gulong buhok.
“Mamaya na ulit, tingnan mo, ang daming missed call ni mama sa selpon. Kanina pa pala tumatawag,” wika ng dalaga.
“Ha? A-ako rin pala tinatawagan niya. Naka-silent kasi ang selpon ko eh, ayokong maistorbo tayo sa ginagawa natin,” sabi ni Miguel na malambing na niyakap pa ang anak ni Jacinta at hinalikan sa pisngi.
Lingid sa kaalaman ni Jacinta ay dalawang taon na siyang niloloko ng dalawa dahil may lihim na relasyon ang mga ito. Sino nga naman ang maghihinala? Parang napakabait ng bago niyang asawa na kunwari ay tumatayong pangalawang ama sa kaniyang anak, iyon pala ay marami nang kal*swaang ginagawa ang mga ito, minsan nga kahit nagbabakasyon sa Pilipinas si Jacinta ay palihim na pa ring nagkikita ang dalawa. Ang akala rin niya ay ‘di makabasag pinggan ang kaniyang anak na masipag mag-aral kuno iyon pala ay palaging nagka-cutting classes at mas inaasikaso ang pakikipaglandian sa asawa niya. Pareho kasing bata pa ang anak niyang si Julie Anne at si Miguel kaya mapupusok. Ang lalaki ay beinte singko anyos lang samantalang si Jacinta ay singkwenta y singko anyos na. Iyon ang malaki niyang pagkakamali, ang pakikipagrelasyon at pagpapakasal sa mas bata sa kaniya.
“Hayaan mo siya. Iisipin niya na busy tayo kaya hindi tayo sumasagot sa mga tawag niya. P-pero teka, nakapagpadala na ba si mama?” tanong ni Julie Anne sa lalaki, para kasing gusto niyang bumili ng bagong damit at sapatos sa mall.
“Mamaya pa siguro. ‘Di ko nasagot ‘yung tawag niya, eh. Ang harot-harot mo kasi sa kama, ‘di ko tuloy naitanong kung kailan siya magpapadala,” wika ni Miguel.
“O, dali, tawagan mo na. Ayos lang sa akin kahit lambing lambingin mo o landi-landiin mo, basta utuin mo para magpadala agad ng pera,” sabi ng dalaga sa lalaki at iniabot pa rito ang selpon.
Ang totoo, halos sa luho lamang ng dalawang taksil napupunta ang ipinapadala ni Jacinta. Napapabayaan na nga ng lalaki ang sari-sari store na naipundar niya, sa madaling salita, nalulugi na dahil ang perang ipinapadala niya para rito ay ginagastos lang ng dalawa sa paglalakwatsa at sa mga walang kapararakang bagay.
“Ano, nabili mo na ang gustung-gusto mong damit at sapatos?” tanong ni Miguel.
“Oo naman. Makakaligtas ba iyon sa akin? Buti na lang at naipadala na ni mama ang perang itinawag mo sa kaniya kundi ay wala tayong magagastos para sa panonood natin ng sine at pangshopping ng iba pang gusto nating bilhin,” masayang-masaya namang sabi ni Julie Anne.
Mabilis na lumipas ang mga araw at nakalapag na ang eroplanong sinasakyan ni Jacinta sa Pilipinas. Pinili niyang tuluyang ilihim sa mister at sa anak niya ang pag-uwi niyang iyon, gusto niya talagang sorpresahin ang mga ito. Maya maya ay nakarating na siya sa kanilang bahay. Napansin niya na sarado ang sari-sari store na dapat ay binabantayan ng asawa niya pero naisip niya na baka may pinuntahan lang ito kaya sandaling isinara muna iyon. Binuksan niya ang pinto, nagtataka siyang hindi ito naka-lock, ibig sabihin ay may tao sa loob. Napangiti pa siya nang makitang naroon ang sapatos na pamasok ng anak niya, tamang-tama at nakauwi na ito sa bahay para magulat ito na bumalik na siya. Pero agad na napawi ang ngiti niya nang marinig ang malanding tawa ng isang babae.
“Napakatanga talaga ni mama, ano? Isang sabi mo lang padala agad siya ng pera, ‘di niya alam winawaldas lang natin ang mga pinapadala niya at siyempre wala rin siyang kaalam-alam na ako na ang mas gusto mong kasama sa kama dahil mas magaling ako kaysa sa kaniya, ‘di ba, babe?” malakas na sabi nito.
Sinundan ni Jacinta ang boses na nagmumula sa kuarto nilang mag-asawa, napakalakas ng tibok ng puso niya.
“Oo naman, babe. Mas masarap ka kaysa sa amoy paksiw mong nanay. Alam mo, kundi lang siya nag-abroad matagal ko nang iniwan iyon,” sabi naman ni Miguel.
Itinulak ni Jacinta ang pinto at halos atakehin siya sa puso sa nakita.
Parehong walang saplot si Miguel at ang anak niyang si Julie Anne sa kama at may ginagawang milagro. Para namang nakakita ng multo ang dalawa nang makita siya.
“Mga walanghiya! Lumayas kayo rito!” wika ni Jacinta sa nagtitimping tono.
Walang imik na nagbihis ang dalawa at umalis na roon, nagtangka pang magmakaawa si Miguel pero malakas na magkabilang sampal ang inabot nito sa kaniya.
“Hay*p ka! Sa dinami-rami ng babaeng kakalantariin mo’y anak ko pa? Ayoko nang makita pa ang pagmumukha mo rito sa pamamahay ko!” gigil niyang sabi.
Pati ang anak niya ay nagmakaawa sa kaniya na patawarin niya pero tulad ni Miguel ay nakatikim din ito ng malakas na sampal sa kaniya.
“Anong klase kang anak? Lahat ng paghihirap at sakripisyo ay ginawa ko para sa iyo, kaya ako nag-aborad ay para mabigyan ka ng magandang kinabukasan pero anong isinukli mo sa akin?” sambit niya.
Makalipas ang ilang taon
Nagpaalam na si Jacinta sa mga mababait niyang amo niya sa Kuwait. Sapat na kasi ang naipon niya para makauwi na sa Pilipinas. Dahil nalugi na ang sari-sari store na pinabayaan noon ni Miguel ay nagdesisyon siyang magbukas ulit ng bagong negosyo. Isa iyong mini grocery na ipinatayo niya sa tabi ng bahay niya. Pinayagan naman siya ng mga amo at sinabing welcome pa rin siya sa mga ito kung sakaling bumalik siya roon.
Hindi na nakatira sa kaniya ang anak na si Julie Anne dahil tuluyan na itong sumama sa dati niyang asawa na si Miguel. Nakipaghiwalay na rin siya sa lalaki. Matapos na lokohin siya ng mga ito ay mas pinili niyang magpatawad na lang para wala na siyang dadalhing bigat sa kaniyang dibdib. Ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang nangyari. Kahit ganoon ang ginawa sa kaniya ng anak ay anak niya pa rin ito, dugo’t laman niya at mahal niya ito.
Papasok na siya ng bahay nang may tumawag sa pangalan niya. Pamilyar sa kaniya ang boses kaya paglingon niya ay nakumpirma niya ang hinala.
Ang anak niyang si Julie Anne.
Nakita niyang marumi ang suot nito at halatang hirap sa buhay. May bitbit itong sanggol. Sandaling tumalikod si Jacinta, hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Si Julie Anne naman ay nag-aalangan kung aalis na ba o hindi, nais niyang humingi ulit ng tawad sa nanay niya dahil sa mga nagawang kasalanan. Pinagbayaran na niya lahat iyon. Naging impyerno nag buhay niya kay Miguel, matapos siyang mabuntis ay iniwan din siya nito at sumama sa iba. Noon niya lamang naisip ang lahat ng sakripisyo ng nanay niya para sa kaniya. Tatalikod na sana siya, hindi na siguro siya mapapatawad pa ng kaniyang ina pero…
“A-anak…”
Agad na lumingon si Julie Anne nang tawagin siya nito. Lumapit ang ina at inihanda na niya ang kaniyang sarili para muling masampal o ‘di kaya’y makatikim ng masasakit na salita pero sa halip ay hinaplos ng ina ang mukha ng kaniyang sanggol, pinipigil nitong maiyak.
“Bumalik ka na rito sa bahay, anak, kayo ng apo ko,” wika ni Jacinta.
Tuluyan nang napaluha si Julie Anne, sa kabila ng lahat ay kabutihan pa rin ang nanaig sa kaniyang ina. Nakahanda pa rin siya nitong tanggapin pati ang anak niya. Alam niya kung gaano kalalim ang sugat na idinulot niya sa ina at handa niya iyong pagbayaran habang buhay pero eto ngayon, bukas palad pa rin siya nitong tinanggap sa buhay nito dahil ang pagmamahal sa kaniya ng nanay niya ay walang katulad.
Kung nagkaayos na ang dalawa ay karma naman ang kinahantungan ni Miguel – dahil sa mga ginawang kasalanan ay siningil din siya ng tadhana, nagkaroon siya ng malubhang sakit na tumapos sa kaniyang buhay. Pinagbayaran na rin niya ang panloloko niya sa mag-ina.